Galit ang May-Ari sa Desisyon ng Manager na Kunin ang Matandang Pulubi Bilang Taga-Hugas ng Pinggan; Swerte pala ang Hatid Nito sa Restawran
“Dionie, hindi ba sinabihan na kitang palayasin mo ‘yung pulubi sa labas ng restawran? Bakit hanggang ngayon ay naroon pa rin siya? Nakakaalibadbad ang kaniyang itsura. Sigurado ako na maraming magdadalawang-isip na pumasok sa restawran dahil sa kaniya! Gawin mo ang trabaho mo kung hindi ay ikaw ang sisisantihin ko!” galit na sambit ng may-ari ng restawran na si Janine.
“Ma’am, pasensiya na po kayo talaga pero ginawa ko na po ang lahat para paalisin ang pulubing iyon. Pero bumabalik-balik siya talaga. Naghihintay po ng mga lalabas at nanghihingi ng pagkain,” paliwanag naman ng manager na si Dionie.
“Tumawag ka na ba ng pulis? Kung hindi pa ay hindi mo pa ginagawa ang lahat! Gawan mo ng paraan na umalis ang pulubing lalaking iyon sa tapat ng restawran ko kung hindi ay tinitiyak ko sa iyo na mawawalan ka ng trabaho!” banta pa ng may-ari.
Araw-araw kasing nagtutungo ang may edad nang pulubing si Mang Roger sa tapat ng restawran. Nagbabakasakali siyang maambunan ng masarap na pagkain na nais niyang iuwi para sa kaniyang mga apo. Ngunit balakid sa mga parokyano ang pananatili ng pulubi sa tapat ng establisyemento dahil sa dumi at hindi niya kaaya-ayang itsura.
Kaya labis na lamang ang galit ng may-ari nang maramdaman niyang tila hinahayaan na lamang ng manager na si Dionie na magpabalik-balik doon ang matanda.
Dahil nga nangangamba naman si Dionie na mawalan ng trabaho ay agad niyang kinausap ang matandang pulubi.
“Tatang, parang awa n’yo na po. Umalis na po kayo rito sa tapat ng restawran. Pinapagalitan na kasi ako ng amo ko. Nanganganib na rin po akong matanggal sa trabaho kapag hindi ko pa po kayo napaalis dito,” pakiusap ni Dionie sa matanda.
“Pasensya ka na. Sa tuwing nag-uuwi kasi ako ng pagkain mula sa restawran na ito ay masayang masaya ang mga apo ko. Kahit tira-tira ng ibang tao ay masaya na kami dahil nalalamnan ang kanilang mga sikmura,” paliwanag naman ng matanda.
“Naaawa po ako sa kalagayan n’yo, tatang, pero hindi na po talaga p’wedeng tumambay kayo sa tapat nitong restawran. Sana po ay maunawaan n’yo. Umalis na po kayo bago pa po magtawag ng pulis ang amo ko,” dagdag pa nI Dionie.
Napilitan si Mang Roger na umalis ng hapong ipon. Nakahinga na nang maluwag si Dionie dahil ang akala niya ay nadaan na niya sa maayos na pakiusap ang matandang pulubi.
Ngunit kinabukasan ay naroon na naman ang matanda.“Tatang, narito na naman po kayo. Kapag nakita na naman kayo ng amo ko ay malalagot ako. Ayaw ko pong mawalan ng trabaho dahil may pamilya rin po akong umaasa sa akin. Pakiusap po baka p’wedeng umalis na po kayo ngayon,” saad pa ng manager.
“Nakikiusap ako sa iyo kahit sandali lang. Wala kasing kakainin ang mga apo ko ngayong araw,” pagmamakaawa ng matanda.
“Hindi na po p’wede talaga, tatang. Abala rin po kami dito sa restawran at malamang ko’y mainit ang ulo ng amo ko. Baka mamaya ay ipadampot na kayo no’n sa mga pulis!” saad pa ng ginoo.
Nahahabag si Dionie sa pagtalikod ng matanda. Wala man lang kasi siyang naibigay dito na kahit ano. Malamang niya ay wala silang kakainin ng kaniyang mga apo.
Ilang sandali lang ay nilapitan siya ng isang trabahador.
“Boss, kulang tayo ng tao ngayon. Hindi pumasok ‘yung taga-hugas ng pinggan. Lahat kami ay okupado na sa dami ng parokyano,” wika ng lalaki.
Biglang nakaisip ng paraan itong si Dionie. Agad niyang tinawag ang matandang pulubi. Mabuti ay hindi pa ito nakakalayo.
“Tatang, gusto mo ba ng trabaho? Kaya mo bang maghugas ng pinggan?” tanong ni Dionie sa matanda.
“A-ako? Bibigyan mo ako ng trabaho?” nagningning ang mga mata ni Mang Roger sa kaniyang narinig.
“Sigurado ka bang bibigyan mo ang isang matandang pulubi na gaya ko ng trabaho? Hinding hindi ko iyan tatanggihan!” dagdag pa ng matanda.
“Ngunit hindi po kayo maaaring magtrabaho sa restawran kung marumi kayo. May banyo po kami para sa mga trabahador. P’wede kayong maligo doon. Pahihiramin ko na rin po kayo ng uniporme. Kailangang kailan kasi namin ng tao ngayon. Siguraduhin n’yo lang na mabilis at malinis kayong maghugas ng pinggan kung hindi ay matatanggal kayo kaagad,” paliwanag ng ginoo.
Tuwang tuwa si Mang Roger na tinanggap ang trabaho. Labis naman ang bilib ni Dionie sa matanda dahil kahit na may edad na ito ay mabilis at malinis ang trabaho nito.
“Pinahanga n’yo ako, Mang Roger. Bukas po ulit. Ako na po ang bahala magpaliwanag sa may-ari kung bakit ko kayo kinuhang taga-hugas ng pinggan dito. May nais lang po akong itanong sa inyo at sana po ay huwag n’yong masamain. Bakit po hindi kayo humanap ng trabaho?” tanong ni Dionie.
“May tatanggap ba sa isang tulad ko na may edad na at hindi man lamang nakatungtong kahit ng unang baitang sa eskwela? Hindi ako marunong bumasa at sumulat, hijo. Sino rin ang magtitiwala sa isang gaya ko na wala na ngang pinag-aralan ay mas mahirap pa sa daga?” nalulungkot na tugon naman ni Mang Roger.
Nahabag si Dionie lalo na nang malaman niyang anim ang apong naiwan sa pangangalaga ng matanda. Lahat ito ay anak ng yumao niyang anak at mag-isa lamang niya itong binubuhay.
Kinabukasan ay pinagalitan si Dionie ng may-ari dahil sa pagdedesisyon na kunin si Mang Roger na gawing tagahugas ng pinggan.
“May alam bang gawin ang matandang pulubi na ‘yan? Baka mamaya ay makontamina pa niyan ang mga pagkain dito! Wala akong tiwala sa matandang iyan! Baka nakawan pa tayo niyan, e!” sambit ni Janine kay Dionie.
“Ma’am, ako na po ang nakikiusap sa inyo. Kapag hindi talaga ginawa ni Mang Roger ang trabaho niya ay tanggalin n’yo rin po ako. Pero nakikiusap po ako, bigyan po natin siya ng pagkakataon,” sambit ng manager.
Hindi naman binigo ni Mang Roger itong si Dionie. Talagang nagpakitang gilas ito. Sa katunayan nga ay ito pa ang pinakahuwarang empleyado. Kapag hindi ito naghuhugas ng pinggan ay naglilinis ito ng mga mesa sa restawran.
Isang araw habang naglilinis ng mesa si Mang Roger ay napansin itong naiwan ng isang kostumer ang pitaka nito. Agad niya itong kinuha at ibinalik sa may-ari. Tuwang-tuwa naman ang babaeng may-ari dahil sa katapatan ni Mang Roger.
Mabilis na kumalat ang balita ng katapatan ni Mang Roger. Maging ang restawran ay binigyan ng komendasyon dahil daw binibigyan nito ng pagkakataon ang mga matatanda na muling makapagtrabaho at magkaroon ng maayos na buhay.
“Labis akong napahanga ni Mang Roger. Mabuti ang naging desisyon mo, Dionie. Lalong naging tanyag ang restawran na ito dahil kay Mang Roger. Binabati kita,” wika ni Janine sa kaniyang manager.
Tuwang tuwa naman si Mang Roger nang makuha ang una niyang sahod sa restawran. Nagulat ang lahat sa ginawa nito sa kaniyang unang sweldo.
“Nais kong bumili ng pagkain dito sa restawran dahil paborito ito ng aking mga apo. Sa wakas, sa unang pagkakataon ay mapapakain ko sila ng disenteng pagkain na hindi tira ng ibang tao. Maraming salamat, Dionie, sa ibinigay mo sa aking pagkakataon. Sinong mag-aakala na kaya pang mabuhay nang marangal ng isang taong kagaya ko?” naluluhang sambit ng matanda.
Nagpatuloy ang pagtatrabaho ni Mang Roger sa restawran. Dahil dito ay mas nabigyan niya ng maayos na buhay ang kaniyang mga apo.