Inday TrendingInday Trending
Pagkuha ng Buwis Buhay na Bidyo ang Nais Pagkakitaan ng Lalaking Ito, Sakit sa Katawan Tuloy ang Inabot Niya

Pagkuha ng Buwis Buhay na Bidyo ang Nais Pagkakitaan ng Lalaking Ito, Sakit sa Katawan Tuloy ang Inabot Niya

“Pare, may away d’yan sa kanto kagabi, eh. Nagkapikunan ‘yong mga manginginom doon kaya ayon, sila-sila ang nagbugbu*gan! Tumigil lang sila nang marinig nila ang tunog ng sasakyan ng mga pulis!” kwento ni Josh sa kaniyang kumpare, isang umaga nang maabutan niya itong nagkakape sa labas ng bahay nito.

“Naku, mga anong oras ‘yan? Bakit hindi mo ako kaagad tinawag?” pang-uusisa ni Owen dahilan para tabihan siya ng kumpare niyang ito.

“Bandang mga alas onse ng gabi, lumabas lang ako no’n para ibili ng tinapay ang anak kong nagugutom! Kakatukin pa ba kita rito sa bahay niyo nang ganoong oras para lang ibalita ang ganoong pangyayari?” sambit pa nito habang patawa-tawa na labis niyang ikinapanghinayang.

“Sana nga kinatok mo na ako para makuhanan ko ‘yon ng bidyo at mailagay ko sa social media! Malay mo, sumikat ulit ang bidyong makukunan ko, edi, may pang-inom na naman tayo!” masigla niyang sambit na ikinatawa nito.

“Talagang ilalagay mo sa alanganin ang sarili mo para lang makakuha ng bidyo, ha?” tanong pa nito sa kaniya na ikinangisi niya.

“Aba, syempre! Kung nasaan ang pera, roon tayo!” sigaw niya habang umaakto pang kumukuha ng bidyo gamit ang kaniyang lumang selpon.

Kung nasaan ang gulo, palaging nandoon ang padre de pamilyang si Owen. Bukod sa nais niyang palaging nakakasunod sa balita at pangyayari sa kanilang barangay, nais niya ring kumita ng pera sa pamamagitan ng mga pangyayaring ito.

May pagkakataon kasing minsan siyang naglagay ng bidyo nang nag-aaway na mag-asawa sa social media at hindi niya akalaing sisikat ang bidyong iyon. Nakatanggap pa siya ng pera mula sa social media na iyon dahilan para lalo siyang maengganyong maglagay ng mga bidyo roon ng mga pangyayari sa kanilang magulong barangay.

Sa kagustuhan niya ngang kumita ulit ng pera sa paglalagay ng bidyo sa social media, halos oras-oras siyang nagroronda sa kanilang lugar sa pagbabakasaling makakuha muli siya ng isang nakakaenganyong bidyo.

Kaya naman, nang malaman niyang may kaguluhan siyang napalampas, ganoon na lang siya labis na nanghinayang. Pagbawalan man siya ng kaniyang asawa dahil maaari siyang malagay sa kapahamakan, palagi niyang sinasabi, “Para sa inyo itong ginagawa ko!”

Nang araw na ‘yon, dahil sa labis na panghihinayang sa gulong hindi niya nakuhanan, pagkatapos nilang magkape ng kumpare, muli siyang nagronda sa kanilang lugar bitbit-bitbit ang kaniyang selpon.

Sakto namang paglabas niya ng kanilang eskinita, agad na pumukaw ng kaniyang atensyon ang isang patrol na naghihintay sa labas. Nang siya’y magtanong-tanong, nalaman niyang may sikretong operasyon pala ang mga pulis sa kabilang barangay, huhulihin ng mga ito sa akto ang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot doon.

Nang makumpirma niya ito, agad siyang nagtungo sa kabilang barangay at doon nakiisyoso.

Naabutan niyang nasa kalye na ang mga lalaking gumagamit ng naturang gamot, nakadapa na ang mga ito habang kinakapkapan ng mga pulis. Dali-dali niyang inilabas ang kaniyang selpon at lumapit sa mga ito upang makuhanan ng maayos na bidyo ang pangyayari.

Kaya lang, nang kakapkapan na ng pulis ang huling lalaki, bigla itong bumunot ng baril at biglang nagpaputok kung saan-saan.

Sa pagkabigla niya, ni hindi niya magalaw ang mga paa niya at doon na siya natamaan ng ligaw na bala.

“Umalis kayo rito!” sigaw ng mga pulis sa mga tao. Iyon na lang ang huli niyang narinig at bigla nang nagdilim ang paningin niya.

Nagising na lang siyang nasa ospital na katabi ang asawa niyang hinehele ang kanilang dalawang taong gulang na anak.

“Siguro naman ngayon makikinig ka na sa akin?” sambit nito nang pilitin niyang tumayo at hindi niya magawa dahil siya’y bagong opera.

“Pa-pasensya na, mahal,” wika niya saka siya nagpatulong na makaupo sa isang nars na dumating.

Doon ikinuwento ng kaniyang asawa na muli na namang sumikat ang bidyong kinuhanan niya na labis niyang ikinatuwa.

“Mahal, maaaring ngayon, nakaligtas ka, pero paano kung hindi na sa susunod na pagkuha mo ng mga gan’yang klaseng bidyo? Marami pa namang trabahong pwede mong pasukan. Tigilan mo na ‘yan, parang-awa mo na, ayokong mabiyuda nang maaga,” pakiusap nito sa kaniya na agad naman niyang sinang-ayunan nang makita niya ang lungkot sa mukha nito.

Nang makalabas na siya ng ospital, ilang araw lang siyang nagpahinga at agad nang naghanap ng pagkakakitaan. Tila sinuwerte naman siya dahil may bagong bukas na restawran hindi kalayuan sa kanilang lugar at siya’y natanggap bilang waiter dito.

Simula noon, tinigilan na nga niya ang buwis buhay na pagkuha ng mga bidyo. Sa ganitong paraan, naipanatag na niya ang loob ng asawa, kumikita pa siya ng siguradong pera.

Advertisement