Nagtataka ang Ginang na Ito kung Saan Napupunta ang Pera ng Kaniyang Anak, Nanlambot Siya nang Malaman ang Sagot
“Diyos ko, Jonathan! Sa akin ka pa talaga manghihingi ng pamasahe mo? Ikaw ang may trabaho sa ating dalawa! Sa tuwing nalalapit na ang sweldo mo, palagi kang gan’yan!” sigaw ni Marites sa kaniyang bunsong anak, isang umaga nang manghingi na naman sa kaniya ito ng pera pangpamasahe.
“Kinakapos po kasi ako, mama, eh. Hindi naman po pupwedeng hindi ako pumasok ng trabaho dahil baka matanggal naman po ako,” paliwanag nito habang hiyang-hiyang nakatungo.
“Magpatanggal ka nga lang talaga sa trabaho mo! Wala ka namang naitutulong dito sa bahay, eh, puro sakit sa ulo ang binibigay mo sa akin!” bulyaw niya pa rito saka inihagis sa mukha nito ang isang daang piso.
“Mama, ginagawa ko naman po ang lahat ng makakaya ko,” sagot nito saka pinulot ang isang daang pisong papel sa sahig.
“Huwag ka nga magpanggap, Jonathan! Ang sabihin mo, mas inuuna mo ang bisyo, kaibigan at babae mo kaya hanggang ngayon, wala kang ipon!” sambit niya pa rito dahilan para awatin na siya ng panganay niyang anak na papasok na rin sa trabaho nang mga oras na ‘yon.
“Hindi naman po sa ganoon, mama, sadyang may pinagkakagastusan lang po ako,” wika pa nito.
“Anong pinagkakagastusan mo? Wala ka pa namang pamilyang binubuhay! Hindi ka nga makapagbigay sa akin, eh!” tugon niya saka agad itong hinampas nang nahablot na bimpo.
“Pa-pasensiya na po, mama,” mangiyakngiyak na sambit nito saka agad nang umalis ng kanilang bahay.
Sa tuwing papalapit na ang araw ng sahuran sa trabaho, palagi nang naiinis ang ginang na si Marites sa kaniyang bunsong anak. Ito kasi ang mga araw na tila ubos na ang pera ng anak niyang ito dahilan para manghingi na ito ng pera pangpamasahe sa kaniya.
Lubos siyang nagtataka kung saan napupunta ang sahod ng anak niyang ito. Hindi naman siya nanghihingi ng pera rito kahit pangbayad ng kanilang kuryente dahil siya’y binibigyan na ng pera ng kaniyang panganay na anak. Tanging sarili lamang nito ang pinagkakagastusan nito dahilan para ganoon na lamang siya mainis sa tuwing nanghihingi ito sa kaniya.
Hinala niya, may bisyo na ang kaniyang anak kaya palaging nauubusan ng pera na lalo niyang ikinaiinis. Wika niya, “Mapatunayan ko lang talagang may bisyo ‘yang batang ‘yan, palalayasin ko talaga ‘yan!”
Nang araw na ‘yon, labis pa siyang nagtaka nang sumapit na ang gabi, wala pa rin ang anak niyang ito. Doon na lumakas ang kutob niyang mayroon nga itong ginagawang kalokohan dahilan para tawagan niya ang selpon nito.
Lalo pa siyang nabwisit nang isang babae ang sumagot nito.
“Hoy! Pauwiin mo nga ‘yang anak ko! Ikaw siguro ang kasama niyan magbisyo, ano?” sigaw niya rito.
“Ma’am, nars po ako. Hindi niyo po ba alam na may malubhang sakit ang anak niyo? Magtungo na po kayo rito sa ospital bago pa mahuli ang lahat. Malala na po lagay niya kaninang umaga pa pagpunta niya rito,” mahinahong wika nito na ikinataranta niya dahilan para mapahangos siya sa naturang ospital.
Ngunit pagkarating niya roon, nakatalukbong na ang katawan ng kaniyang anak.
“Anong nangyayari? Bakit? Paano nangyari ito?” labis niyang pagtataka habang nahagulgol.
“Buong akala po namin, wala siyang pamilya dahil mag-isa siyang napunta rito sa ospital para magpatingin. Kakaunti lang din po ang binabayaran niya rito sa ospital dahil may hinuhulugan siyang insurance simula nang magtrabaho siya, may makukuha po kayong malaking halaga dahil sa insurance niyang iyon,” paliwanag ng naturang nars na lalo niyang ikinapanlambot.
Doon niya labis na napagtantong kaya pala walang naiipon ang kaniyang anak ay dahil bukod sa pinapagamot nitong mag-isa ang sarili, naghuhulog pa ito sa isang insurance company upang may maiwan na pera sa kaniya.
“Anak, hindi ko kailangan ng pera! Ikaw ang kailangan ko! Patawarin mo ako! Kahit manghingi ka araw-araw ng pampamasahe mo, ayos lang, anak, bumangon ka lang diyan!” hagulgol niya sa unti-unting nanlalamig na labi ng kaniyang anak.
Labis na pagsisisi ang naramdaman niya simula nang araw na ‘yon. Kung naging mapagmatiyag lang sana siya, at kung palagi niya lang sanang kinakumusta ang anak kaysa sinisigawan at sinusumbatan, siguro, matutulungan niya pa itong madugtungan ang buhay kahit sa konting panahon.
Doon niya ipinangako sa sariling hinding-hindi niya na muling gagawin ang ganitong pagkakamali sa panganay niyang anak na talaga nga namang naapektuhan din sa biglaang pangyayaring ito.