Inday TrendingInday Trending
Isang Matanda ang Tutol sa Pagputol ng Isang Puno sa Bakanteng Lote; Ano Kaya ang Dahilan sa Likod Nito?

Isang Matanda ang Tutol sa Pagputol ng Isang Puno sa Bakanteng Lote; Ano Kaya ang Dahilan sa Likod Nito?

Pinigilan ni Rene ang inis dahil sa kakulitan ng isang residente.

Isa siyang karpintero at isang malaking bahay ang gagawin nila sa isang bakanteng lote. Ang kaso ay makulit ang may-ari ng katabing bahay. Ipinipilit nito na hindi raw nila maaring putulin ang malaking puno sa bakanteng lote.

“Hindi pwede! Hindi ako papayag na putulin niyo ang puno na ‘yan!” pagtanggi nito sa hindi na niya mabilang pagkakataon.

“Bakit ho ba? Ano ho bang mayroon sa puno na ito?” buong pagpapasensyang usisa niya.

“Mahalaga ito sa amin ng asawa ko. Siya ang nagtanim nito, at ito na lang ang alaala na naiwan niya,” paliwanag nito.

Natigilan siya. Kahit papaano ay naunawaan niya naman ang punto ng matandang lalaki. “Nasaan na ho ba ang asawa niyo? Sumakabilang buhay na ho ba siya?” nag-aalangang tanong niya.

Dumilim ang mukha nito bago sumagot. “Hindi ko alam. Iniwan niya ako para sa lalaki niya!” tila galit na sagot nito.

Natigagal si Rene. Mukhang malalim ang pinanggagalingan ng matanda. Wala siyang nagawa kundi ang tawagan ang boss nila.

“Engineer, may makulit na matanda na ayaw umalis sa puno kaya hindi namin maputol. Paano ho ba ang gagawin natin dito? Hindi tuloy kami makapagsimula,” namomroblemang paghingi niya ng payo sa inhinyero nang makausap niya ito sa telepono.

Ikinuwento niya rin sa inhinyero ang dahilan kung bakit mahalaga para sa matanda ang puno.

“Ipaintindi mo sa matanda na hindi siya ang nagmamay-ari ng lote. May iba nang nakabili, kaya wala siyang karapatan. Kapag hindi pa rin pumayag, umalis na lang muna kayo. Tapos bukas ng madaling araw, saka natin putulin para wala na siyang magawa,” detalyadong bilin nito.

“Engineer, ayos lang ho kaya na putulin natin nang hindi nalaman ng matanda? Hindi ho ba tayo mademanda niyan?” naniniguradong tanong niya.

“Hindi, ‘wag kang mag-alala. Nabili na ng kliyente natin ang lupa, kaya ayon sa batas, sila na ang may-ari ng kahit na anong nakatayo o nakatanim sa lupain. Isa pa, naiintindihan natin na may sentimental value ang puno, pero may kliyente tayong nagbabayad sa atin. Hindi natin sila pwedeng biguin,” katwiran nito.

Binalikan niya ang matanda at muli itong pinaliwanagan. Subalit matigas pa rin ang pagtanggi nito.

“Mamamat*y muna ako bago niyo magalaw ang puno na ito,” galit na pahayag pa ng matanda.

Kaya naman kinabukasan, alas tres pa lang ay handa na silang magtrabaho.

Unti-unti nilang nilagare ang malaking puno hanggang sa tuluyan na itong bumagsak. Naghukay sila sa gilid ng malaking ugat ng puno upang tuluyan na itong mabunot.

Ilang sandali pa ay tuluyan na nilang nabunot ang puno. Subalit may isang kakaibang bagay sa ilalim na lupa ang tumambad sa kanila.

Isang kahon. Mukhang matagal na matagal na itong nakabaon doon. Mayroon ring kakaibang masangsang na amoy na nagmumula sa kahon.

“Rene, anong gagawin natin dito sa kahon? Pwede kaya nating buksan?” tanong ng isa sa mga kasamahan niya.

“Sige, buksan natin,” sagot niya.

Nang buksan at makita nila ang laman ng kahon ay halos sabay-sabay silang napaatras at napasigaw sa gulat.

Naglalaman iyon ng buto at bungo ng isang tao!

Bago pa sumikat ang araw ay naiulat na nila sa pulis ang nakagigimbal na natuklasan. Hindi tuloy maiwasan ni Rene na maisip kung may kinalaman ba ang matanda sa labi na nahukay sa ilalim ng puno na ayaw nitong ipaputol.

At hindi siya nagkamali! Napag-alaman ng mga pulis na ang asawa nito ay naiulat na nawawala, mahigit sampung taon na ang lumipas, taliwas sa sinabi nito na iniwan daw ito ng asawa.

Nakumpirma na ang nagmamay-ari ng buto ay ang asawa ng matandang nakatira sa katabing bahay.

Sa huli ay umamin ang matanda na ito raw ang naglibing sa sarili nitong asawa. Aksidente nitong napat*y ang asawa nang sabihin nito na sasama na ito sa ibang lalaki.

Sa takot ng salarin na makulong noon ay inilihim itinago nito ang nagawang krim*n. Inilibing ng matanda ang sariling nitong asawa sa bakanteng lote, bago iyon tinaniman ng halaman, sa pag-asa na hindi na kailanman pa mabubunyag ang tinatago nitong lihim.

Matagal na panahon nitong naitago ang nagawa nitong kasalanan, ngunit sadya sigurong walang lihim na nababaon sa limot.

Bago sila magpatuloy sa paggawa sa bakanteng lote ay nagpamisa sila doon, kasabay ang piping dasal na sana ay matahimik na ang biktima ngayong nabigyan na ng hustisya ang pagkawala nito.

Hindi malilimutan ni Rene ang nakakakilabot na karanasan niyang iyon. Mabuti na lamang at pinag-adya ng tadhana na lumabas ang itinatagong lihim ng misteryosong puno ng mangga!

Advertisement