Nabulag ang Misis na Ito Kaya Kumuha ang Mister Niya ng Kasambahay Bilang Katuwang Niya; Ano Kaya ang Matutuklasan Hinggil Dito?
“Maliit ang tsansa na makakita ka pa. I’m sorry.”
Halos gumuho ang mundo ni Esmie nang marinig ang sinabi ng optalmologo sa kaniya. Kasama niya ang kaniyang mister na si Gregory. Nagtatrabaho bilang IT consultant si Esmie sa isang malaking kompanya kaya halos buong araw ng kaniyang oras sa trabaho ay nakatutok ang kaniyang mga mata sa computer.
Sinabi niya sa mister na si Gregory na nakararanas siya ng mga panlalabo ng mga mata gayundin ang paminsan-minsang pagkawala ng paningin, sa tuwing siya ay gumigising sa umaga. Kaya naman, nagpasama na siya rito upang marinig nito ang anumang sasabihin ng doktor.
Nang umuwi na sila, dito na tuluyang bumuhos ang luha sa mga mata ni Esmie. Paano na ang trabaho niya?
“Ikukuha kita ng personal nurse, Esmie. Hindi kasi puwedeng hindi ako magtatrabaho. Kailangan mo ng makakasama rito sa bahay,” sabi ni Gregory sa kaniya.
“Huwag na. Gastos lang iyan. Hindi naman kailangan. Alam ko naman ang puwesto ng mga gamit dito sa bahay, gayundin ang mga dapat kong puntahan gaya ng palikuran at kusina. Sayang lang ang pera mo,” tugon naman ni Esmie.
“Huwag ka nang makulit, Esmie. Hindi naman ako makakampante na sa kondisyon mo ngayon eh hindi ako hahanap ng makakatuwang mo rito. Sige na. Pagbigyan mo na ako. O kung ayaw mo ng personal na nurse, hahanap na lang ako ng kasambahay para may gagawa rito.”
“Sige, ikaw ang bahala. Saan ka naman kukuha ng kasambahay? Mas mainam siguro kung tatawagan natin ang Mama para siya ang humanap ng mga kamag-anak namin sa probinsya na walang trabaho. Para kahit paano, kilala na namin.”
“Ako na’ng bahala sa bagay na iyan.”
Makalipas ang dalawang araw, ipinakilala na ni Gregory ang kanilang kasambahay.
“Esmie, narito na nga pala si Minda. Minda, siya ang asawa ko, ang magiging Ma’am mo, si Ma’am Esmie mo. Siya ang babantayan mo rito. Ikaw ang gagawa ng mga gawaing-bahay, at anuman ang gustuhin niya, ibigay mo. Maliwanag ba?”
“Opo sir. Hello po Ma’am Esmie! Ako po si Minda,” magiliw na pagbati nito.
“Ilang taon ka na Minda? Parang bata ka pa? Taga saan ka?” pag-uusisa ni Esmie na noon ay nakatingin lamang sa iisang direksyon ng bahay, walang kakurap-kurap.
“21 anyos po ako, galing sa Catanduanes Ma’am.”
“Paano mo naman nakilala ang asawa ko?”
“Kuwan po…”
“Ipinakilala siya sa akin ng kasamahan ko sa trabaho. Nabanggit ko kasi na naghahanap ako ng kasambahay, kaya siya ang ibinigay. Kilala mo si Fred?” sansala ni Gregory.
“Ah oo, si Fred. Sabihin mo sa kaniya maraming salamat,” pakli ni Esmie.
Matapos ang ilang mga pagbibilin at oryentasyon, nagsimula na nga ang paninilbihan ni Minda. Dahil hindi siya sanay na walang ginagawa, madalas ay nasusungitan ni Esmie si Minda.
Simula noon ay maaga nang umuuwi si Gregory upang alalayan din kahit paano si Esmie.
Matapos pakainin ang asawa, bumaba na si Gregory at nagtungo na siya sa kusina. Hinanap niya si Minda.
“Minda… halika rito…”
“S-Sir…” nagpalinga-linga muna si Minda sa itaas, sa direksyon ng kuwarto ng mag-asawa.
“Tulog na siya. Tama na ang pagpapanggap. Tara… ikaw naman ang kukumustahin ko. Miss na miss na kita. Kumusta ka naman babe ko?”
Agad na ngumiti nang ubod-tamis si Minda sabay sugod ng yapos at halik kay Gregory.
“Ikaw talaga… ang talino mo talaga babe! Sinong mag-aakala ngayon na ang legal na asawa at ang kabit ay nasa iisang bubong? Ang galing ng naisip mo na magpanggap akong katulong dito para magkasama na tayo!” kilig na kilig na saad ni Minda.
“Syempre, ako pa? Pasalamat na rin at nabulag siya. Hindi ko rin alam kung bakit nabulag siya eh. Sa ngayon, mas marami na tayong panahon para magkasama, babe! Kaya maaga rin akong umuuwi ngayon dahil nga gusto kitang makasama nang mas matagal. O kumusta naman siya? Nagpakabait ka ba?”
“Okay naman ang mga gawaing-bahay rito, kasi iniisip ko na lang na parang ako ang misis at pinagsisilbihan talaga kita. Pero iyang misis mo, minsan sinusungitan ako. Siguro dahil sa kondisyon niya. Pero wala naman akong pakialam kasi hindi naman niya ako nakikita, lalo na kapag pinadidilatan ko siya ng mga mata, o kaya inaambahan ng suntok.”
“Galingan mo lang ang pagpapanggap at mag-ingat ka para mas magkasama pa tayo nang matagal. Teka nga, maligo na tayo para makarami tayo…” pilyong aya ni Gregory sa kaniyang kabit. Tila naman kiniliti si Minda at napahagikgik. Sabay silang naligo ni Gregory at sa palikuran pa lamang ay may rom@nsahan nang naganap.
Sabay silang lumabas ng palikuran, subalit napatda sila sa pintuan pa lamang. Hindi nila inaasahan ang kanilang mapapansin sa kanilang harapan.
“E-Esmie?” A-Anong… anong ibig sabihin nito?” nauutal na tanong ni Gregory sa kaniyang misis. Nakaumang sa kanilang dalawa ni Minda ang isang baril. Sa kabilang kamay ni Esmie, hawak nito ang isang kopitang naglalaman ng red wine.
“Surprise! Nagulat ka ba? Kung mas magaling kayong magpanggap, mas magaling akong magpanggap! Isang palabas lang ang lahat, mahal kong asawa. Kunwari lamang ang pagkabulag ko!” sarkastikong pagsisiwalat ng katotohanan ni Esmie.
Tila pinagbagsakan ng langit at lupa sina Gregory at Minda.
“Matagal ko nang alam na may kalaguyo ka, at para mahuli ka, inisip kong magpanggap na bulag para mahuli kita sa akto. Pinlano ko ang lahat, Gregory. At hindi nga ako nagkamali. Bago ang lahat, nagpakabit muna ako ng CCTV sa sala at dito sa kusina. Kitang-kita ko ang paglalampungan ninyo ng malanding ahas na ito,” galit na galit na sabi ni Esmie sabay tutok ng baril kay Minda. Halos manginig naman sa takot ang babae.
“Mga hayop kayo! Kaya bago ko pa kalabitin ang gatilyo ng baril ko, lumayas na kayong dalawa sa pamamahay ko! Kung inaakala ninyong bulag ako, puwes, hindi iyan totoo, dahil hindi ako bulag sa katotohanang niloloko mo lamang ako, Gregory!”
Takot na takot na umalis ang magkalaguyo sa bahay na iyon. Naging madali na lamang ang lahat para kay Gregory dahil nailagay na ni Esmie ang mga damit at gamit niya sa mga maleta.
Nagsampa naman ng annulment si Esmie laban kay Gregory, at banta niya, kapag hindi ito pumayag ay sasampahan na lamang niya ng kaso ang dalawa, lalo na’t may matitibay siyang ebidensya sa CCTV.
Makalipas ang dalawang taon ay naghiwalay na nga nang tuluyan ang mag-asawa sa pamamagitan ng annulment. Nabalitaan niya na hindi rin pala nagkatuluyan sina Gregory at Minda dahil sa labis na konsensya at trauma ng kanilang ginawa.