Inday TrendingInday Trending
Palaging Naninigaw ng Drayber ang Dalagang Ito sa Tuwing Naiipit sa Trapiko; Nakahanap Siya ng Katapat Niyang Drayber

Palaging Naninigaw ng Drayber ang Dalagang Ito sa Tuwing Naiipit sa Trapiko; Nakahanap Siya ng Katapat Niyang Drayber

“Hoy, babae ka, marunong ka ba talagang magmaneho, ha? Ang bagal-bagal mo magpatakbo kanina pa kaya tayo naabutan ng traffic, eh!” bulyaw ni Tiffany sa drayber ng taxi na kaniyang sinasakyan, isang umaga habang siya’y nasa daan papuntang trabaho.

“Opo, ma’am, marunong po akong magmaneho, kaya nga po mayroon akong lisensya at nakapasok sa kumpanyang ito. Nag-iingat lang po akong magmaneho, ma’am, para maidala kita sa destinasyon mo nang ligtas,” paliwanag ng babaeng drayber habang unti-unting inaabante ang sasakyan na nasa gitna ng trapiko.

“Diyos ko! Sobrang pag-iingat naman ang ginagawa mo! Malapit na akong mahuli sa trabaho dahil sa’yo!” sigaw niya pa rito saka bahagya nang nagdadabog sa loob ng sasakyan.

“Ma’am, tama lang po ang takbo natin kanina. Kapag po ito hinarurot ko, baka hindi pa kayo makarating sa trabaho niyo,” depensa pa nito na labis niyang ikinagalit.

“Sumasagot ka pa? Ikaw ba ang magpapaliwanag sa boss ko kung bakit ako mahuhuli sa pagpasok? Ihaharurot mo na ‘to kung ayaw mong ireklamo kita sa kumpanyang pinapasukan mo!” malakas niya pang utos dito nang makita niyang tila lumuluwag na ang trapiko.

“Sige po, ma’am, wala po tayong sisihan,” mahinahong sagot nito.

“Dalian mo na! Puro ka dakdak! Kailangan kong makarating sa trabaho ko sa loob ng limang minuto!” utos niya pa rito saka padabog na hinampas ang upuan ng naturang drayber.

Naninigaw ng mga drayber ng taxi ang dalagang si Tiffany lalo na sa tuwing mahuhuli na siya sa kaniyang trabaho. Nais niyang mabilis na makarating sa kaniyang destinasyon kahit pa alam niyang pusod ng trapiko ang mga kalyeng kailangan niyang daanan.

Kung ang ibang tao ay naglalaan ng mahabang oras para sa kanilang paglalakbay patungo sa trabaho, siya’y nasa oras lamang kung umaalis sa kanilang bahay.

Nasa labing limang minuto hanggang dalawangpung minuto lamang ang inilalaan niya sa kaniyang paglalakbay kahit pa may kalayuan ang kaniyang trabaho at sa tuwing maiipit na nang trapiko, walang habas na niyang sisisihin ang drayber ng sinasakyan niyang taxi.

Halos araw-araw nangyayari ang ganitong tagpo sa buhay niya lalo na’t tuwing malapit na siyang mahuli sa kaniyang trabaho. Kahit na nasa gitna sila ng trapiko, pauulanan niya ng sermon ang drayber na para bang kaya nitong paliparin ang sinasakyan nilang taxi.

May pagkakataon pa ngang pinindot niya nang napakatagal ang busina ng sinasakyan niyang taxi dahil sa labis na pagkainis na kaniyang nararamdaman ngunit kahit ginawa niya ito, huli pa rin siya nang nakarating sa trabaho.

Nang araw na ‘yon, matapos niyang utusan ang dalagang iharurot ang sasakyan, sakto namang biglang luwag ng trapiko dahilan para agad siya nitong sundin.

Bigla na lang siyang napakapit sa upuan at nagsisisigaw nang simulan nang dalagang patakbuhin nang napakabilis ang naturang sasakyan.

“Saglit lang! Sobrang bilis mo naman!” sigaw niya rito habang mahigpit na nakahawak sa upuan.

“Ganito po talaga ako magpatakbo, ma’am! Sumasali po ako sa car racing, eh! Konting tiis na lang po, makakarating ka na sa trabaho mo!” sagot nito na lalo niyang ikinakaba.

“Diyos ko! Ito na yata ang katapusan ko!” mangiyakngiyak na niyang sigaw dahil sa takot.

Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang naidala ng dalaga sa kaniyang trabaho. Bumaba siya sa sasakyang ito na para bang siya’y dinala ng isang ipu-ipo.

“Sa susunod po, ma’am, maglaan kayo nang mahabang oras sa pagbiyahe para hindi kayo mahuli sa trabaho. Nasa Pilipinas po kayo, talamak talaga ang trapiko. Irespeto niyo rin po kaming mga drayber dahil katulad niyo, nagtatrabaho rin po kami. Hindi po namin kailangang sigaw-sigawan ng isang katulad niyo para lamang kumita ng dalawang daang piso,” nakangiting wika sa kaniya nito matapos matanggap ang bayad niyang pamasahe.

Napatango-tango na lamang siya saka mabilis na naglakad patungo sa loob ng gusaling pinagtatrababuhan. Agad siyang naupo sa silyang nakita niya at doon pinalipas ang pangangatog ng kaniyang mga tuhod.

“Salamat sa Diyos, nakarating pa ako nang ligtas dito,” wika niya habang hihinga-hinga.

Simula noon, naging magalang na siya sa mga drayber. Natuto na rin siyang bumangon at kumilos ng maaga upang may mailaan na tamang oras sa kaniyang pagbiyahe.

Maging mabagal man ang takbo ng sasakyang masasakyan niya, panatag pa rin siyang makakarating sa oras ng kaniyang trabaho.

“Mas ayos pala talaga ang umalis sa bahay ng may inilalaang oras sa pagbiyahe, hindi na ako naiinis sa mga drayber, nakakarating pa ako sa trabaho ko nang maayos,” sambit niya sa sarili.

Advertisement