Inday TrendingInday Trending
Mahina raw ang Utak ng Dalaga Dahil Ayaw Magpakasal sa Mayamang Binata; Mapagtatanto Nilang Hindi Lahat ay Natutumbasan ng Pera

Mahina raw ang Utak ng Dalaga Dahil Ayaw Magpakasal sa Mayamang Binata; Mapagtatanto Nilang Hindi Lahat ay Natutumbasan ng Pera

Mabilis kumalat ang bali-balita na ang dalagang anak daw ng parehong magsasakang sina Aling Celia at Mang Nando na si Isabel ay ikakasal sa nag-iisang anak ng isa sa pinakamayamang pamilya sa kanilang lugar.

Halos lahat ay nakiki-usyoso nang dumating na sa bahay ng mag-anak ang magarang sasakyan.

“Wala man lang ang nakaalam sa atin na kasintahan pala ni Isabel ‘yung anak ng may-ari ng malaking lupain dito,” saad ng kapitbahay ng dalaga na si Marlyn.

“Malamang ko ay inakit ni Isabel ang binatang iyon para pakasalan siya. Hindi ko akalain na nasa loob pala ang kulo ng dalagang ‘yan. Mahinhin kung titingnan mo ngunit iba pala ang tunay na kulay,” sambit naman ng kapitbahay.

“Ang maswerte kamo diyan ay ang mag-asawang sina Celia at Nando. Biglang yaman ng dalawa! Siguro ay pinagtulakan talaga nila ang anak nila para mapakasalan ng isang mayaman!” sambit muli ni Marlyn.

Dahil sa pamamanhikan ng mayamang binatang si Gene ay kabi-kabila na ang mga umugong na balita. Ang sabi ng ilan ay nabuntis marahil itong si Isabel. Ang sabi naman ng iba ay pinikot lamang ang binata. Ang iba naman ay nagsasabing nilandi raw ni Isabel ang binata.

Maraming espekulasyon ngunit iisa lamang ang sigurado. Marami ang naiinggit kay Isabel dahil tuluyan nang magbabago ang buhay nito.

Sa tuwing tinatanong ng mga kapitbahay si Isabel ay tikom lamang ang bibig nito sa katotohanan.

“Isabel, e ‘di sa mansyon ka na rin titira niyan kasama ang mga magulang mo? Ang swerte mo talaga, ano? Ano ba ang ginawa mo para mapaibig mo ang anak-mayamang iyon? Ipapayo ko rin sa anak ko nang makadagit ng mayaman! Buntis ka ba kaya kayo magpapakasal agad?” sambit ni Marlyn sa dalaga.

“Hindi pa po namin napag-uusapan ang bagay na iyan. Sige po, Aling Marlyn, papasok na po ako sa bahay,” pag-iwas naman ni Isabel.

Nainis si Marlyn sa ginawa sa kaniya ng dalaga.

“Kunwari pang walang alam pero malamang ko ay talagang inakit niya ang lalaking iyon. Ibang klase talaga ‘yang si Isabel, halata mo nang malandi ay pilit pa ring itinatago ang baho. Akala naman niya ay hindi ‘yun sisingaw!” bulong ni Marlyn sa kaniyang kumare.

Dahil maliit lamang ang nayon nila Isabel ay imbitado ang halos lahat ng kanilang kapitbahay sa kasal.

Hindi na makapaghintay ang lahat na dumalo sa engrandeng kasal na iyon dahil alam nilang maraming katanungan sa kanilang isipan ang masasagot.

Dumating ang araw na pinakahihintay ng lahat maliban kay Isabel. Halos hindi mo makikilala ang dalaga sa angkin niyang ganda suot ang mamahalin niyang trahe de boda.

Lahat ay nakaramdaman ng inggit sa dalaga. Ngunit kapansin-pansin na hindi man lamang mangiti si Isabel. Bakas sa kaniyang mukha na napipilitan lamang siyang magpakasal sa mayamang binata.

“Tingnan mo ‘tong si Isabel. Siya na nga ang napili ng mayamang binata na iyan para pakasalan tapos ay hindi pa siya maligaya! Maraming babae kaya ang nais na pumalit sa kaniya! Palibhasa’y walang pinag-aralan kaya hindi gamitin ang kaniyang utak!” saad ni Marlyn sa ilang kapitbahay.

“Ikaw naman, Marlyn, sala sa init, sala sa lamig. Ang sabi mo’y tuso ang babaeng iyan at inakit ang binata. Tapos ngayon ay walang alam dahil hindi masaya. Ano kaya ang dahilan kung bakit tila malungkot si Isabel, ano?” wika pa ng isang kumare.

Habang ikinakasal ang dalawa ay bakas sa itsura ni Isabel na napipilitan lamang. Maging ang mga magulang ng dalaga ay tila hindi rin masaya sa pag-iisang dibdib ng anak at ng mayamang binata.

“Celia, hindi ka ba masaya na ikinasal ang anak mo sa mayaman? Aba’y biglang magbabago ang buhay mo niyan! Bigla kang magiging donya!” saad ni Marlyn sa ginang.

“Hindi ako magiging masaya kung hindi rin magiging masaya ang buhay ng anak ko,” matipid na tugon ni Celia.

“Paanong hindi siya magiging masaya, e, mayaman nga ang naging asawa niya? Makukuha niya ang lahat ng gusto niya!” wika pa ng kapitbahay.

“Hindi lahat ay bagay ay nakukuha ng pera. Hindi mahal ng anak ko ‘yang si Gene. Pero wala kaming magawa ni Nando dahil malaki ang pagkakautang namin sa pamilya nila. Nais nilang maging kabayaran ay ang anak ko. Ayaw man naming pumayag pero pinagbantaan nila kami. Kasalanan ko kung bakit nalagay sa ganitong sitwasyon ang aking anak!” naiiyak na pahayag ni Aling Celia.

“Kung tutuusin ay swerte pa nga kayo dahil gaganda ang buhay n’yo! Gamitin n’yo nga ang isip niyo dahil makakaahon kayo sa kahirapan! Hindi kayo mapapakain ng prinsipyo n’yo sa buhay! Kung ako lang at ang anak ko ang nasa katayuan n’yo ay malugod namin itong tatanggapin!” dagdag pa ni Aling Marlyn.

Hindi maunawaan ng mga kapitbahay ang nais na ipahiwatig ni Aling Celia.

Natapos ang kasal nina Isabel at Gene. Nagulat ang lahat nang malamang hindi pala kasama sina Aling Celia at Mang Nando sa paglipat sa palasyo. Kahit na sila ay biyenan ng mayaman na lalaki ay trabahador pa rin ang turing nito sa kanila.

Higit pa roon ay hindi naging maganda ang buhay ni Isabel sa piling ni Gene. Kaliwa’t kanan ang babae nito at madalas pa niyang pagbuhatan ng kamay si Isabel lalo na kung hindi mapagbigyan ang kaniyang mga gusto.

Naging masalimuot ang buhay ni Isabel sa piling ni Gene. Ngayon ay nauunawaan na ng mga kapitbahay kung bakit ayaw magpakasal ni Isabel sa binata kahit na mayaman ito. Naaawa sila sa naging kalagayan ng buhay ng mag-anak ngunit wala rin silang magawa dahil bukod sa mapera ang kanilang makakalaban ay makapangyarihan din ito.

Tunay ngang hindi lahat ng bagay ay matutumbasan ng salapi. Ang kaligayahan ay hindi nababatay sa kung gaano ka kayaman o kahirap. Kahit na mapera ang napangasawa ni Isabel at sadyang nag-iba ang buhay niya dahil umahon na siya sa hirap ay hindi pa rin siya tuluyang naging maligaya dahil hindi niya makuhang mahalin ang isang taong ang tingin lamang sa kaniya ay isang bagay na pag-aari.

Advertisement