Inday TrendingInday Trending
Naghihinala na ang Ginang na Ito sa Asawa dahil Ayaw pa Nitong Magkaanak; Ibang Babae nga ba ang Dahilan Nito?

Naghihinala na ang Ginang na Ito sa Asawa dahil Ayaw pa Nitong Magkaanak; Ibang Babae nga ba ang Dahilan Nito?

“Alam mo, bunso, inggit na inggit ako sa’yo. Dalawang taon pa lang kayong kasal ng asawa mo pero may dalawang anak na agad kayo. Samantalang kami ng asawa ko na limang taon nang kasal, pero kahit isang anak, wala kami,” mangiyakngiyak na sambit ni Anne sa kaniyang kapatid habang buhat-buhat niya ang bagong silang nitong anak.

“Baka naman hindi kayo sumusubok na magkaanak, ate,” tugon nito habang nilalagyan ng pangamay ang sanggol.

“Naglalambingan kami, pero ayaw niyang magkaanak kami. Lagi niyang sinasabi, hindi pa raw kami handa na magkaanak kahit na gustong-gusto ko nang magkaroon. Gusto ko nang may makasama sa tuwing nasa trabaho siya,” kwento niya dahilan para tuluyan nang tumulo ang luha niya.

“Baka naman may plano siya, ate,” pagpapakalma nito sa kaniya saka pinunasan ang luha niya.

“Hindi ko alam, bunso. Minsan, hindi ko na rin maiwasang hindi mag-isip na baka may babae siya kaya ayaw niyang magkaanak kami,” daing niya pa habang pinagmamasdan ang sanggol na hawak.

“Tanungin mo siya, ate. Kayo lang ang makakalutas niyan. Huwag ka munang mag-isip ng kung anu-ano,” payo nito sa kaniya saka siya niyakap mula sa likuran na lalo niyang ikinaiyak.

Labis nang nagtataka ang ginang na si Anne sa asawa niyang ayaw pang magkaanak sa kaniya. Kahit na ilang taon na silang kasal, ni minsan, hindi lumabas sa bibig nito ang kagustuhang magkaanak at sa tuwing mababanggit niya ang pagkakaroon ng anak, palagi nitong wika, “Hindi pa tayo handa para riyan, Anne,” na labis na ikinasasama ng loob niya.

Pakiwari niya kasi, kaya na nilang magkaanak. Lalo na’t may trabaho naman ang asawa niya at may sarili naman silang bahay sa tabi ng dagat. Kaya ganoon na lang siya naghihinala kung bakit ayaw pa nitong magkaanak

Ito ang dahilan para hindi niya maiwasang hindi mainggit sa mga kapatid niyang may kaniya-kaniya ng pamilya. Hindi na siya makapaghintay na magkaroon ng anak na talagang bubusugin niya sa pagmamahal.

Pero sa isip-isip niya, “Paano ako magkakaanak kung ayaw naman ng asawa ko?”

Kinagabihan ng araw na ‘yon, pagkauwi niya sa kanilang bahay, nandoon na ang kaniyang asawa mula sa trabaho. Nagluluto ito ng kanilang pagkain at nang makita siya nito, agad itong ngumiti sa kaniya.

Ngunit nang makita nito ang bigat na mayroon sa mukha niya, agad siya nitong nilapitan at tinanong. Doon na niya agad na sinabi kung anong nararamdaman niya at kung anong tumatakbo sa isip niya. Bumuntong-hininga ito bago siya tinignan sa mga mata at sinabing, “Gusto mo bang maranasan ng anak natin kung anong hirap ang nararanasan natin ngayon? Sinasabi kong hindi pa tayo handa dahil wala pa tayong ipon, at sariling bahay, hindi dahil may babae ako. Gusto ko kasi bago tayo magkaanak, may ipon na tayo at bahay upang mapanatag ako na hindi mahihirapan ang anak natin sa atin. Gustong-gusto ko na ring magkaanak, mahal ko, pero sa tuwing iniisip ko kung anong maaari niyang maranasan sa puder ko, naaawa na ako agad sa batang ibibigay sa atin.”

“Iyon ba talaga ang dahilan mo?” paninigurado niya rito.

“Oo, mahal ko. Ayaw kong magmadaling magkaanak tapos hindi ko matutugunan ang pangangailangan niya. Konting tiis na lang, Anne, mararanasan din nating maging magulang,” wika pa nito saka siya mariing na niyakap na labis niyang ikinaiyak.

Doon bumukas ang mata niya sa sitwasyon at responsibilidad na nakapatong sa kaniyang asawa dahilan para agad siyang magdesisyon sumubok sa negosyo upang matulungan ito.

Wika niya pa, “Kaysa nga naman nakatambay lang ako rito sa bahay at nag-iisip ng kung anu-ano, bakit hindi ako magtinda-tinda?” na talaga nga namang sinuportahan ng kaniyang asawa.

Ginamit niya ang kaunting ipon nito at siya’y nagsimulang magbenta ng mga damit, gamit sa bahay, at kung ano pang personal na bagay sa social media. At dahil sa sipag at tiyagang mayroon siya, isang taon lang ang lumipas, tila milagrong nakaipon siya ng halos dalawang milyon sa mga paninda niyang ito.

Dito na sila nakapagpatayo ng bahay ng kaniyang asawa at isang malaking tindahan sa palengke na lalo pang nakapagbigay ng kaalwanan sa buhay nila.

Dahil nga may ipon na sila, roon na sila nagpasiyang magkaanak at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang lumabas na ito pagkalipas ng siyam na buwan.

“Sa wakas, ang pinapangarap ko sa lahat, nandito na,” sambit niya habang karga-karga ang sariling anak at yakap ng asawa.

Advertisement