Pinangarap ng Lola na Makabili ng Kahit Maliit na Ordinaryong Telebisyon; Nang Makaipon na Siya ay Wala na Raw Ganoon sa Kaniyang Tindahang Pagbibilhan
Hindi malilimutan ni Nana Rosa ang unang beses na makakita siya ng telebisyon. Hangang-hanga siya sa kanilang kapitbahay sa Baryo Masipit, na siyang kauna-unahang pamilya na nagkaroon ng telebisyon sa kanilang baryo.
Napakahirap ng buhay sa naturang baryo, karamihan sa kanila ay pagsasaka ang ikinabubuhay. Walang panahon ang mga tao upang manood ng mga palabas sa telebisyon, at wala rin naman kasing pambili nito.
At dahil ang kanilang kapitbahay lamang ang may telebisyon sa kanilang baryo, pinayagan nito ang ilan pang mga kapitbahay na makinood sa kanila, basta’t magbabayad sila ng piso sa bawat minutong manonood sila. Kaya kung ang paborito mong drama ay isang oras, maghanda ka ng 60 piso.
Minsan, pinagtatabuyan pa nila ang kanilang mga kalugar na nakikinood sa kanila, subalit wala namang pambayad.
“Hindi naman makatarungan iyon. Kaya nga kami nagpapabayad para kami kumita. Kung wala kang pambayad, huwag kang makinood,” pabalang na sabi ng kapitbahay na iyon. Narinig iyon ni Nana Rosa na mag-isa lamang sa buhay.
Itinaga niya sa bato na kahit gustong-gusto niyang makinood, hinding-hindi niya gagawin. Sa halip na magbayad ng piso sa bawat minutong panonood, naisip na lamang ni Nana Rosa na ipunin na lamang ito at bumili sa bayan ng sariling telebisyon.
Ngunit nanlaki ang mga mata ni Nana Rosa nang malaman ang presyo ng isang maliit na analog na telebisyon. Ito ang uri ng telebisyon na may antena pa at may picture tube pa sa likuran.
“2,000 piso po iyan, nanay,” sagot sa kaniya ng tindera.
“Naku, masyado namang mahal Ineng,” saad ni Nana Rosa.
“Mura na po iyan. Sadsad na sadsad na nga ho ang presyo. Hindi na po kasi uso ang mga ganyang TV. LED at LCD TV na po ang uso ngayon,” paliwanag ng tindera.
“Ano ba iyon?” takang tanong ni Nana Rosa.
Itinuro ng tindera ang isang maliit na uri nito. “Ang isa pong iyan na maliit ay 12,000 piso po.”
“Susmaryosep, ang mahal naman pala! Ayos na sa akin ang makalumang bersyon. Sige pag-iipunan ko ang 2,000 piso na iyan. Sana huwag muna ninyong ibenta,” pakiusap ni Nana Rosa. Hindi niya alam kung narinig o pinakinggan pa siya ng tindera dahil may mga dumating nang mga customers na kailangan niyang i-asiste.
Kaya naman lalong nagsikap sa kaniyang pagsasaka si Nana Rosa. Nais niya talagang makabili ng sariling telebisyon para naman may mapaglibangan siya. Bagot na bagot na siya sa bahay. Bagot na bagot na siya sa buhay.
Nang makaipon siya ng 2,000 piso matapos ang ilang buwan, agad na siyang nagtungo sa bilihan ng telebisyon. Subalit laking-gulat siya nang malaman niyang wala na pala ang mga analog na telebisyon na nais niyang bilhin.
“Nasaan na ang mga telebisyon na ordinaryo lang, ineng?” tanong ni Nana Rosa sa tindera.
“Ay naku Ma’am, paumanhin po, na-phase out na po kasi ang mga iyon, hindi na po nabibili. Hindi na po kasi uso,” sagot ng tindera.
Para namang pinagbagsakan ng langit at lupa ang pakiramdam ni Nana Rosa. Pinag-ipunan pa man din niya ang pagbili ng ordinaryong telebisyon, para naman kahit paano ay may mapaglibangan siya.
“Magkano nga ulit iyong pinakamura doon sa mas makabagong telebisyon?” tanong ni Nana Rosa sa tindera.
“Mga nasa 12,000 piso po iyan. Kakayanin po ba ninyo?”
Hindi na nakasagot pa si Nana Rosa. Nagbago na ang kaniyang desisyon. Hindi na lamang siya bibili ng kaniyang telebisyon. Wala siyang ganoong pera, at para sa kaniya, masyado nang mahal at maluho iyon.
“Miss, ibigay mo na kay Nanang iyong pinakamalaking LCD TV.”
Parehong napalingon naman sina Nana Rosa at ang tindera sa nagsalitang lalaki mula sa kanilang likuran.
“Ako na pong bahala, ‘Nang. Huwag na po ninyong intindihin ang gagastusin. Natuwa lang po ako sa inyo,” nakangiting saad ng ‘di na nagpakilalang lalaki.
“Maraming-maraming salamat iho, napakabuti ng puso mo. Pagpalain ka ng Panginoon,” pasasalamat ni Nana Rosa sa estrangherong lalaki.
Mangiyak-ngiyak si Nana Rosa nang matanggap ang telebisyon na inaasam-asam niya. Hindi siya makapaniwala na may isang estranghero na tutulong sa kaniya upang maabot ang kaniyang munting kagustuhang magkaroon ng telebisyon.
Kaya naman, sikat na sikat si Nana Rosa sa kanilang lugar, dahil mas maganda ang TV niya kaysa sa kaniyang kapitbahay. Masayang-masaya siya at nalilibang sa kaniyang panonood matapos ang kaniyang maghapong paggawa sa bukid.
At ang kinaiba niya, pinapayagan niyang makinood ang iba niyang mga kapitbahay nang libre. Iyon ang naging paraan niya upang ibalik ang kabutihang natamo niya mula sa iba.