Inday TrendingInday Trending
Nais ng Dalagang Itong Makatikim ng Mamahaling Kape; Masarapan Kaya Siya Rito?

Nais ng Dalagang Itong Makatikim ng Mamahaling Kape; Masarapan Kaya Siya Rito?

“Nanay, pupwede mo ba akong bigyan ng kahit isang daang piso? Naiinggit po kasi ako sa mga kaklase kong nakakapunta roon sa bagong bukas na kapehan sa tapat ng paaralan namin,” daing ni Cheche sa kaniyang ina, isang hapon pagkauwi niya galing paaralan.

“Naku, anak, wala pa akong ganoong kalaking pera, eh. Mayroon lang akong sikwenta pesos dito, pambili naman ito ng pagkain natin ngayong araw. Kung gusto mo, gagawan na lang kita ng kape! Saglit lang, ha, may kapeng barakong natatago rito, eh, lalagyan ko na lang ng gatas!” magiliw na sambit nito saka agad na hinanap sa kanilang bahay ang kapeng tinutukoy. Mabilis din itong bumili ng tigsasampung pisong gatas sa katapat nilang tindahan.

“Kasing sarap po ba ‘yan no’ng mga kapeng itinitinda roon?” tanong niya pa rito habang natataranta itong gumawa ng naturang kape.

“Ah, eh, hindi ko alam, anak. Hindi pa naman ako nakakatikim ng mga mamahaling kape,” tugon nito habang ginagawa ang naturang kape, “Pero, ito, sigurado akong masarap ‘to!” masayang sambit nito nang tuluyan nang makagawa ng kape. Agad naman niya itong kinuha at tinikman.

“Parang normal na kape lang, nanay, eh!” sigaw niya rito nang may pagkadismaya dahilan para tikman din nito ang kapeng ginawa.

“Napakasarap kaya! Ayaw mo ba? Akin na lang!” patawa-tawang wika nito na ikinainis niya.

Inggit na inggit ang dalagang si Cheche sa mga kaklase niyang palaging nagpupunta sa bagong bukas na kapehan sa tapat ng kaniyang paaralan habang siya, diretsong umuuwi sa kanilang pinagtagpi-tagping bahay dahil ni piso, walang laman ang kaniyang bulsa.

Kahit na nasa kolehiyo na siya, bente pesos pa rin ang baong kayang ibigay ng labandera niyang nanay na nagtitiyagang magtrabaho kahit na may dinadamdam na karamdaman. Pinagkakasiya niya ito sa buong araw na pagpasok sa paaralan. Pinangbibili niya ito ng tinapay o kung hindi naman ay pinangbabayad sa mga test paper dahilan para kahit perang pampamasahe pauwi, walang matira sa kaniya.

Walang araw na hindi siya malungkot na umuuwi sa kanilang bahay simula nang maitayo ang kapehang iyon. Gustong-gusto niya kasing tikman ang mga kapeng binebenta roon na balita niya, sobrang sarap daw.

Nang araw na ‘yon, matapos madismaya sa ina, agad siyang umalis ng kanilang bahay upang maglakad-lakad. Naisip niyang magtungo sa kapehang iyon para lamang pagmasdan ang magandang disensyo nito sa loob at ang mga swerteng estudyanteng nakakabili ng mga inumin at pagkain dito.

Wala pa man siyang sampung minutong nakatambay sa tapat ng kapehang iyon, bigla na lang siyang nilapitan ng humahangos nilang kapitbahay.

“Diyos ko, Cheche! Nandito ka lang pala! Ang nanay mo, bigla na lang bumagsak!” wika nito na labis niyang ikinataranta.

Pagkauwi niya, bumungad sa kaniya ang isa nilang kapitbahay na pinupunasan ng bimpo ang nanay niyang nakahiga sa kanilang papag.

“Hindi na yata kayang magtrabaho ng nanay mo, Cheche, ilang araw na siyang nagkakaganito, ayaw niya lang ipaalam sa’yo,” sambit nito na kaniyang ikinalungkot.

Niyakap niya ito nang mahigpit saka siya agad na nagdesisyong humanap ng mapapasukang trabaho. Doon na agad na sumagi sa isip niya ang kapehang iyon.

“Baka pupwede akong magtrabaho roon!” wika niya sa sarili.

Kinabukasan, pagkatapos ng kaniyang klase, agad nga siyang nagtungo sa kapehang iyon upang mag-apply. Sakto namang naghahanap ng tagahugas ng mga baso’t pinggan ang may-ari nito dahilan para agad siyang kunin.

At dahil nga siya ang naghuhugas ng mga pinaggamitang baso at pinggan doon, sa tuwing may natitirang kape, ito ay kaniyang tinitikman at doon niya napagtantong masarap pa ang kapeng gawa ng kaniyang ina kaysa sa mga mamahaling kapeng ibinebenta rito.

“Gustong-gusto kong matikman ang mga kapeng ito noon, hindi naman pala ganoon kasarap. Sana imbis na naghangad akong makatikim ng ganito noon, tinulungan ko na agad ang nanay ko sa pagtatrabaho para hindi na lumala ang sakit niya,” pagsisi niya habang naghuhugas ng mga baso sa likod ng naturang kapehan.

Simula noon, matiyaga niyang pinagsabay ang kaniyang pag-aaral at pagtatrabaho. Hirap man siya sa ginagawa niya, masaya naman siyang makitang nakakapagpahinga mula sa hirap ng buhay ang nanay niyang handang ibigay ang lahat sa kaniya, sumaya lamang siya.

Gamit ang sweldong kinikita niya sa trabaho niyang ito, naibibili niya kahit paunti-unti ang kaniyang ina ng gamot at pagkain. Nagagawa niya na ring tustusan ang sarili sa pag-aaral na talaga nga namang nagbigay nang kasiyahan sa kaniyang ina.

Advertisement