“Inay, ano po ba ang handa ko sa birthday ko?” tanong ni Tom sa inang si Leila.
Hindi sumagot ang babae. Pinilit na iwasang ulitin ng anak ang tanong dahil ang isasagot niya ay wala. ‘Ni pamatid-gutom nga nila’y hindi niya alam kung saan niya susunod na kukunin.
Mahirap lang silang mag-ina. Si Leila ay naglalabada at namamalantsa lang ng mga damit ng kanilang mga kapitbahay. Si Tom naman, sa murang edad ay tumutulong na sa ina sa pagbebenta ng sigarilyo at basahan ngunit ‘di gaya ng kinikita ng ina ay barya-barya lang ang naiuuwi ni Tom. Sanggol pa si Tom nang iwan sila ng kanyang ama at sumama sa ibang babae kaya mag-isa itong itinataguyod ni Leila. Dahil kulang ang kita ng anak sa pagbebenta ay si Leila na ang umaako sa iba pang gastusin nila sa araw-araw. Hindi rin kasi siya nakatapos ng pag-aaral kaya ang paglalabada at pamamalantsa lang ang alam niyang gawin.
Kahit ang pag-aaral ni Tom ay nahinto dahil sa kanilang kalagayan. Ngayon nga ay nagtatanong ang anak kung ano ang handa nito sa nalalapit na kaarawan ngunit ano ang isasagot niya, eh, ang kinikita niya sa paglalaba at pamamalantsa ay hindi sapat para makabili ng handa na hinihiling ng anak, maging ang kinikita nito sa pagbebenta ng sigarilyo at basahan ay kulang na kulang din.
Sa pagtahimik ni Leila ay patuloy naman sa pagtatanong ni Tom.
“Tahimik ka po, inay? Ibig po bang sabihin ay wala akong handa? Bakit po ‘ni kapirasong handa ay wala sa nalalapit kong birthday, inay? Kahit siguro maubos itong paninda kong sigarilyo at basahan ay kulang pa na pambili ng handa. Buti pa ‘yung kalaro kong si Bernie ang dami po niyang handa nung birthday niya, binigyan pa nga niya tayo ‘di ba?” tanong ulit ng bata.
Ngunit sa kabila ng dire-diretsong tanong ng anak ay wala pa ring itinugon si Leila. Gusto niyang sabihin na iba ang antas ng pamumuhay ng kalaro nito kumpara sa kanila. May kaya ang pamilya nina Bernie samantalang sila ay kapos sa pera. Walang nagawa si Leila, pumatak na lang ang luha sa mga mata niya sa sobrang awa sa anak. Kung nakapag-aral lang sana siya at may magandang trabaho ay maibibigay niya ang maraming handa sa kaarawan ni Tom.
Habang papalapit ang espesyal na araw ng anak ay nakakaramdam ng masidhing pagnanasa si Leila na tuparin ang hiling nito. Nag-iisip siya ng paraan upang may maihanda kahit paano sa kaarawan ni Tom.
“Sino ba ang may ayaw na walang handa ang anak sa araw ng kanyang kapanganakan? Pero saang kamay ng Diyos ko kukunin iyon?” wika ni Leila sa isip habang naglalakad papunta sa suki niyang kapitbahay. Ibibigay na niya rito ang mga damit na pinalabhan nito.
Mayamaya ay may napansin siyang uugod-ugod na matandang babae na naglalakad rin sa kalye. May hawak itong malaking pitaka na namumutok sa dami ng laman. May kung anong pumasok sa isip ni Leila.
“Kapag napasaakin ‘yun…magiging masaya na ang anak kong si Tom. Maibibili ko na siya ng handa para sa kaarawan niya at mabibilhan ko rin siya ng regalo,” sambit niya sa sarili.
Balak niyang agawin sa matandang ale ang pitaka nito. Tutal, wala naman itong magagawa sa kanya, mukhang mahina na ang katawan ng matanda at walang ibang makakakita sa gagawin niya dahil walang ibang tao sa kalye.
“Diyos ko, gagawin ko ito dahil ayokong mabigo ang anak ko sa nalalapit niyang kaarawan. Gusto kong maging maligaya siya kahit sa araw lang na iyon,” sabi pa niya sa isip.
Kahit kinakabahan ay buo na ang loob ni Leila.
“Bahala na, hahablutin ko ‘yung pitaka ng uugod-ugod na matanda, pagkatapos ay tatakbo ako nang mabilis!” aniya pa.
Samantala, habang nagtitinda si Tom sa plaza ay may babaeng bigla na lamang nadapa sa dami ng bitbit na grocery. Agad itong nilapitan ng bata at tinulungan.
“Naku, ale, nasaktan po ba kayo? Mag-ingat po kayo sa paglalakad, dami niyo pa naman pong dala,” wika niya sa babae sabay inalalayan ito sa pagtayo.
“Salamat, bata! Natapilok kasi ako, eh! Dami ko kasing bitbit na pinamili. Wala akong ibang kasama. Nagmamadali ako dahil susunduin ko pa ang mama ko na nagwithdraw sa bangko. Baka nag-aantay na siya sa akin,” sagot ng ale.
“Ganoon po ba? Sige po, sasamamahan ko na kayo papunta sa kanya. Ako na po ang magbibitbit sa iba niyong dala!” sambit ni Tom sa babae saka tinulungan ito sa pagbitbit.
“Ang bait mong bata! Salamat ha!” tugon ng babae.
Ipinabantay muna ni Tom sa kasama niyang batang tindero ang mga paninda niya saka sinamahan ang babae sa bangko para kitain ang ina nito. Naglalakad sila nang makita ng babae ang ina na naglalakad din at patawid sa kalsada. Nakita naman ni Tom ang inang si Leila na nasa likod ng matandang babae na ina ng babaeng tinulungan niya.
“Inay, inay!” sigaw ni Tom.
Nagulat si Leila sa malakas na tawag ng anak. Hindi niya namalayan na napahinto siya sa paglalakad.
Nilapitan naman ng babae ang ina.
“Mama, bakit po kayo umalis sa bangko na hindi ako dumadating? Sabi ko sa inyo ay hintayin niyo ako roon at susunduin ko kayo pagkatapos kong mamili,” sabi ng babae sa matandang ale na balak sanang pagnakawan ni Leila
“Nainip kasi ako anak kaya naisip kong sundan ka na lang sa pamilihan,” tugon ng matanda.
“Inay, ano pong ginagawa niyo rito?” tanong naman ni Tom sa ina.
“A, eh, i-ihahatid ko itong mga pinalabhan ni Aling Mercy. Ikaw, b-bakit ka narito? Nasaan ang mga paninda mo?” tanong ni Leila.
“Pinabantayan ko po muna kay Estong. Tinulungan ko po itong ale sa paglalakad. Marami po kasi siyang bibit, eh!” sagot ng bata.
Nilapitan sila ng mag-ina.
“Kayo po pala ang ina nitong bata? Napakabuting bata po ng inyong anak. Iniwan niya pa ang pagtitinda para tulungan lang ako. Napakasuwerte niyo sa kanya, misis!” wika ng babae.
“Naku, wala pong anuman. Mabait po talagang bata itong si Tom,” sagot naman ni Leila na masaya sa ginawa ng anak.
“Sige po, babalik na po ako sa pagtitinda. Kailangan po na marami akong maibenta ngayon para may panghanda ako sa nalalapit kong birthday,” sabi ni Tom sa mga kasama.
“Malapit na pala ang birthday mo?” tanong ng babae.
“Opo, sa susunod na araw ay kaarawan na ng aking anak,” sabad ni Leila.
“Dahil tinulungan mo ako, ay sagot ko na ang panghanda sa birthday mo,” sabi ng babae sabay abot ng malaking halaga kay Tom.
Gulat na gulat si Tom nang makahawak ng malaking halaga ng pera.
“A-ang laki naman po nito!”
“Para sa iyo ‘yan, para may panghanda ka sa birthday mo. Birthday gift ko na sa iyo ‘yan dahil mabait at matulungin kang bata!” tugon ng babae.
“Maraming salamat po!” tuwang-tuwang sabi ni Tom na excited nang sumapit ang kaarawan niya dahil may panghanda na siya.
“Naku, maraming salamat sa kabutihan niyo,” nahihiyang sabi ni Leila na puno ng pagsisisi sa balak niyang gawin kanina sa ina ng babae.
“Makakapaghanda na tayo sa birthday ko, inay! Makakakain na tayo ng masarap!” masayang sambit ni Tom sabay yakap nang mahigpit sa ina.
Muling nalaglag ang luha sa mga mata ni Leila. Luha iyon ng kagalakan dahil nailigtas siya ng anak sa paggawa sana ng mali sa kanyang kapwa.
“Patawarin sana ako ng Diyos!” bulong ni Leila sa isip.
Hindi lamang iyon ang suwerteng dumating dahil inalok pa si Leila ng babae na nagpakilalang si Annie na maging kasambahay sa bahay ng mga ito. Bukod sa pagbibigay ng trabaho na may malaking pasahod ay tinulungan din ni Annie ang anak niyang si Tom na makapag-aral ulit. Mula noon ay huminto na sa pagtitinda si Tom at tinutukan na lang ang pag-aaral nang mabuti upang balang araw ay makapagtapos at magkaroon ng magandang trabaho para sa kinabukasan nilang mag-ina.
Ang simpleng pagtulong sa kapwa ay may kapalit na biyaya. Mabuti na lang at hindi itinuloy ni Leila ang masamang tangka sa matandang babae kundi ay hindi nila makikilala ang anak nitong si Annie na isa ring mabuti at matulunging tao na ibinalik lang ang tulong na ginawa ni Tom sa kanya.