Buong Akala ng Misis ay Ibibigay sa Kaniya ng Mister ang Mamahaling Kuwintas na Nakita Niya sa Bag Nito Bilang Sorpresa; Bakit Wala Naman Siyang Natanggap?
Nanlaki ang mga mata ni Eloisa nang hindi sinasadyang makita niya sa bulsa ng bag ng kaniyang mister ang isang kahita, na naglalaman ng isang kuwintas na may nakadibuhong puso. Batay sa kaniyang pagsusuri, ito ay kombinasyong ginto at diyamante kaya mamahalin.
“Matagal pa naman ang anibersaryo namin, bakit niya ako reregaluhan? Malayo pa rin ang kaarawan ko, sa susunod na buwan pa,” nausal na lamang ni Eloisa sa kaniyang sarili.
Takang-taka si Eloisa. Kaya naman, may kakaiba siyang pagkasabik na naramdaman. Siguro, sosorpresahin siya nito. At ayaw naman niyang masira ang sorpresa nito sa kaniya. Kaya naman, hindi na lamang niya tatanungin ang mister tungkol dito. Naisip niya, baka ibibigay sa kaniya sa kaniyang kaarawan sa susunod na buwan.
“Mahal, anong balak mo sa bertday ko? Anong mga handa natin?” minsan ay naitanong ni Eloisa sa kaniyang mister, habang sila ay kumakain ng hapunan. Sinusubuan ni Eloisa ang kanilang anak na lalaki.
“Simpleng handaan na lang Mahal, magluto ka na lang ng espesyal na putahe, o kaya magpadeliver na lang tayo. Medyo kapos tayo sa budget e,” saad na lamang ng kaniyang mister na si Abe.
Naisip ni Eloisa, baka kaya nagtitipid ang kaniyang mister ay dahil sa binili nitong regalo para sa kaniya. Nasasabik na siyang maisuot sa kaniyang leeg ang kuwintas.
May kung ilang araw ding nag-isip nang iba’t ibang porma si Eloisa sa oras na maibigay na sa kaniya ni Abe ang mamahaling kuwintas. Tinitingnan niya kung sa aling mga damit niya ito babagay.
Agad niyang ikinuwento sa kaniyang amigang si Rachelle ang tungkol sa kaniyang natuklasan.
“Sweet naman ng asawa mo, mare! Buti ka pa. Naku ang asawa kong si Jojit, ni pulseras na nabibili lang sa bangketa eh hindi ako mabilhan,” naiinggit na pagbati ni Rachelle sa kaniyang kaibigan.
“Kuripot si Abe pero nakakatuwa na may mga ganito siyang sorpresa sa akin. Nakakatuwa lang na ang sweet-sweet niya!” kinikilig-kilig pang bulalas ni Eloisa.
“Naku buti ka pa, mare. Ang asawa ko, hay naku talaga… palit na nga lang tayo ng asawa!” pabirong sabi ni Rachelle sa kaniyang kaibigan.
“Hoy Rachelle, hindi ko ipagpapalit ang asawa ko. Kahit na minsan ay may pagkakuripot at naghihilik sa gabi, mahal na mahal ko iyon,” sagot naman ni Eloisa.
“Pero paano pala kung sabihin natin na may ibang babae pala ang asawa mo at hindi sa iyo ibinigay yung kuwintas na sinasabi mo? Ganyang-ganyan sa mga teleserye, hindi ba?”
Napapitlag si Eloisa sa mga sinabi ng kaibigan.
“Ikaw talaga, kakapanood mo ng mga teleserye eh ganyan ang mga sinasabi mo. Hindi iyan! Mahal na mahal ako ng mister ko at nararamdaman ko iyan. Alam kong hindi niya ako sasaktan.”
Subalit nag-iba na ang ihip ng hangin nang sumapit na ang kaarawan ni Eloisa. Hinihintay-hintay niya ang kuwintas na inakala niyang ibibigay sa kaniya ng mister bilang regalo nito. Subalit natapos ang araw na wala itong ibinigay sa kaniya, maliban na lamang sa kanilang munting salusalo.
Nagsanga-sanga na ang mga tanong na umiikot-ikot sa kaniyang ulo. Malaking tanong niya: para kanino kung gayon ang naturang kuwintas? Para ba talaga sa kaniya, o baka naman para sa iba? Napaiyak na lamang siya sa isiping baka may ibang babaeng pagbibigyan nito.
Simula noon ay naging ilag na si Eloisa kay Abe. Naging malamig ang pakikitungo niya rito. Bagay na napansin naman ng mister.
“Anong problema, Eloisa? May nagawa ba akong mali sa iyo?” minsan ay kompronta na ni Abe sa kaniyang misis.
Hindi na napigil ni Eloisa ang kaniyang emosyon.
“Tutal, tinanong mo na rin ako, sige sasagutin ko na. Nakita ko noong nakaraang buwan na may kahita ka sa loob ng bulsa ng bag mo. Pagtingin ko sa loob ng kahita, may laman itong kuwintas na may disenyo ng ginto at diyamante. Buong akala ko, sa akin mo ibibigay, pero lumipas ang bertdey ko na wala kang iniabot sa akin,” lumuluhang paliwanag ni Eloisa sa kaniyang mister.
Hindi naman nakaimik si Abe.
“Kaya ngayon umamin ka… kaninong babae mo ibinigay ang kuwintas na iyon, Abe?”
Natatawa naman na nagpaliwanag si Abe.
“Naku, naalala ko na. Mahal, wala akong babae o wala akong kabit. Sa kasamahan ko iyon. Isinanla niya sa akin dahil kailangang-kailangan niya ng pera. Ipakita ko pa sa iyo ang chat namin,” at inilabas na nga ni Abe ang kaniyang cellphone. Ipinabasa niya kay Eloisa ang palitan nila ng mensahe ng kaniyang kasamahan.
“Ano ba yan… nakakahiya! Patawarin mo ako mahal kung napagsalitaan kita at naisip ko na baka nagtataksil ka na sa akin. Hiyang-hiya ako sa iyo. Akala ko talaga, sorpresa mo sa akin iyon,” naiiyak na paliwanag ni Eloisa.
“Pero may sorpresa talaga ako sa iyo, Mahal. Ayoko naman sanang sabihin sa iyo dahil hindi ko pa tapos bayaran, pero dahil nagtampo ka sa akin, halika at puntahan natin.”
Hindi makapaniwala si Eloisa sa mas malaki at mas mahal na sorpresa para sa kaniya ni Abe. Isang malaking bahay pala ang ipinapatayo nito sa isa sa mga lote na nabili nila! Kasalukuyan lamang kasi silang nangungupahan, at kapag natapos iyon, agad na nila itong lilipatan.
Nasabi sa sarili ni Eloisa na wala talagang magandang maidudulot ang pagseselos nang wala sa lugar.