Nawalan ng Trabaho ang Barberong Ito Kaya Iginugol Niya ang mga Araw sa Paghahanap ng Trabaho; Isang Palaboy ang Darating at Babago ng Buhay Niya
Nawalan ng trabaho bilang barbero si Tommy kaya ganoon na lamang ang naramdaman niyang pagkalungkot. Hindi niya alam kung anong trabaho ang naghihintay sa kaniya.
“Paano po kaya ito, sir… kailangang-kailangan ko po kasi ng pera eh. Ako lang ang inaasahan ng pamilya ko, tapos ngayon, magsasara pa tayo,” nanggigipuspos na sabi ni Tommy sa kaniyang amo na siyang may-ari ng barberya.
“Pasensya ka na… luging-lugi na kasi ako pagdating palang sa upa rito sa puwesto. Saka kita mo naman, madalang ang mga customers natin,” paliwanag ni Mang Ambo na matagal nang barbero sa kanilang lugar.
“Siguro po boss, mas makakatulong sa atin kung makikipagsabayan na tayo sa mga salon na nagkalat sa paligid. Iba na po kasi ang kalidad ng serbisyo na ibinibigay nila sa mga kliyente nila. Yung iba po, nagbibigay ng libreng inumin, o kaya naman libreng masahe,” mungkahi naman ni Tommy.
Tumango-tango naman si Mang Ambo.
“Hayaan mo Tommy, kapag naibangon ko na ulit ang sarili ko rito, kukunin ulit kita. Pasensya ka na talaga,” pangako sa kaniya ni Mang Ambo.
Walang nagawa si Tommy kundi ang tumango na lamang sa kaniyang boss. Malungkot na balita ang bumungad sa kaniyang inang si Aling Cleofe na may maliit na tindahan sa tapat ng kanilang bahay.
“Ayos lang iyan, anak. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Makakahanap ka rin ng kapalit na trabaho. Mabuti na lamang at may naipon akong pera kahit paano, at may tindahan tayo. Makakatulong din habang naghahanap ka,” pampalubag-loob ni Aling Cleofe.
Kaya naman, hindi nagsayang ng oras si Tommy. Kinabukasan, sinuyod niya ang iba’t ibang lugar para lamang makahanap ng mapapasukang barberya o salon. Tatlong araw siyang naghahanap subalit lagi siyang bigong umuuwi. Kung hindi punuan na raw sila, hindi rin nila kayang kumuha ng karagdagang barbero.
“Anak, huwag kang mawawalan ng pag-asa. Pasasaan ba’t matitisod mo rin ang panibagong trabahong nakalaan para sa iyo,” muling pagpapagaan ng loob ni Aling Cleofe sa kaniyang anak. “Tiyaga-tiyaga lang.”
Kaya naman, hindi nawalan ng pag-asa si Tommy. Kailangan na niyang makahanap ng bagong trabaho dahil unti-unti nang nauubos ang kaniyang mga ipon.
Hindi kasi puwedeng wala siyang gawin. Siya ang maituturing na breadwinner ng pamilya. Naisip niya, kung walang mga barberya na tatanggap sa kaniya, kahit anong trabaho na ang lakas-loob niyang papasukin.
Isang araw, matapos ang bigo na namang paghahanap ng trabaho, saglit na namahinga si Tommy sa isang parke. Naupo siya at nag-isip-isip. Nagmuni-muni. Nahihiya na siya sa kaniyang ina. Ayaw niyang umuwing bigo.
Marami siyang alalahanin sa buhay. Marami siyang agam-agam. Pakiramdam niya, gugutumin niya ang kaniyang pamilya, at iyon ang ayaw niyang mangyari.
Habang nakatanaw sa malayo, bigla ay napansin niya ang isang palaboy na lalaki na may mahabang buhok. Napansin niyang tahimik at masaya itong kumakain sa lapag. Tila may kurot sa pusong naramdaman si Tommy. Ito ngang mga palaboy na ito ay masaya sila at hindi namomroblema sa mga bagay na mayroon sila, siya pa kaya na may kapasidad na makahanap nang magagandang oportunidad?
Dahil sa biglaang realisasyon na iyon, biglang nanumbalik ang sigla ni Tommy sa kaniyang katawan. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa. Maaaring naghihintay pa sa kaniya ang mas magandang oportunidad At hindi niya sasayangin ang araw na ito upang makahanap ng panibagong mapagkakakitaan para sa kaniyang pamilya.
Bago umalis, tinawag ni Tommy ang naturang palaboy. Kinapanayam niya ito, at napag-alaman niyang taga lalawigan pala ito noon, na nagbaka-sakali sa lungsod upang makahanap ng trabaho. Mas lalong nalungkot si Tommy para sa naturang palaboy, lalo na’t nakakaugnay siya rito.
Kaya naman, kinuha niya ang kaniyang mga kagamitan sa paggugupit ng buhok. Sa kaniyang paghingi ng permiso sa naturang palaboy, ginupitan niya ang naturang lalaki at inahitan din. Maya-maya, lumitaw ang magandang mukha nito. Guwapo pala ang naturang lalaking palaboy!
Maging ang ilang mga tindero at tinderang nakapuwesto sa naturang parke ay nagulat sa nakita nilang hitsura ng naturang palaboy. Maihahalintulad daw ito sa isang artista.
“Wow, ang guwapo niya pala!” bulalas ng isang tindera.
Nagkataon namang may napadaang isang lalaki na isang talent scout sa isang TV network. Napansin niya ang naturang lalaking palaboy. Hindi siya nagdalawang-isip na kunin ito upang bigyan ng trabaho. Naghahanap daw kasi siya ng isang bagong modelo sa print-ad. Tuwang-tuwa ang lalaking palaboy na nagngangalang Mauro.
“Maraming-maraming salamat po, Diyos ko!” naiiyak na saad nito.
Kaya naman nang mag-post sa kaniyang social media ang naturang talent scout, marami ang humanga sa kaguwapuhang taglay ni Mauro, at mas lalo pa silang nabilib nang malaman kung ano ang kuwento ng buhay nito.
Samantala, nagkaroon naman ito ng epekto kay Tommy dahil mga mismong mga salon at barbershop na ang nag-alok ng trabaho sa kaniya, dahil humanga sila sa transpormasyong ibinigay niya kay Mauro.
Tunay nga na ang anumang kabutihang ginawa natin sa kapwa natin ay tiyak na babalik din sa atin!