Inday TrendingInday Trending
Ilang Buwan na Lamang at Sentenaryo na ang Lolang Ito; Bakit Kaya Nagkukumahog ang mga Apo Niya sa Tuhod na Madalaw Siya?

Ilang Buwan na Lamang at Sentenaryo na ang Lolang Ito; Bakit Kaya Nagkukumahog ang mga Apo Niya sa Tuhod na Madalaw Siya?

“Kung hindi lang dahil sa pera, hinding-hindi na ako babalik sa probinsyang ito.”

Bagot na bagot na nakatanaw sa mga nararaanang mga pananim sa bukid si Cleo habang kausap niya ang nagmamanehong mister na si Dan. Dadalawin nila ang lola sa tuhod ni Cleo na si Lola Salome, 99 na taong gulang, at naninirahang mag-isa sa gitna ng bukirin sa kanilang lalawigan sa Pampanga.

Kailangan niyang makipag-unahan sa pagpapalapad-papel sa kanilang lola, dahil ilang buwan na lamang at sentenaryo na ito. May batas sa Pilipinas na kapag ang isang tao ay umabot sa 100 taong gulang, makatatanggap ito ng 100,000 piso.

Gusto ni Cleo na makuha ang loob ng lola, na matagal na niyang hindi nadadalaw, upang siya ang gawing caretaker o tagatanggap ng 100,000 piso nito.

“Sa palagay mo ba, pupunta rin doon ang mga pinsan mo?” tanong ni Dan.

“Sigurado ‘yan. Pare-pareho naman kaming nakaabang sa pera ni Lola Salome. Kaya kailangan naming kunin ang loob niya nang sa gayon, isa lamang sa amin ang makakatanggap ng perang iyon. Kailangang may humawak ng pera ni Lola Salome. Hindi maluho ang lola. Kita mo naman, ayaw pumayag na makituloy sa isa sa mga apo niya sa tuhod.”

“Paano mo naman kukumbinsihin ang lola mo na makuha ang basbas na ikaw ang maging caretaker niya, at ikaw ang magke-claim ng kaniyang libong piso?”

“Madali na lang iyan. Balak ko, doon muna sa bahay niya makituloy. Gusto kong makipamuhay sa kaniya, para makita niyang sinsero ako sa pagnanais ko na maalagaan siya. Kaya ikaw, suportahan mo ako. Makikinabang ka rin dito kapag pinayagan mo akong doon muna sa poder niya. Ipakikita ko sa kaniya na ako ang pinakamabait at mapagmalasakit niyang apo sa tuhod,” paliwanag ni Cleo.

Naputol ang kanilang pag-uusap nang biglang tumunog ang cellphone ni Cleo. Tumatawag ang isa niyang pinsan sa tuhod na si Alexa sa kanilang group chat. Group call sila ng kaniyang iba pang mga pinsan sa tuhod na pareho rin niyang may pakay sa pera ni Lola Salome.

“Malapit na ang bertdey ni Lola Salome kaya sana magkaroon tayo ng isang magarbong party. Ano sa palagay ninyo?” tanong ni Alexa.

Agad namang sumagot si Lyra, ang isa pa nilang pinsan. “Hindi ako sure kung magugustuhan iyan ng lola natin. Alam naman ninyo, ayaw niya ng mga ganyan. Papunta nga kami ngayon sa kanila eh para dalawin siya.”

“Teka, papunta rin kami sa kanila,” singit naman ni Cleo.

At ang iba pa nilang mga pinsan at kaanak ay papunta na rin sa bahay ni Lola Salome.

“Walanghiya, lahat pala sila papunta rin doon. Alam kong pare-pareho lang din kami ng pakay, ang makapaglangis kay Lola Salome. Puwes, hinding-hindi ako papayag na sila ang manalo! Marami na akong plano para sa pera ni Lola Salome,” nagngingitngit na bulalas ni Cleo sa asawa, pagkatapos ng kanilang ‘plastikan’ ng mga pinsan sa tuhod.

“Naku, kailangang tayo ang piliin ng lola mo. Sayang naman ang ipinunta natin kung hindi tayo ang pipiliin niyang maging caretaker. Isip ka nang paraan kung paano mo siya makukumbinsi. Tiyak na nag-iisip na rin ng mga malalaking gimik ang mga pinsan mo.”

Makalipas ang ilang oras, dumating na rin sila sa lumang bahay ni Lola Salome. Nagulat siya nang makita ang napakaraming kotse sa malawak na bakuran. Nagsidatingan na pala ang kaniyang mga pinsan.

Subalit ang mas ikinagulat niya, pagpasok niya sa loob ay nag-iiyakan ang mga ito. Wala na pala si Lola Salome. Ayon sa nakausap nilang kapitbahay, hindi na raw ito nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog.

Para namang nanlumo si Cleo at ang kaniyang mga pinsan sa balitang ito. Wala na. Gumuho na ang kanilang pakay. Dahil nasawi sa gulang na 99 taong gulang, hindi na makatatanggap si Lola Salome ng 100,000 piso.

Lumipad na sa hangin ang kanilang minimithing pera.

At ang nakakalungkot dito, kung kani-kanina lang ay nag-uunahan sila sa pagkuha ng loob dito, ngayon naman ay nagtuturuan sila kung sino ba ang mag-aasikaso sa burol at libing nito.

Dahil wala sa kaniyang mga pinsan ang nagnais na mag-asikaso rito, si Cleo na lamang at ang kaniyang mister ang nag-asikaso sa burol at libing nito.

Nakonsensya siya at napagtanto niya ang kaniyang kamalian, na kaya siguro hindi na inadya pa ng Diyos na mabuhay pa nang matagal ang kaniyang lola ay dahil sa sakim nilang interes dito.

Advertisement