Nais Tulungan ng Apo ang Lolong Nagtitinda ng Lugaw Ngunit Walang Bumibili; Isang Hindi Inaasahang Pangyayari ang Sasagot sa Kaniyang Panalangin
Amoy na amoy ng batang si Dodong ang ginigisang luya ng kaniyang Lolo Kiko. Magkahalong tuwa at habag tuloy ang kaniyang nararamdaman. Nagpapasalamat palagi ang anim na taong gulang na bata dahil kahit na walumpung taong gulang na ang kaniyang Lolo Kiko ay malakas pa ito para magluto. Ngunit hindi niya maiwasang makaramdam ng awa sa matanda dahil alam niyang masasayang lang ang nilutong lugaw nito.
Nakatira kasi sa barung-barong malapit sa estero ang maglolo. Dahil sa estado ng kanilang pamumuhay at sa dumi ng kanilang kinalalagyan ay wala man lamang nais na kumain sa kanila. May mga pumupuntang kapitbahay sa kanila ngunit wala ring maibayad ang mga ito madalas.
Minsan ay naiisip na lang ni Dodong na nag-aaksaya na lamang ng oras ang kaniyang Lolo Kiko sa pagluluto ng itinitindang lugaw.
Buong gabing inisip ni Dodong kung paano makakatulong sa matanda.
“Lo, gusto n’yo po ba ay ibalot ko na lang ang lugaw sa plastik at saka ko ilako? Mas mainam po iyon dahil tiyak akong may bibili sa atin,” mungkahi ni Dodong sa matanda.
“Sino naman ang maglalako, apo? Ikaw? Hindi ako makakapayag. Delikado sa lansangan. Saka isa pa, nais kong matikman nila ang lugaw ko nang mainit. Mas masarap kasi ang lugaw kapag bagong luto,” nakangiting sambit naman ni Lolo Kiko.
Batid ni Dodong na hindi niya mapipilit pa ang kaniyang Lolo Kiko. Kaya imbis na kulitin niya ito ay gumayak na lamang siya para pumasok sa eskwelahan.
Pag-uwi ni Dodong nang hapon ding iyon ay nakita niya ang kaldero ng lugaw na halos hindi na naman nabawasan.
“Lo, huwag na po kayong magluto ng hapunan. Ito na lamang pong lugaw ang kakainin ko. Mamaya po ay tiyak akong pupunta dito ang mga batang kapitbahay natin at uubusin itong lugaw n’yo,” saad naman ng bata.
“Siguro ay wala talagang pera ang mga tao ngayon kaya kahit lugaw ay hindi sila makabili. May mga nais namang bumili dito sa atin kaso lamang ay puro utang. Mabuti na lang at bukas ay panibagong araw,” wika naman ng matanda.
“Magluluto pa rin po ba kayo ng lugaw, lolo? Kung huwag na lang po muna kaya? Magpahinga na lang muna kayo,” saad pa ng bata dahil sa awa sa kaniyang lolo.
“Masarap ang lugaw na ito, apo. Minana ko pa ang paraan ng pagluluto nito sa mga lolo ko. Paborito ito ng nanay mo. Kaya alam kong mapapansin din nila ang lugaw ko,” pahayag muli ni Lolo Kiko.
Nangangamba si Dodong na kinabukasan ay masasayang na naman ang lugaw na lulutuin ng kaniyang Lolo Kiko.
Kinabuksan, tulad ng mga nakaraang araw ay amoy na agad ni Dodong ang nilulutong lugaw ng kaniyang Lolo Kiko.
Pumasok si Dodong sa eskwela na walang iniisip kung hindi paano niya matutulungan ang kaniyang lolo sa pagtitinda ng lugaw nito.
“Panginoon, masipag naman po ang Lolo Kiko ko. Sana po ay maubos na po ang lugaw na niluto niya ngayong araw. Magiging maligaya po siya nang lubos kapag maraming nakatikim ng kaniyang masarap na lugaw,” panalangin ni Dodong sa Panginoon.
Habang naglalakad siya at malalim ang iniisip ay hindi niya napansin ang isang tumatakbong binata. Nagkabanggaan sila nito dahilan para matumba silang dalawa. Maya-maya ay nariyan na ang mga pulis. Laking pagtataka ni Dodong sa mga nangyayari.
“Maraming salamat sa iyo, bata! Kung hindi dahil sa iyo ay hindi namin aabutan ang binatang iyan!” saad ng isang pulis na humuli sa binatang nakabangga ni Dodong.
Isa palang talamak na snatcher ang binatang kaniyang nakabangga. Biniktima nito ang isang matandang babae na kabababa lamang ng taxi.
Labis din ang pasalamat ng ginang sa hindi sadyang pagkakabangga ni Dodong sa snatcher.
“Malaking halaga ang laman ng bag na ito kaya masaya akong naisauli ito sa akin. Nais sana kitang bigyan ng gantimpala, hijo. Ito ang isang libong piso,” wika ng ale sabay abot ng pera sa bata.
“Ginang, hindi ko po nais ng pera n’yo. Pero p’wede po ba akong makahiling sa inyo ng isang pabor? Parang awa n’yo na po!” pagsusumamo ng bata.
“Ano naman iyon, hijo? Sige, gagawin ko kung makakaya ko,” saad naman ng ale.
“Araw-araw po kasing nagluluto ang lolo ko ng lugaw. Pero wala pong bumibili dahil sa estado ng pamumuhay namin. Marumi po kasi ang paligid na aming tinitirahan. Pero tinitiyak ko po sa inyo na masarap at malinis po ang lugaw na luto ng lolo ko! Magiging masaya po siya kung may isang kostumer na kakain ng lugaw niya,” muling hiling ni Dodong.
Labis na naantig ang ale sa kwento ni Dodong
Sinamahan ni Dodong ang ginang sa kanilang barung-barong upang makabili ng lugaw. Tama ang sinabi ng bata na hindi kaaya-aya ang paligid ng tindahan ng kaniyang Lolo Kiko. Nagdadalawang-isip man ay pinaunlakan ng ginang ang hiling sa kaniya ng bata.
Masayang-masaya naman si Lolo Kiko dahil sa unang pagkakataon ay may kakain sa kaniyang tindahan.
“Tunay ngang napakasarap ng lugaw na ito. Tiyak kong magugustuhan din ito ng iba kapag natikman nila ito!” saad ng ginang sa maglolo.
Agad na tinawagan ng ale ang anak nito upang kausapin tungkol sa pagbibigay ng tulong sa maglolo.
Binili ng ale ang recipe ni Lolo Kiko sa malaking halaga. Ginamit naman ng maglolo ang perang ito para makalipat sila ng bahay na mas maayos.
Kahit na binili na ng mabait na ale ang recipe ni Lolo Kiko ay pinayagan pa rin niya itong gamitin ang naturang paraan ng pagluluto ng lugaw. Nagtayo muli si Lolo Kiko ng maliit na lugawan sa tapat ng kanila nang magandang bahay. Kung noon ay wala sila ni isang kostumer, ngayon ay halos lahat ng kanilang mga kapitbahay ay wiling-wili sa masarap na lugaw ng maglolo.
Maligaya si Dodong dahil sa isang iglap ay nagbago ang kanilang buhay. Ipinagpapasalamat ni Dodong na bago pa man mawala ang kaniyang lolo sa mundong ibabaw ay may nakatikim ng masarap nitong lugaw at higit sa lahat ay naranasan pa ng matanda ang maginhawang buhay.