Bigla na Lamang Natakot sa Liwanag ang Batang Anak na Lalaki ng Mag-asawa; Nakagigimbal Pala ang Dahilan
“Otep, anak… may problema ka ba? Narito na ang Daddy at Mommy. Puwede kang magsabi sa amin kung bakit takot na takot ka sa liwanag, anak…”
Hindi maintindihan ng mag-asawang Nina at Poncio kung bakit sa tuwing binubuksan nila ang mga ilaw sa kabahayan ay nagsisisigaw sa takot ang kanilang anak na si Otep, limang taong gulang.
Wala sanang problema kapag umaga dahil bihira lamang nilang binubuksan ang mga ilaw, subalit sa pagsapit ng gabi, ayaw na ayaw nitong pinabubuksan ang mga ilaw sa buong kabahayan. Bagay na ipinagtataka nila.
Isa pa sa mga napansin ng mag-asawa, simula nang umalis sa kanilang bahay ang tiyahin nitong si Ysbeth na kapatid ni Poncio, saka nagsimulang matakot sa liwanag ang bata. Na palagay nila ay baligtad. Kadalasan, mas takot ang mga bata kapag madilim.
Kagaya ng dati, hindi kumibo si Otep. Bagay na labis nang kinababahala ng mag-asawa.
“Kailangang matanong natin si Ysbeth kung ano ba ang ginawa niya sa bata at matakot nang ganyan sa liwanag. Naiinis ako sa kapatid mo, Poncio. Bakit ngayon pa siya umalis, na nagkakaganyan ang anak natin?” hindi maiwasang makaramdam ng pagkairita si Nina.
“Nakikipag-ugnayan na ako sa kaniya pero hindi siya sumasagot sa mga text, chat o mga tawag ko. Ayon naman kina Nanay, wala naman sa amin sa Bicol, kaya hindi rin ako makasugod doon,” saad naman ni Poncio sa kaniyang misis.
“Gusto kong malaman kung ano bang nangyari dito sa bahay noong wala tayong dalawa, abala tayo sa trabaho, at siya ang napakiusapan nating maiwan dito at mag-alaga kay Otep. Kung alam ko lang sana na mangyayari ito…” nanggigipuspos na sabi ni Nina sa kaniyang mister.
“Ako na ang humihingi ng kapatawaran sa kung anuman ang ginawa ng kapatid ko, mahal… pero sana, habang hindi pa natin nalalaman ang buong katotohanan, huwag muna tayong maghusga.”
“Sana nga, wala siyang kinalaman dito… dahil malaman ko lang ang katotohanan, kakalimutan kong kapatid mo siya,” mariing banta ni Nina. Bagay na nauunawaan naman ni Poncio. Maski siya, nahihiwagahan sa kakaibang mga gawi ng kanilang anak.
Isang araw, nagpasya na ang mag-asawa na ipakonsulta ang kanilang anak sa isang child psychiatrist. Ipinaliwanag nila rito ay inilarawan ang mga obserbasyon sa kanilang anak na si Otep.
“Huwag kayong mag-alala, malalaman din natin ang dahilan kung bakit natatakot sa liwanag o ilaw ang inyong anak,” pangako nito.
Matapos ang ilang mga sesyon, mukhang unit-unti namang umaayos ang mga gawi ni Otep. Napakahusay ng espesyalistang nakuha nila. Hindi baleng gumastos sila nang mahal, basta’t bumalik lamang sa dating sigla ang kanilang unico hijo.
Isang araw, kinausap ng espesyalista ang mag-asawa.
“Kailangan ko kayong makausap kaagad. Medyo nakakaalarma ang kuwento sa akin ng inyong anak. Palagay ko, hindi siya komportableng magsabi sa inyo ng problema niya, dahil natatakot siya,” saad ng espesyalista.
“Bakit siya natatakot sa amin? Wala naman kaming ginagawang masama sa kaniya,” tanong ni Nina.
“Maaaring hindi kayo, kundi sa isa sa mga kaanak ninyo. Mukhang na-trauma ang bata sa ginagawa sa kaniya ng dati niyang kasamang babae sa bahay.”
Natulala naman ang mag-asawang Nina at Poncio sa mga rebelasyon ng espesyalista.
“Aniya, sa tuwing wala raw kayo sa bahay, pinapapasok siya ng kaniyang tiyahin sa kuwarto nito. Bukas na bukas ang ilaw, ginagawan siya ng k@h*layan nito, na kitang-kita niya ang lahat. Kaya natatakot ang anak ninyo sa liwanag. Kapag gabi kasi, syempre hindi na siya nagagawa nito nang masama dahil nasa bahay na kayong lahat.”
Kaya naman, lalong nagliyab ang galit sa puso ng mag-asawa. Naging poot na ito. Buo na sa sarili nilang komprontahin at marinig ang panig ni Ysbeth. Ginawa ni Poncio ang lahat ng kaniyang magagawa upang hanapin ang kapatid.
Ngunit isang araw, nagulat na lamang sila nang biglang tumambad sa harapan nila si Ysbeth.
“Hayop ka! Anong ginawa mo sa anak namin! Magsalita ka! Umamin ka!” isang malutong na sampal ang ipinagkaloob ni Nina sa pisngi ng kaniyang bilas.
Bumuhos na ang emosyon ni Ysbeth.
“Patawarin ninyo ako, Kuya, Ate… natukso lamang ako. Hindi ko sinasadyang gawin iyon kay Otep. Natukso lamang ako… hindi na kaya ng konsensya ko ang mga nagawa ko sa kaniya, kaya narito ako para humingi ng tawad sa inyo, at kay Otep.”
“Sa tingin mo ba ganoon lang ‘yon? Hindi ko mapapalagpas ang ginawa mong ito. Sinira mo ang buhay ni Otep! Pagbabayaran mo ito!”
Kaya naman, sinampahan ng mag-asawa ng kaso si Ysbeth, lalo’t ito na mismo ang umamin sa kasalanang ginawa nito.
Samantala, sa tulong ng child psychiatrist ay naibalik naman ni Otep ang kaniyang magandang disposisyon sa buhay, matapos ang bangungot na pinagdaanan sa kamay ng sariling tiyahin. Naglaan na rin ng oras ang mag-asawa para sa kaniya.