Nanloob ng Alahasan ang Lalaking Ito, Minaliit Nila ng Kaniyang Kumpare ang Matandang May-ari
“Pare, may naisip ka na bang raket d’yan? Wala na talaga akong mahugot na pambili ng pagkain ng mag-iina ko, eh,” daing ni Romel sa kumpare saka agad na humihit sa sigarilyong hawak nito.
“May naisip ako, pare, pero pinag-aaralan ko pa. Baka mamaya, mapurnada tayo, eh, mahuli pa tayo ng mga pulis,” sagot nito habang malayo ang tingin.
“Ano bang naisip mo? Baka makatulong ako! Alam mo naman kung gaano ako kagaling sa mga kalokohan!” ganado niyang sambit dahilan para mapatingin ito sa kaniya.
“Alam mo ‘yong bagong bukas na tindahan ng mga alahas sa bayan? Balita ko, hindi pa ‘yon nakakabitan ng mga CCTV camera kaya naisip ko, pupwede pa natin ‘yong looban!” bulong nito sa kaniya na ikinangiti niya.
“Iyong bentahan ng mga gintong alahas bago magpunta sa palengke ng bayan?” tanong niya rito, agad itong tumango-tango na ikinatuwa niya lalo, “Ay, Diyos ko! Nakapunta na ako roon, nasipat ko na ang mga alahas doon at isang matanda lang ang nagbabantay doon lagi. Kayang-kaya nga natin ‘yong looban!” dagdag niya pa habang pumapalakpak pa sa saya.
“Ayun pala, eh! Ano, gawin na natin mamaya para masagana ang buhay natin bukas?” hamon nito.
“Walang problema! Gusto mo ngayon na, eh!” pagyayabang niya sabay kindat dito.
Ilegal na mga paraan ang ginagawa ng padre de pamilyang ito upang matustusan niya ang mga pangangailangan ng kaniyang buong pamilya. Kung hindi siya manghoholdap sa may Baclaran, mangungupit siya sa mga grocery store upang malagyan niya lamang ng laman ang tiyan ng kaniyang mga anak at asawa.
Sa katunayan, may kakayahan naman talaga siyang humanap ng maayos na trabaho dahil nakapagtapos siya ng kolehiyo.
Kaya lang, may katamaran kasi siya at walang tiyaga sa trabaho dahilan para humanap siya ng pagkakakitaan na mabilis ang pagpasok ng pera sa kaniyang bulsa.
Dito na niya nakilala ang kumpare niyang utak ng mga pagnanakaw sa kanilang lugar. Palagi siyang sumasama rito sa mga raket nito na labis niya namang ikinatutuwa dahil palagi siyang nakakapag-uwi ng malaking halagang pera.
Kinagabihan noong araw na ‘yon, agad na silang nagpunta ng kumpare niya sa tindahang iyon. Nang masigurado na niyang ang matandang tinutukoy niya ang mag-isang nagbabantay, agad na silang pumasok ng kaniyang kumpare.
“Huwag ka nang gumalaw, matanda, kung ayaw mong masaktan!” sigaw niya rito habang tinututukan niya na ito ng patalim saka sinara ng kaniyang kumpare ang mga ilaw doon.
“Opo, opo, ano bang gusto niyo? Kunin niyo na lahat huwag niyo lang akong sasaktan!” sigaw nito habang mangiyakngiyak sa takot.
“Tumahimik ka!” bulyaw niya rito habang nagsisimula nang maghakot ng mga alahas ang kumpare niya.
“Pare, halika nga, hindi ko mabuksan itong salamin!” sigaw ng kaniyang kumpare dahilan para agad niya itong lapitan at gamitin ang patalim na hawak niya sa salaming iyon.
Nawala sa isip nila ang naturang matanda nang mahawakan nila ang nagagagandahang alahas na ngayon lamang nila nakita. Bago pa niya muling maalala ang matandang nasa likuran nila, nabaril na siya nito sa paa at bago pa gumanti ng baril ang kumpare niya, nabaril na rin ito ng matanda sa ulo dahilan para agad itong bumagsak.
Gustuhin man niyang tumakbo, hindi niya magawang magalaw ang paa niyang puno na ng dugo ngayon.
“Hindi ko tatapusin ang buhay mo para pagsisihan mo habang buhay ang ginawa mong ito,” wika sa kaniya ng matanda saka sapilitang kinuha ang mga patalim na mayroon siya.
Maya maya pa, dumating na ang mga pulis at agad siyang dinala sa ospital. Halos manginig sa takot at kaba ang asawa niya nang makitang hindi bababa sa limang pulis ang nagbabantay sa kaniya sa ospital.
“Bakit mo ito ginawa? Paano na kami ng mga anak mo?” iyak nito.
“Patawarin mo ako, mahal,” tangi niyang sagot habang umiiyak.
Nang masiguradong maayos na ang lagay niya, agad na siyang inilipat sa kulungan ng mga pulis at doon niya habang-buhay na pinagbayaran ang kaniyang mga kasalanan.
“Bakit ko nga ba ito nagawa? Bakit sa patalim ako kumapit? Bakit sobrang sabik ko sa agarang pera?” pagsisisi at tanong niya sa sarili nang minsan niyang makita ang mga anak niyang kumakaway mula sa maliit bintana ng kaniyang selda.
Naisin man niyang bumawi sa pamilya at humingi ng tawad sa may-ari ng naturang tindahan ng mga alahas, wala siyang magawa kung hindi sundin ang batas at pagsisihan ang kaniyang mga ginawa. Kung dati ay hirap na siya sa buhay, ngayon ay mas lalo pang naging mahirap nang dahil sa kaniyang ginawang kasalanan.