Labis na Pinagtatakpan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Pangangabit, Nalagay pa sa Alangin ang Asawa Niya nang Dahil Dito
“Edwin, sabihin na kaya natin sa asawa mo ang relasyon natin? Nakokonsensya na ako, gabi-gabi na lang akong hindi makatulog dahil sa ginagawa natin. Tingin ko kailangan na nating maghiwalay at simulan mo na ang pagiging tapat na asawa’t ama,” wika ni Mona sa kaniyang kinakasama, isang gabi bago sila matulog sa motel na kanilang inupahan.
“Nahihibang ka na ba? Gusto mo bang hiwalayan ako noon at magalit siya sa’yo? Alam mo naman ding buntis ‘yon, baka mamaya ilayo pa niya sa akin ang anak ko!” sigaw ni Edwin dito habang iiling-iling dahil sa pagkainis.
“Iyon na nga, Edwin, eh, buntis na ang asawa mo, gumagawa pa tayo ng kalokohan!” sagot nito saka huminga nang malalim dahil sa labis na pangongonsenyang nararamdaman.
“Tumigil ka nga, Mona, nababaliw ka na naman! Matulog na tayo! Walang aamin, walang maghihiwalay!” bulyaw niya pa rito saka agad nang nagtalukbong ng kumot upang matulog.
“Kung ayaw mo, ako na lang ang aamin sa asawa mo! Pupuntahan ko siya bukas sa bahay niyo!” wika nito na ikinapintig ng tainga niya.
“Hindi ako papayag!” sigaw niya rito saka siya agad na nagpasiyang umuwi sa kaniyang bahay, kung saan naghihintay ang nagdadalang-tao niyang asawa.
Kahit na kasal na at may anak nang dinadala ang asawa ng padre de pamilyang si Edwin, hindi niya pa rin magawang hindi mambabae at gumawa ng kalokohan.
Alam niya sa sarili niyang mali ang ginagawa niyang ito ngunit hindi niya mapigilan ang sariling hindi tumikim ng iba lalo na’t nagdadalang tao ang asawa niya ngayon at hindi niya magawang malambing gabi-gabi.
Dito na niya nagawang matulog kasama ang matalik na kaibigan ng kaniyang asawa na palaging dumadalaw sa kanilang bahay.
Ngayong nagdadalawang-isip na ang dalagang ito sa ginagawa nilang kalokohan at nais na nitong umamin sa asawa niya, labis siyang nakaramdam ng takot.
Ayaw niyang mawala ang asawa niya, lalo na ang anak niya rito. Bukod pa roon, ayaw niyang bumaho ang pangalan niya sa kanilang mga kaibigan at kaanak kapag pumutok ang balitang kabit niya ang matalik na kaibigan ng kaniyang asawa.
Kaya naman, nang gabi ring iyon, wala na siyang pinalipas na oras. Agad siyang umuwi sa kanilang bahay at niyaya ang asawa na mag out of town.
“Bakit naman bigla-bigla ka? May kasalanan ka sa akin, ‘no?” walang muwang nitong tanong.
“Wala, mahal, gusto ko lang magliwaliw sa ibang lugar kasama ka,” pagsisinungaling niya rito na labis nitong ikinasaya dahilan para agad itong mag-ayos at mag-empake ng mga kakailanganin nilang gamit.
Kinaumagahan, dinala niya ang asawa niya sa isang tagong barangay sa Batangas malapit sa dagat at doon sila umupa ng isang kubo. Kitang-kita niya ang saya sa mukha ng kaniyang asawa habang nilalanghap ang sariwang hangin at pinagmamasdan ang karagatan dahilan para labis siyang makaramdam ng pangongonsenya.
Yayakapin niya pa lang sana ito nang bigla siyang tawagan ng kabit niyang si Mona.
“Wala sa bahay niyo ang asawa mo, saan mo siya dinala? Kung hindi mo sasabihin, tatawag na lang ako sa kaniya!” wika nito na ikinataranta niya dahilan para iwan niya ang asawa sa tabing dagat at hanapin ang selpon nito sa kubong kanilang inupahan.
Habang nakikipagtalo siya sa dalagang ito, bigla niyang narinig ang sigaw ng kaniyang asawa. Agad niya itong tinignan at napahangos siya nang makitang nakabulakta na ito at dinudugo! “Anong nangyari, mahal? Diyos ko!” tanong niya rito.
“May isang lalaking bigla na lang bumalya sa akin at hinihingian ako ng pera! Wala ako maibigay kaya sinipa niya ang tiyan ko at binalya niya ako sa bangka! Dalhin mo na ako sa ospital! Ang anak ko!” iyak nito na ikinataranta niya.
Pagdating nga nila sa ospital, agad na idineklara ng doktor na nakunan ang kaniyang asawa na labis nitong ikinaiyak. Tila gumuho pa ang mundo niya nang malaman niyang nakausap na ng asawa niya sa selpon ang kabit niyang si Mona nang minsan itong dalhin sa isang pribadong silid ng doktor.
Paglapit niya rito, isang malakas na sampal ang inabot niya.
“Tama lang sigurong makunan ako dahil hindi ka magiging mabuting ama at asawa! Kung nasa tabi rin kita kanina, hindi sana ako mapapahamak! Inuna mo pang pagtakpan ang kasalanan mo kaysa pag-ingatan kami ng anak mo!” sigaw nito sa kaniya na labis niyang ikinahiya at ikinaiyak.
Tuluyan na ngang nakipaghiwalay sa kaniya ang asawa niya. Sandamakmak na panghuhusga at galit mula sa kani-kanilang pamilya ang natanggap niya. Nagawa pa siyang tanggalan ng mana ng tatay niya dahil sa kalokohan niyang ito.
“Nagsisisi na po ako, patawarin Niyo na ako!” iyak niya sa Panginoon, isang araw nang wala na siyang mauwiang bahay.