Inday TrendingInday Trending
Iniligaw ng Lalaking Ito ang Tatlo Niyang Alagang Aso, Labis Niya Itong Pinanghinayangan sa Dulo

Iniligaw ng Lalaking Ito ang Tatlo Niyang Alagang Aso, Labis Niya Itong Pinanghinayangan sa Dulo

“Andy, ang lalaki na ng mga aso mo, ha? Saan mo sila dadalhin ngayon? Ilalakad-lakad mo ba sila sa kalsada?” bati ni Melo sa kaniyang kumpare, isang umaga nang makita niya itong inilalabas sa bakuran ng restawran ang tatlong malalaki at malulusog na aso.

“Hindi lang basta ilalakad! Ililigaw ko na ‘tong mga ‘to! Tingnan mo ang ginawa sa motor ko, nginatngat ang upuan! Bagong bili ko lang ‘yan kahapon, eh! Tapos kahapon naman, ‘yong lupa riyan sa bakuran, binungkal! Sinong matutuwa sa mga asong ‘to?” inis na inis na sagot ni Andy habang sapilitang inilalabas ang mga asong nag-iiyakan.

“Itali mo na lang, Andy, kaysa naman iligaw mo. Nakakaawa naman ‘yang mga aso mo. Parang ‘yan nga ang swerte mo, ‘di ba? Simula nang inalagaan mo ‘yan, biglang sumikat ang negosyo mo,” payo ng kumpare niyang ito na ikinapintig ng tainga niya.

“Sumikat ang negosyo ko dahil nagsumikap ako, hindi dahil sa mga walang kwentang asong ‘yan! Kaya siguro hindi ka umaasenso dahil naniniwala ka sa swerte!” sigaw niya rito habang dinuduro-duro ito dahilan para magulat ito.

“Grabe ka naman, pare. Namemersonal ka na, ha?” kalmado’t patawa-tawa nitong wika, tila hindi ito makapaniwala sa inasal niya.

“Kalalaki mo kasing tao, pakialamero ka!” bulyaw niya pa rito kaya agad na rin siya nitong iniwan upang makaiwas sa gulo.

Nitong mga nakaraang araw, palagi nang nag-iinit ang ulo ng lalaking si Andy sa kaniyang mga alagang aso na bantay sa bakuran ng kaniyang restawran.

Kasing edad ng restawrang ito ang kaniyang tatlong aso na ngayo’y limang taong gulang na at nagsisilakihan na. Marami sa kaniyang mga kustomer ang tuwang-tuwa sa mga asong ito dahil bukod sa mababait at hindi nangangagat, malambing pa ito sa lahat.

Sa katunayan, tila ang mga asong ito nga ang naging swerte ng kaniyang restawran lalo pa nang sumikat ang mga ito sa social media nang may matuwa ritong kustomer at ibinahagi ang larawan ng mga ito.

Doon nagsimulang makilala ang restawran niya dahil halos lahat ng mga nakakita ng mga nakakahumaling na larawan ng mga asong ito, nais makita ng personal ang mga ito at makapagpalitrato.

Kaya lang, ngayong pinaliit niya ang galawan at tila nakakalimutan na niyang pakainin ang mga ito dahil sa kaniyang negosyo, bigla namang nagbungkal at nagngatngat ng kung anu-ano roon ang mga asong ito na labis niyang ikinainis.

Nang araw na ‘yon, agad nga siyang nagdesisyong iligaw ang mga ito. Sinakay niya ito sa delivery truck ng kaniyang restawran at iniwan sa isang liblib na lugar na malayo sa kaniyang restawran.

Pagkauwi niyang muli, agad na siyang nagsimulang mag-ayos sa kaniyang restawran kasama ang kaniyang mga empleyado. Nagsimula nang magsidatingan ang kaniyang mga kustomer nang buksan na niya ito at agad na hinahanap ng mga ito ay ang kaniyang mga aso.

“Ah, eh, pinamigay ko na muna, nagsisira na kasi ng kung anu-anong gamit dito sa restawran,” pagpapalusot niya na labis na ikinapanghinayang ng mga ito.

Simula noon, tila tumumal ang dating ng mga kustomer sa kaniyang restawran na kaniyang ikinadismaya dahilan para hanapin niyang muli ang mga asong iyon.

“Kung hindi lang talaga kayo hinahanap ng mga kustomer ko, hindi ko na kayo hahanaping mga perwisyo kayo!” inis niyang wika habang nagmamaneho siya papunta sa lugar kung saan niya ito iniwan.

Kaya lang, bago pa siya makarating doon, napansin niyang may mga taong nagkakagulo sa isang bagong bukas na tindahan ng mga damit dahilan para makiusisa siya rito at ganoon na lang siya nabigla nang makitang nandoon ang kaniyang tatlong aso at ang kumpare niyang si Melo ang may-ari ng tindahang iyon.

Nag-init ang ulo niya dahil dito dahilan para agad niyang kuhanin ang mga alaga niyang aso at siya’y makagawa ng gulo roon.

“Kinukuha ko lang ang mga alaga ko!” sigaw niya sa kumpare nang siya’y pigilan nito.

“Mga alaga mo? Hindi ba’t niligaw mo na ang mga ‘yan? Kitang-kita ka sa CCTV ng bahay namin! Wala kang kwentang amo!” bulyaw sa kaniya ng isang kustomer doon.

“Oo nga! Tapos ngayong umaangat ang kumpare mo dahil sa mga asong niligaw mo, bigla mong kukuhanin? Anong klaseng tao ka?” segunda pa ng isa dahilan para siya’y tuluyang mapahiya sa harap ng mga ito.

Inaangilan na rin siya ng mga asong iyon kaya naman kahit gustong-gusto niyang bawiin ang mga ito, wala siyang magawa kung hindi hayaan na lang ang mga ito sa puder ng kumpare niya.

Doon na unti-unting bumagsak ang negosyo niya. Labis niyang napagtantong maaaring dahil sa sipag at tiyaga niya kaya umangat ang negosyo niya noon pero malaki rin ang naging parte ng mga malalambing niyang aso sa pagsikat ng negosyo niyang ito na labis niyang ikinapanghinayang.

“Bakit ngayon ko lang naiiisip ang mga ito?” pagsisi niya habang pinagmamasdan ang araw-araw na pagdagsa ng tao sa tindahan ng kaniyang kumpare. Ngunit gaya nga ng kasabihan, nasa dulo ang pagsisisi.

Advertisement