Naglayas sa Kanilang Bahay ang Misis na Ito dahil sa Narinig mula sa Asawa, May Kwento Naman Pala sa Likod Nito
“Heicel, baka gusto mo nang umuwi sa inyo, matutulog na kami ng asawa’t mga anak ko!” sambit ni Verlyn sa kaniyang kapatid, isang madaling araw pagkatapos nilang mag-inom.
“Edi matulog na kayo, ate, rito muna ako,” sagot ni Heicel saka agad na nahiga sa sofa na inuupuan.
“Ano bang problema mo, ha? Kanina, pinipilit mo akong mag-inom, pinagbigyan kita, tapos ngayon naman parang ayaw mong umuwi sa bahay niyo. May pinag-awayan ba kayo ng asawa mo?” pang-uusisa pa nito.
“Narinig ko kasi ‘yong usapan nila ng kaibigan niya. Sabi niya, hindi naman daw talaga siya sigurado sa akin,” kwento niya habang nangingilid na ang mga luha sa kaniyang mga mata, “Ang akin lang, ate, kung hindi pala siya sigurado sa akin, sana, hindi niya ako pinakasalan! Para saan pa ang pagpapakasal namin kung hindi niya naman pala talaga ako mahal?” wika niya pa.
“Diyos ko, sinabi niya ‘yan? Alam niyang narinig mo?” tanong pa nito.
“Oo, ate, binato ko siya ng hawak kong kutsara, eh, nang marinig ko,” tugon niya habang patuloy na naiyak.
“Hindi siya nagpaliwanag?” pang-uusisa pa nito.
“Magpapaliwanag pa lang sana siya kaso bigla na akong umalis,” sabi niya pa.
“Naku, dapat pinagpaliwanag mo muna saka ka nagdrama rito! Malay mo, may dahilan pala kaya niya nasabi ‘yon,” sambit nito na ikinainis niya.
“Kinakampihan mo pa siya, ate, eh! Matulog ka nga roon! Dito muna ako sa sala niyo!” sigaw niya rito saka humagulgol dahilan para mapailing ito at siya’y yakapin.
Bagong kasal ang babaeng si Heicel sa binatang isang taon niya pa lang na karelasyon. Kahit na maikling panahon pa lang silang magkakilala, ramdam na ramdam na niyang ito na ang lalaking matagal na niyang hinihintay kaya’t nang siya’y alukin nito ng kasal, agad siyang pumayag.
At ilang buwan lang ang lumipas, tuluyan na nga silang ikinasal na labis niyang ikinasaya. Wika niya pa, “Ang sarap pala talaga sa pakiramdam na ikasal ka sa taong mahal mo at mahal ka,” saka niya niyakap nang mahigpit sa harap ng kani-kanilang pamilya ang naturang lalaki.
Pagkatapos ng pagdiriwang na iyon, agad na silang naghanap ng bahay ng naturang lalaki at dahil nga parehas naman silang may trabaho at ipon, mabilis silang nakakuha ng isang hulugang bahay na talaga nga namang naging simula ng masaya nilang pagsasama.
Kaya lang, nang araw na ‘yon, hindi niya sadyang marinig ang usapan nito pati ng kaibigan nito na labis niyang ikinagalit dahilan para layasan niya ito at magpunta sa bahay ng kapatid niyang alam niyang maiintindihan siya.
Habang yakap-yakap siya ng kapatid noong pagkakataong iyon, bigla silang napatigil nang may biglang pumindot sa door bell ng bahay ng kaniyang kapatid.
“Pustahan tayo, ang asawa mo ‘yan?” nakangiti wika nito sa kaniya dahilan para umirap siya.
Mayamaya pa, tuluyan na nga siyang nilapitan ng kaniyang asawa. Agad nitong pinunasan ang mga mata niya at sinabing, “Uwi na tayo, mahal?” na agad niyang tinanggihan.
“Hindi ba’t hindi ka naman talaga sigurado sa akin? Bakit mo ako yayayaing umuwi?” pagtataray niya rito.
“Mahal, hindi naman talaga ako sigurado sa’yo noong una dahil kakakilala ko pa lang sa’yo. Pero Diyos ang nagsabi sa akin na pakasalan ka, at iyon ang pinakatamang desisyong ginawa ko dahil sobrang saya ng puso ko simula nang pakasalan kita. Kahit wala kang ginagawa sa tabi ko, ang saya saya ko na at iyon ang tunay na kwento sa likod ng mga narinig mo. Masaya lang akong ikwento ang pagmamahalan natin sa kaibigan ko,” paliwanag nito na talaga nga namang ikinagulat niya.
“Totoo ba ‘yan?” paninigurado niya pa.
“Oo naman, mahal!” nakangiting wika nito dahilan para agad niya itong yakapin.
Napangiti rin sa pangyayaring ito ang kaniyang kapatid at sila’y pinarangalan nito.
“Sa tagal ng pagsasama namin ng asawa ko, ang tanging paraan para maiwasan namin ang mga pagtatalo ay ang pakikinig. Kung papakinggan niyo ang isa’t-isa, malabong hindi kayo magkaintindihan,” sambit nito na talagang nagpaluwag pa lalo ng dibdib niya.
Simula noon, kahit na may mga pagtatalo sila ng naturang lalaki, palagi niyang pinipiling makinig dito at ganoon din ang ginagawa nito sa kaniya na talaga nga namang nagresulta ng maganda sa kanilang pagsasama.
“Kung hindi siguro ako nakinig sa’yo noong pagkakataon na iyon, siguro ngayon, hiwalay na tayo at nasayang lang natin ang bisa ng kasal natin,” sambit niya sa asawa, niyakap lang siya nito at sinabing, “Kaya nga pangako ko sa’yo, makikinig ako sa’yo hanggang sa pagtanda nating dalawa,” na talaga nga namang ikinakilig niya.