Inday TrendingInday Trending
Hiniling ng Misis na Ito na “Anakan” Siya ng Kaniyang Dating Kasintahan; Bakit Kaya?

Hiniling ng Misis na Ito na “Anakan” Siya ng Kaniyang Dating Kasintahan; Bakit Kaya?

“Anakan mo ako, Hency. Anakan mo ako.”

Muntik nang maibuga ni Hency ang kapeng iniinom niya sa mga pahayag na namutawi sa mismong bibig ni Sonia, ang kaniyang dating kasintahan, na ngayon ay kasal na sa iba.

“Ulitin mo nga ang sinabi mo, Sonia? Ayos ka lang ba?” muling tanong ni Hency kay Sonia.

“Hindi ka naman siguro bingi, hindi ba? Ang sabi ko, anakan mo ako. Minsan ko lang itong sasabihin sa iyo. Nakikiusap ako sa iyo. Gusto ko kasing mapasaya ang mister ko. Pakiramdam ko, hindi ko siya mapapasaya kung hindi ko siya mabibigyan ng anak.”

Kinuha ni Hency ang basong kinalalagyan ng malamig na tubig. Lumagok siya nang bahagya. Nabibigla siya sa mga sinasabi ng kaniyang dating nobya. Kinakalma niya ang kaniyang sarili dahil alam niya sa sarili ang gusto niyang isagot dito. Papayag siya, dahil mahal niya pa rin ito.

Sa kabila nito, naghuhumiyaw sa isipan ni Hency na hindi na maaari ang gusto niya, dahil may asawa na ito.

“Teka muna, nagpakonsulta na ba kayo sa doktor? Baka kasi isa sa inyo ang talagang may problema,” tanong ni Hency kay Sonia.

“Oo. Maayos naman daw kami sabi ng espesyalista. Kaya alam kong wala namang problema sa aming dalawa. Gusto ko na kasing mapaligaya ang asawa ko. Ayos lamang ba sa iyo?”

“Syempre, hindi. Anong klaseng ideya ba iyan, Sonia? Oo, gusto kitang maging ina ng mga magiging anak ko, dahil hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin kita, pero hindi na puwedeng mangyari iyon. May asawa ka na,” tugon naman ni Hency, bagama’t pilit niyang nilalabanan ang malaking tuksong lumulukob sa kaniya.

“Ang dami mo namang sinasabi. Papayag ka ba o hindi? Ako na nga ang humihingi ng permiso mula sa iyo. Huwag mong sayangin ang pagkakataong ito.”

“Sonia, paano kung magbunga ang gagawin natin? Kakayanin ba ng konsensya mo na ibang lalaki ang ipakikila mong ama ng anak natin? O kaya baligtarin natin, kakayanin mo bang ipakilala sa ibang ama ang anak ko? Hindi ko yata kakayanin iyon.”

Nalungkot naman si Sonia sa tinuran nito. Kailangan niya itong daanin na sa santong paspasan. Pursigido siyang magkaanak mula rito.

Kaya naman, unti-unti siyang naghub@d ng saplot at sa pagkabigla ni Hency ay umibabaw na siya rito. Wala nang nagawa si Hency nang halikan siya ni Sonia. Nang una ay tumututol ang kaniyang isipan, ngunit naramdaman niya ang nag-aalab na nararamdaman niya kay Sonia, na ngayon ay talagang nagsadya sa kaniyang apartment para lamang ihain sa kaniya ang ideyang iyon.

Matapos ang kanilang pagnin*ig, nagbalik-tanaw si Hency sa nakaraan nila ni Sonia, habang tinitingnan at hinahaplos niya ang magandang mukha nito.

Dahil sa kaniyang ambisyong mangibang-bansa, minabuti nila ni Sonia na maghiwalay ng kani-kanilang mga landas dahil hindi sila sang-ayon sa pakikipagrelasyon habang nasa malayong distansya sa isa’t isa.

Kaya naman labis ang kaniyang pagkabigla nang mabalitaan mula sa kaniyang mga kaanak na nagpakasal na sa ibang lalaki si Sonia. Labis siyang nasaktan. Ngunit naisip niya, wala siyang karapatan dahil siya naman ang unang lumayo at umalis sa buhay nito.

At ngayon ngang muling nagbabalik si Hency sa Pilipinas para sa isang pansamantalang bakasyon, nakipagkita sa kaniya si Sonia. Kaya magkasama sila ngayong dalawa.

Makalipas ang isang buwan, bumalik na sa America si Hency para sa kaniyang trabaho. Tapos na ang isang buwan niyang inihaing bakasyon.

Natuklasan naman ni Sonia na hindi siya dinatnan kaya naman, kabadong-kabado siyang alamin kung nagbunga ba ang ginawa ni Hency. Hindi nga siya nagkamali. Dalawang linyang pula ang bumungad sa kaniya sa binili niyang pregnancy test.

Noong una, kabadong-kabado siya. Hindi niya alam kung dapat ba niyang sabihin sa mister na si Cesar ang kaniyang kondisyon. Subalit naisip niya, iyon naman talaga ang plano niya una pa lang, ‘di ba? Na mabigyan na niya ito ng anak.

Subalit natigilan siya. May 90% na ang ipinagbubuntis niya ay mula kay Hency. Naalala niya na may nangyari sa kanila.

Ngunit may nangyayari rin sa kanila gabi-gabi ng kaniyang mister.

Hindi naman siguro nito mahahalata.

Ngunit doon siya nagkakamali. Nang ipamalita niya rito na nagbubuntis siya, isang rebelasyon ang sinabi nito.

“Baog ako. Paano mangyayari iyan?”

“P-Paanong nangyari ito? Hindi ba’t sabay tayong nagpakonsulta sa manggagamot?” nauutal at nanginginig na tanong ni Sonia sa kaniyang mister.

“Kumuha ako ng ikalawang opinyon, ikatlo pa nga. Nagkamali sila sa unang resulta. Matapos ang ikalawa at ikatlong opinyon, lumalabas na ako ay baog at hindi kailanman magkakaanak. Ngayon, sabihin mo sa akin, kanino iyang ipinagbubuntis mo?” galit na galit na kompronta ni Cesar sa kaniyang misis.

Sa labis na pagkatakot ay umamin si Sonia sa kaniyang ginawang pagtataksil.

“Ngayon, lumabas na ang totoo. Alam ko na iyan. May nakakita sa iyong isa sa mga malalapit kong kaibigan, na may kasama kang lalaki. Nang araw na iyon, hindi ka umuwi. Alam ko na ang kasama mo ay ang dati mong kasintahan. Mga hayop kayo!”

“Patawarin mo ako, Cesar. Hindi ko sinasadya. Gusto ko lang kasing mapasaya ka, kaya naisip ko ang bagay na ito.”

“Ang sabihin mo, sarili mo lang talaga ang iniisip mo. Dala ng kaharutan mo. Lumayas ka na sa pamamahay ko. Ayoko na!”

Tuluyan ngang naghiwalay ang mag-asawa. Sising-sisi si Sonia sa kaniyang mga nagawa. Mag-isa niyang itinaguyod ang kanilang anak ni Hency, na hindi naman siya mapanagutan, dahil may asawa at sariling mga anak na rin pala ito sa ibang bansa.

Ipinangako ni Sonia sa kaniyang sarili na hinding-hindi na niya ulit gagawin ang mga ganoong bagay, upang hindi makasakit ng damdamin ng mga taong mahal niya. Sa ngayon, handa siyang panagutan ang mga pagkakamaling nagawa niya.

Advertisement