Inday TrendingInday Trending
Inapi at Ikinulong Niya ang Anak ng Dating Asawa; Sa Isang Importanteng Okasyon ay  Nabisto Siya

Inapi at Ikinulong Niya ang Anak ng Dating Asawa; Sa Isang Importanteng Okasyon ay Nabisto Siya

“Ma’am, hindi pa po ba natin dadalhan ng pagkain si Casey? Hindi pa po siya kumakain maghapon.”

Pinukol ni Lucille ng isang matalas na tingin ang matandang mayordoma na si Nena.

“May sinabi na ba ako? Subukan mong dalhan ng pagkain si Casey at malilintikan ka sa akin,” pagbabanta niya sa matanda.

Napayuko ito at bago naglakad palayo.

Ilang taon na rin ang lumipas simula nang pumanaw ang asawa niyang si Crisanto Medrano, isang mayamang negosyante.

Naiwan sa pangangalaga niya ang anak nito na si Casey Medrano. Rebelde ang bata, maldita, at napakatigas ng ulo. Matalino ang bata at madalas siya maisahan kaya naman sa nakalipas na tatlong taon ay ikinulong niya ito sa basement.

Makakalabas lamang ito sa oras na tumuntong ito ng labingwalo, sa kondisyon na ililipat nito sa pangalan niya ang lahat ng ari-arian na naiwan ng ama nito.

Alam niyang pipiliin ni Casey ang kalayaan nito kaysa kayamanan, kaya naman hindi na siya makapaghintay na tumuntong ito sa tamang edad at mawala na rin sa landas niya.

Napangisi si Lucille. Sa kaarawan ni Casey ay magkakaroon ng malaking selebrasyon sa kanilang mansyon, bilang pagdiriwang sa malaking kayamanan na mamanahin niya.

Sa wakas, mabibili niya na ang lahat ng gusto niya, at malilibot niya na ang buong mundo.

Maya-maya ay nakarinig siya ng katok. Sumungaw mula sa pinto ang alalay niya na si Alyana.

“Senyora Lucille, nakita ko si Aling Nena palihim na binigyan ng pagkain si Casey. Tapos na ba ang parusa mo sa malditang ‘yun?” kunot-noong usisa nito.

Napatayo siya sa galit. Sinuway ni Aling Nena ang utos niya! Matitikman nito ang galit niya!

“Nena!” malakas na sigaw niya.

Ilang segundo lang ay nagkukumahog na ito malapit sa kaniya.

Sinalubong niya ng isang malakas na sampal ang matanda. Napaupo ito sa sahig habang sapo ang pisngi.

“B-bakit po, Senyora?” naiiyak na tanong ng matanda.

“Akala mo hindi ko alam na dinalhan mo ng pagkain si Casey? Bakit mo sinuway ang utos ko?” nanggigigil na bulyaw ng matanda.

“Ayokong magkasakit ang alaga ko! Gutom na gutom na siya, Senyora!” katwiran nito.

“Wala akong pakialam kung mamat*y siya sa gutom!”

Tumapang ang mukha ng matanda. “Wala kang karapatan! Ang bahay na tinitirhan mo, ang pagkaing kinakain mo, at lahat ng pera mo ay pag-aari ng alaga ko! Wala kang karapatan na apihin siya! Kung nabubuhay lang si Crisanto ay isusumpa ka niya!” bulyaw nito.

Naningkit ang mata niya sa labis na galit. Ang kapal ng mukha nito na pagsabihan siya gayong tagapagsilbi lang naman ito ng pamilya ng yumao niyang asawa!

“Pero wala na si Crisanto at ako na ang reyna rito! Umalis ka na bago pa kita ipahuli sa mga pulis!” galit na utos niya sa matanda.

Nanlaki ang mata nito. Tila hindi inaasahan ang naging desisyon niya.

“Hindi ako pwedeng umalis! Hindi ko pwedeng iwanan ang alaga ko!”

Ngumisi siya sa matanda. “Wala kang magagawa. Aalis ka, o ipapahuli kita sa pulis?” pananakot niya.

Kahit anong paglulumuhod ng matanda ay hindi siya natinag. Mas lalo siyang nagdiwang. Alam niya kasi kung gaano kahalaga para rito si Casey, na inalagaan na nito simula pagkabata.

“Nagkamali ka ng kinalaban,” wika niya pa sa matanda bago ito pinagtulakan palabas ng mansyon.

Ilang araw pa ang lumipas ay dumating na ang araw na pinakahihintay ni Lucille. Ang ikalabing walong kaarawan ni Casey.

Umaga pa lamang ay bumaba na siya ng basement para kausapin ang nakakulong na dalaga.

“Heto ang mga dokumento, pirmahan mo na kung gusto mo nang makaalis dito. Kapag pinirmahan mo lahat ‘yan, bukas na bukas din ay makakaalis ka na,” aniya sa anak-anakan.

Imbes na sumagot ay matalim na tingin ang ipinukol nito sa kaniya.

“Nasaan si Nanay Nena? Bakit hindi ko na siya nakikita?” angil nito.

Ngumisi siya. “Wala na. Pinalayas ko na dahil sa’yo.”

Sa pagkagulat niya ay ngumiti ang dalaga. “Akala mo nanalo ka na? Tingnan natin kung kanino ang huling halakhak!” matapang na pahayag nito.

Hindi niya na pinansin ang patutsada nito. “Wala ka nang magagawa, Casey. Pirmahan mo na ‘yan! Kapag mamayang gabi at wala pa rin itong pirma pagbalik ko, malilintikan ka sa akin,” banta niya bago siya nagdadabog na umalis sa lugar na iyon.

Hindi niya na tuloy nakita pa ang makahulugang ngiti ni Casey.

Sumapit ang gabi. Abala ang lahat ng katulong sa paghahanda habang si Lucille naman ay abala sa pagpapaganda. Gusto niyang maging pinakamaganda dahil siya ang reyna.

“Alyana, babain mo nga si Casey doon at kunin mo ang mga dokumento,” utos niya sa kaniyang alalay.

Tumalima naman ito ngunit makalipas ang ilang sandali ay bumalik ito, bakas ang inis sa mukha.

“Senyora, ayaw niyang pirmahan. Pinilit ko pero minalditahan lang ako!” sumbong nito.

Uminit ang ulo niya sa narinig. Bababa sana siya nang pigilan siya ng isa sa mga kasambahay.

“Senyora, dumating na po si Mayor at Mayora. Hinahanap po kayo,” anito.

“Humanda sa’kin ‘yan bukas!” gigil na bulalas niya bago nagmamadaling hinarap ang mga importanteng bisita.

Ilang sandali pa ay masaya na siyang nakikipag-usap sa kaniyang mga panauhin. Sa t’wing may naghahanap kay Casey ay sinasabi niya na lamang na nasa ibang bansa ito at nag-aaral.

Ngunit sa kalagitnaan ng gabi ay may mga hindi inaasahang panauhin ang dumating. Mga pulis!

Nanlamig siya nang makita ang pamilyar na babae na kasama ng mga ito. Si Aling Nena!

“Ma’am, magandang gabi ho. May natanggap ho kaming ulat na nakakulong daw sa bahay na ito si Casey Medrano. Kailangan ho naming inspeksyunin ang bahay para kumpirmahin ang bagay na ito.”

Namewang siya. “Nasa ibang bansa si Casey. Hindi niyo maaaring pasukin ang bahay ko! May pruweba ba kayo? Umalis na kayo rito at nakakaabala kayo!” galit na sagot niya.

Unti-unti na ring naaagaw ng mga pulis ang atensyon ng mga bisita.

Umiling ang lider ng mga pulis. “May warrant of arrest ho kami. May kongkreto rin ho kaming ebidensya, Ma’am,” anito bago ipinakita sa kaniya ang mga larawan ni Casey na nakakulong sa basement.

Nang sumulyap siya kay Nena ay nang-uuyam ang ngiting ipinukol nito sa kaniya.

Wala siyang nagawa nang sapilitang pasukin ng mga pulis ang bahay niya. Yukong-yuko siya nang lumabas si Casey mula sa basement kasama ang mga pulis. Kita niya ang poot sa mga mata nito habang bitbit ang dokumento na magdidiin sa kaniya sa mabigat na kasalanan.

Nawindang ang mga bisita nang makita ang dalaga, lalo pa’t inakala nila na nasa ibang bansa ito.

“Ikinulong ako ni Tita Lucille dahil gusto niyang makamkam ang pera ni Papa. Gusto niya na isalin ko sa pangalan niya ang lahat ng ari-arian ko kapag tumuntong ako ng labing walo. Pinapapili niya ako kung pera ba, o kalayaan,” kwento ng dalaga sa mga pulis at sa mga bisita.

“Pero hindi ko maatim na ibigay sa demonyong kagaya niya ang perang pinaghirapan ni Papa. Kaya gumawa kami ng plano ni Aling Nena para matapos na ang pagrereyna-reynahan niya!” dagdag nito.

Nagulat siya nalaman. Bakit nga ba nawala isip niya na matalinong bata si Casey? Kaya pala natuwa ito nang malamang pinalayas niya si Nena, dahil may plano pala ang dalawa!

Walang magawa si Lucille nang posasan siya ng mga pulis. Nahuli siya sa akto.

“Siguro kung inalagaan mo ako at minahal na parang tunay na anak, baka binigay ko pa sa’yo nang boluntaryo ang lahat, Tita. Kaya mabulok ka sa kulungan at pagsisihan mo lahat ng ginawa mo,” malamig na pahayag ni Casey.

Hinayang na hinayang si Lucille. Ang inakala niyang bagong buhay bilang isang reyna ay nauwi sa bagong buhay bilang isang preso!

Advertisement