Inday TrendingInday Trending
Hindi na Magkakaanak ang Mag-asawang Ito Dahil Walang Kakayahan si Misis; Tanggapin Kaya Niya ang Anak sa Pagkabinata ng Kaniyang Mister?

Hindi na Magkakaanak ang Mag-asawang Ito Dahil Walang Kakayahan si Misis; Tanggapin Kaya Niya ang Anak sa Pagkabinata ng Kaniyang Mister?

“Kung gusto mo… isama na natin dito sa bahay si Romeo, ang anak ko.”

Napatingin lamang si Trina sa kaniyang mister na si Lance nang banggitin nito ang anak na batang lalaki sa pagkabinata. Sumambulat na kasi sa kanila ang resulta ng kanilang pagkonsulta sa espesyalista, na hindi na magkaka-anak pa si Trina. Baog ito.

“Wala na si Debbie. Batay sa pagkakabalita ko, nasawi siya sa isang malubhang sakit. Ang anak namin na si Romeo, nasa pangangalaga ng lola niya.”

Hindi naman naglihim si Lance sa kaniyang misis na si Trina, sa kung anong buhay o nakaraan ang meron siya. Bago pa sila magkakilala, nagkaroon ng kasintahan si Lance at ito nga ay si Debbie. Nang magkahiwalay sila, buntis pala ng isang buwan si Debbie. Naisilang nga si Romeo, na ngayon ay 6 na taong gulang na.

“Mas gusto ko pa rin na magkaroon sana tayo ng sariling anak, Lance. Nakokonsensya ako. Hindi kita mabigyan ng anak. Pasensya ka na kung binigo kita,” naluluhang saad ni Trina sa kaniyang mister.

Niyakap ni Lance si Trina. Mahigpit na yakap.

“Mahal na mahal kita, Trina. Oo aaminin ko sa iyo, pinangarap ko naman talaga na bumuo ng isang malaking pamilya kasama ka. Pero kung ito naman ang kaloob ng Diyos sa atin, sino ba naman tayo para kuwestyunin iyon, hindi ba? Masaya pa rin ako dahil magkasama tayo,” pampalubag-loob ni Lance sa kaniyang misis.

“S-Sige… isama mo na rito ang anak mong si Romeo. Payag na ako,” nakangiting sabi ni Trina sa kaniyang mister.

“Talaga? Pumapayag ka na?”

“Oo. Pumapayag na nga ako. Dito na natin siya patirahin. Para naman may kasa-kasama ako rito sa bahay.”

Hindi maipaliwanag ni Lance ang kaniyang nararamdamang kasiyahan sa pagpayag ni Trina na patirahin na sa kanila ang kaniyang anak sa pagkabinata. Naisip niya, ito na ang pagkakataon niya upang makabawi sa kaniyang anak.

Nang sumunod na mga araw, kasama na nga ni Lance ang kaniyang anak. Dala-dala na nila ang lahat ng gamit nito. Nakumbinsi niya ang bata na sumama na sa kaniya. Napapayag na rin niya ang lola nito. Siya naman kasi ang ama kaya walang dahilan para hindi siya payagan nito.

“Romeo, anak… siya pala ang Tita Trina mo. Puwede mo naman siyang tawaging Mommy kung gusto mo. Simula kasi sa araw na ito, kami na ang mga magiging magulang mo,” nakangiting pagpapakilala ni Lance sa kaniyang anak kay Trina.

Halatang-halata kay Romeo ang labis na pagkailang. Ni hindi siya makatugon. Ni hindi siya makatingin kay Trina.

“Romeo… ako si Tita Trina mo. Puwede mo naman akong tawaging Mommy. Ako na ang bago mong Mommy…” malambing na saad ni Trina sa bata.

Hindi sumagot si Romeo. At naiintindihan naman ni Trina ang nararamdaman ng bata.

“Lance… sa palagay mo ba ay matatanggap ako ng anak mo bilang madrasta niya, bilang bago niyang nanay?” naitanong ni Trina kay Lance.

“Oo naman, mahal. Huwag nating madaliin ang lahat. Unti-unti, matatanggap din niya tayo, kaya huwag natin siyang sukuan. Hindi rin madali sa bata ang adjustments na ito.”

“Handa naman akong mahalin si Romeo na parang tunay kong anak, kasi anak mo siya Lance. Sana tulungan mo akong makuha ang loob ng anak mo,” pakiusap ni Trina sa kaniyang mister.

“Oo pagtutulungan natin, mahal. Marami akong pagkukulang sa kaniya, kaya gagawin ko ang lahat para makabawi sa kaniya.

Sa simula ay hindi naging madali ang lahat para kina Trina at Romeo. Tamilmil kumain si Romeo, lalo na sa mga luto ni Trina. Nang tanungin siya tungkol dito, “Nami-miss ko po ang luto ni Mama.”

Masaya na itong kalaro ang alaga nitong pusang si Missy.

Kapag lumalabas sila at namamasyal sa mall, lumalayo sa kanila si Romeo. Nagpupunta kaagad ito sa amusement center. Tila iwas na iwas siya sa kanila. “Uwi na po tayo?” sasabihin nito, kapag nagsawa na. Ayaw nang makipag-bonding sa kanila.

Minsan, nilagnat ito. Umabot sa lagpas 40 ang temperatura. Nagkataong wala pa si Lance. Nasa trabaho pa. Matiyagang inasikaso at inalagaan ni Trina ang anak-anakan. Hindi siya nagsawa sa kapupunas ng suka at malamig na tubig sa katawan nito, upang mapababa ang temperatura.

“M-Mama… m-mama… miss na miss na kita…” sambit ni Romeo habang nagdidiliryo. Natigilan si Trina. May bahagi sa puso niya na nasaktan. Alam niyang hindi niya kailanman mapapalitan sa puso ni Romeo ang tunay na ina nito.

Subalit naisip ni Trina, hindi ito ang tamang panahon para maging emosyunal siya. Kailangan niyang arugain ang bata, hindi dahil sa anak ito ng asawa niya, kundi unti-unti na rin niyang minamahal si Romeo na parang nagmula mismo sa kaniyang sinapupunan.

Nang dumating si Lance. nagdesisyon na silang itakbo sa ospital si Romeo upang malaman ang dahilan kung bakit ito nilalagnat nang mataas. Napag-alaman na may problema pala ito sa pantog.

Nang gumaling si Romeo, nagulat si Trina nang hawakan ng bata ang kaniyang kanang kamay.

“Maraming salamat po… Mommy…” nanghihinang sabi nito.

Hindi nagsalita si Trina. Sa halip, niyakap niya si Romeo. Gumanti naman ng yakap ang bata.

At iyon na ang simula nang unti-unting pagtanggap at pagbubukas ng loob ni Romeo kay Trina, bilang kaniyang madrasta. Naramdaman marahil ng bata na unti-unti na rin siyang minamahal ni Trina bilang isang tunay na anak, kaya hindi na ito natakot na tanggapin siya bilang panibagong ina.

Makalipas ang maraming mga taon, nagsama bilang isang masayang pamilya sina Lance, Trina, at ang anak nilang si Romeo, na masayang-masaya na ulit.

Advertisement