Ginagatasan ng Ginang na Ito ang Kaniyang Anak; Wala pa itong Kwenta para sa Kaniya
“Anak, may pera ka pa riyan? May binebentang washing machine kasi si Aling Tesang, eh, bagong-bago pa tapos tatlong libo niya lang binebenta! May kasama na ‘yong dryer, anak, baka gusto mong bilhin para hindi na ako mahirapan maglaba ng mga damit natin. Matagal ko na rin ‘yong pangarap, eh,” daing ni Analiza sa kaniyang anak, isang umaga nang marinig niya sa kanilang mga kapitbahay ang binentang washing machine.
“Naku, mama, pasensiya na po, wala na po akong pera ngayon, eh. Kahapon lang po ako bumili ng rice cooker, ‘di ba?” sagot nito na bahagya niyang ikinainis.
“Sayang naman ‘yon, anak! Murang-mura na ‘yon, eh! Hindi ka ba naaawa sa akin? Kita mo ‘tong kamay ko, puro kalyo na! Baka naman may naiipit ka pang pera riyan!” pagpupumilit niya rito habang kinakapa niya pa ang bulsa nito.
“Wala na po talaga, mama, bibili pa po ako ng pananghalian natin,” tugon pa nito na lalo niyang ikinainis.
“Wala ka talagang kwentang anak! Nanay mo pa’ng pinagdamutan mo!” bulyaw niya rito saka niya ito padabog na umupo sa kanilang silya.
“Mama, lahat naman binibigay ko na po, eh,” nakatungong wika nito.
“Kung binibigay mo talaga lahat, magagawa mong bilhin ang washing machine na ‘yon para sa akin! Damit mo rin naman ang lalabhan, eh! Hindi ka na naawa!” panunumbat niya pa rito dahilan para mapapasok na lamang ito sa maliit nitong silid.
Sa tuwing mararamdaman ng ginang na si Analiza na may pera ang kaniyang panganay na anak, todo hiling siya rito nang kung anu-ano. Kahit ito na ang nagbabayad ng upa nila sa bahay, kuryente at tubig, kanilang pagkain at iba pang gastusin sa bahay, hindi man lang siya naaawa rito at nasasabihan niya pa itong walang kwentang anak.
Sa katunayan, wala siyang ideya kung ano talagang trabaho ng kaniyang anak dahil ang mahalaga lang sa kaniya, may maipangtustos ito sa kanilang pamilya. Ang alam niya lang, aalis ito ng gabi at uuwi ng umaga. Pagkauwi nito, may dala-dala na itong almusal at pera na labis niyang ikinatutuwa.
Kada may makikita pa siyang gamit sa bahay, agad niya itong idadaing sa binata at labis na kokonsensyahin para lamang siya’y ibili nito. Kapag hindi siya nito napagbigyan, agad niya itong susumbatan hanggang sa umiyak na lamang ito silid nito. Pati nga pang meryenda niya’t pangbisyo, ito pa ang bumibili.
Nang araw na ‘yon, wala pang ilang minutong pumasok sa silid ang anak, agad na rin itong lumabas. Nakabihis ito at tila aalis dahilan para kaniya itong usisain.
“Saan ka magpupunta?” tanong niya rito.
“Maghahanap po ng pera,” tipid nitong sagot na ikinangisi niya.
“Ayan, gan’yan ang huwarang anak!” sambit niya pa bago ito tuluyang umalis.
Ngunit, dumilim na ang paligid, wala pa rin ang kaniyang anak. Nabalitaan niya ring nabenta na ang naturang washing machine dahilan para ganoon na lang siya magalit sa anak.
“Napakabagal kumilos! Naunahan tuloy ako!” inis niyang sambit habang inaabangan sa harap ng kanilang bahay ang binata.
Pero imbis na anak niya ang dumating, mga barangay tanod ang nagpunta sa kanilang bahay. “Ano pong problema?” tanong niya sa mga ito.
“Nahuli ng mga pulis ang anak mo. Nang-holdap siya ng isang dalaga sa sakayan ng bus. Sakto namang may nagpapatrol na mga pulis, ayon, nasa presinto na siya. Puntahan mo na lang,” sambit ng isang tanod na ikinapanlambot niya.
Umingay kaagad sa kanilang lugar ang balitang iyon at sandamakmak na panghuhusga at tsismis ang kaniyang naririnig.
“Anong klaseng ina ka? Hinahayaan mong gumawa ng masama ang anak mo para lang mabuhay kayo?” parinig ng isa niyang kapitbahay nang siya’y magpasiyang magpunta sa naturang presinto na labis niyang ikinahiya.
Mangiyakngiyak siyang nagtungo roon at pagdating niya, agad na naiyak ang anak niyang lulan na ngayon ng selda.
“Patawarin mo ako, mama, wala talaga akong kwentang anak!” hagulgol nito.
“Hindi, anak, ako ang walang kwenta, pasensya ka na, ilalabas kita riyan!” iyak niya saka niyakap ang anak sa pagitan ng mga bakal.
Sa kagustuhan niyang mailabas ang anak doon, siya’y nagsimulang kumayod. Naglalabada siya sa umaga, pumapasok siya bilang serbidora sa isang tapsihan sa gabi, at kung may oras pa siya, binebenta niya ang ilang paninda ni Aling Tesang. Umiwas na rin siya sa bisyo at itinuon ang atensyon sa pagtatrabaho.
Sa ganoong paraan, paglipas ng humigit kumulang dalawang taon, tuluyan siyang nakaipon at nailabas niya ang anak niya roon na talagang kaniyang ikinasaya.
Simula noon, sila’y nagtulungan upang maitaguyod ang kanilang pamilya at dito niya naramdaman na siya’y isang tunay na ina.