Inday TrendingInday Trending
Grabe ang Pagka-tsismosa ng Ginang; Sa Huli ay Matinding Kahihiyan ang Inabot Niya

Grabe ang Pagka-tsismosa ng Ginang; Sa Huli ay Matinding Kahihiyan ang Inabot Niya

Umagang-umaga ay nakasilip na sa bintana si Beng para makibalita. Noong nagdaang gabi kasi ay narinig niya ang pagtatalo nina Samuel at Maya, ang mag-asawang kapitbahay niya.

Natapos ang pag-aaway ng mag-asawa nang nagdadabog na umalis si Samuel. Umaga na nang umuwi ang lalaki.

Mukhang may mainit na tsismis na naman siyang maibabahagi sa kaniyang mga kumare!

Nang lumabas siya ng bahay nang umagang iyon ay agad na hinanap ng kaniyang mga mata ang kaniyang mga kumare. Nakita niyang nagtatawanan ang mga ito habang nakatambay sa tapat ng isang tindahan.

Dali-dali siyang lumapit sa mga kaibigan.

“May tsismis! Mainit-init pa!” sabik niyang bungad sa mga kababaihan.

Agad na bumakas ang interes sa mukha ng mga ito.

“‘Yung kapitbahay ko, sina Samuel at Maya? Mukhang maghihiwalay na!” nakangising paglalahad niya.

“Naku, hindi ako naniniwala. Ang sweet-sweet kaya ng mag-asawa na ‘yun? Hindi ba’t kakakasal lang nila noong nakaraang taon?” kunot noong komento ni Sheila.

Napaismid si Beng. “Anong sweet? Kagabi lang eh dinig na dinig ko ang pagtatalo nilang mag-asawa. Umalis si Samuel tapos umaga na bumalik!”

Nanlaki ang mata ng mga ito.

“Talaga? Sinasabi ko na nga ba, eh! Sa gandang lalaki ni Samuel, magloloko talaga ‘yun, lalo na’t hindi naman kagandahan si Maya. Suplada pa!” nakairap namang utas ni Susan.

Naghagikhikan ang mga tsismosa. Ngunit agad silang napahinto nang makitang paparating ang sentro ng kanilang tsismisan. Si Maya.

Sabay-sabay pumaskil ang pengeng mga ngiti sa labi nila. Isang tipid na ngiti rin ang isinukli nito.

“Maya, ayos na ba kayong mag-asawa? Parang mainit yata ang ulo niyo kagabi, eh,” pasimpleng komento ni Beng.

Napangiwi ang babae. Tila hindi komportable sa pinag-uusapan. Ngunit sumagot din naman.

“Ah, maingay ba kami kagabi? Pasensya na, ha? Si Samuel kasi nalipat na pala na panggabi, hindi man lang nabanggit sa’kin. Nag-away tuloy kami. Pero ayos na rin naman. Nag-usap na kami kaninang umaga. Dinalhan ba naman ako ng bulaklak, paanong hindi ko mapapatawad?” nangingiting kwento nito.

Nang makaalis si Maya ay agad siyang pinuna ng mga kumare.

“Nalipat naman pala na panggabi, kaya umaga na umuwi!” natatawang komento ng mga ito.

Namula si Beng sa pagkapahiya.

“Sa susunod, ayusin mo naman ang tsismis, mare!” pabirong banat pa ni Sheila.

Inis na inis si Beng. Pakiramdam niya kasi ay pakitang-tao lang naman ang magandang samahan ng mag-asawa. Napahiya pa tuloy siya!

Subalit nang sumunod na linggo ay nakumpirma niya ang hinala. Nang sumilip kasi siya sa bahay ng mag-asawa ay aksidenteng nakita niya ang mga maleta na naka-empake.

Sa bandang kusina ay nakita niyang umiiyak si Maya, habang nakayakap naman mula sa likod nito si Samuel na umiiyak din.

Nakita niya rin na ang mga gamit sa loob ng bahay ay pawang naka-karton na at nakatabi sa isang sulok. Wala nang laman ang bahay ng mag-asawa maliban sa malalaking gamit gaya ng sofa at mesa.

Mukhang aalis na ang mag-asawa sa lugar na iyon. Marahil ay maghihiwalay na ng landas ang dalawa!

Agad na ikinalat ng makati niyang dila ang kaniyang mga haka-haka.

“Hay naku, kawawa naman si Maya. Mabuti na lamang at wala pa silang anak!”

“Oo nga. Kawawa ang bata kung maghihiwalay sila,” segunda ng isa pa.

Ikinagulat ng mga tsismosa nang makita ang mag-asawang Samuel at Maya. Pawang nakangiti ang dalawa habang magkahawak kamay pang naglalakad papunta sa gawi nila.

Lumapit ang dalawa sa umpukan nila. “Mga kapitbahay, may sasabihin kami sa inyo,” magkapanabay na wika ng mag-asawa.

Ngunit bago pa makapagsalita si Maya ay nauna na si Beng.

“Hindi niyo na kailangan pang magpanggap. Alam na namin na hindi maganda ang samahan niyo at maghihiwalay na kayo,” diretsahang bulalas niya.

Hindi agad nakapagsalita ang mag-asawa. Marahil ay nagulat ang mga ito na alam na nila ang totoo.

Kumunot ang noo ni Maya bago nagsalita. “Anong sinasabi mo? Ang sasabihin namin ay aalis na kami at lilipat na kami ng tirahan. Saan galing ‘yung maghihiwalay na kaming mag-asawa?”

Sa unang pagkakataon ay nakita niya ang galit sa mukha ni Maya.

“N-nakita ko kasi k-kanina, umiiyak ka,” utal-utal na katwiran niya.

Namutla siya sa sunod na sinabi mo.

“Umiiyak ako kasi nalaman ko na buntis ako. Gustong-gusto na kasi naming magkaanak! Sinong nagsabi na pwede mong i-tsismis ang buhay naming mag-asawa? Nakikita kita, kung sino-sinong lalaki ang kalampungan mo, kahit sa harap ng anak mong tatlong taong gulang. May sinabi ba ako?”

“Maya, ‘wag mo namang–”

“Ano? ‘Wag kitang i-tsismis? Pero ayos lang na i-tsismis mo ako?” nakapamewang na angil ng babae, tila naghahamon.

“Lagi kong nakikita na pinabayaan mo ang anak mo, sa kakaharot mo sa kung sino-sinong lalaki? Gusto mo ba na pangalanan ko pa ang mga lalaki mo? Alam ba ng asawa mo ang mga kalokohan mo rito?” ayaw paawat na litanya ng babae.

Si Beng naman ay hiyang-hiya, lalo na nang makita niya ang tingin na ipinupukol sa kaniya ng kaniyang mga kumare, at ng ilang nakiki-usyoso.

Matagal nang nakaalis ang mag-asawa ngunit si Beng ay tila itinulos pa rin sa kaniyang kinatatayuan.

Hindi niya inakala na aabutin niya ang ganoong kahihiyan. Mas lalo pa siyang napahiya nang marinig ang bulungan.

“Naku, babantayan ko na ang asawa ko. Baka masilo pa ni Beng!”

“Grabe, akala ko tsismosa lang ‘yan. Malandi rin pala!”

Nakayukong naglakad siya pauwi. Iyon pala ang pakiramdam ng ma-tsismis, nakakapanliit.

Ayaw niya nang mangyari ulit ‘yun sa kaniya, kaya hinding-hindi niya na iyon gagawin pa sa iba!

Advertisement