Inday TrendingInday Trending
Nais ni Mister na Magpakasal ang Misis na OFW sa Amo Nito; Handa Nga Ba Itong Kalimutan ang Mister Para sa Oportunidad na Iyon?

Nais ni Mister na Magpakasal ang Misis na OFW sa Amo Nito; Handa Nga Ba Itong Kalimutan ang Mister Para sa Oportunidad na Iyon?

Hindi kinaya ni Emma, 43 taong gulang, at isang Overseas Filipino Worker sa Hongkong, ang mungkahi ng kaniyang mister na si Rudy, na noon ay nasa Pilipinas. Isinumbong niya kasi rito na para bang may gusto sa kaniya ang among lalaki, na isang mayamang negosyante, at diborsyado sa asawa, Isa itong Intsik. Nagtatrabaho siya bilang isang sekretarya.

“A-Anong sabi mo? Samantalahin ko ang pagkakataon? Sumakay ako sa gusto niya, ganoon ba?” pag-uulit ni Emma.

“Oo. Tama ka. Pinapayagan kita. Hayaan mo siyang mahulog sa iyo. Akitin mo siya. Pagkatapos, kapag haling na haling na siya sa iyo, alukin mo ng kasal. Kapag pinakasalan ka niya, may pagkakataon kang maging residente diyan.”

Hindi maunawaan ni Emma ang kaniyang mararamdaman. Hindi niya alam kung ikaiinis ba niya o ikatutuwa ang mungkahing iyon ng kaniyang mister.

“Kapag residente ka na diyan, hiwalayan mo na siya, at puwede mo na kaming maisama riyan. I-petisyon mo na kami. Kaunting tiis at sakripisyo lang Emma, mabibigyan natin ng magandang buhay ang mga anak natin dito sa Pilipinas.”

“Hindi ka ba kinikilabutan sa mga sinasabi mo, Rudy? Maaatim mo bang isipin na ang asawa mo, kapiling ng iba, katabi ng ibang matulog sa iisang kama, kas*ping? Pinamimigay mo na ba ako sa ibang lalaki?” naiiyak na sumbat ni Emma sa kaniyang mister.

“Hindi naman sa gayon, mahal. Mahal na mahal kita. Iyan lang ang tanging naiisip ko para samantalahin natin ang pagkakataon. Para sa mga bata. Para sa pamilya. Alam ko namang mahal na mahal mo ako, at asahan mo ring mahal na mahal kita. Gagawin lamang natin ito para sa kinabukasan ng ating pamilya.”

Hindi na kumibo pa si Emma. Masakit pa rin para sa kaniya ang sinabi ng kaniyang mister, ngunit sa praktikal na aspeto, maganda rin naman ang mungkahi nito. Ganoon ang ginagawa ng ilang mga babaeng OFW na nakikilala niya kapag nagsasama-sama sila sa Central kapag day off niya. Ang Central ay bahagi ng Hongkong kung saan nagsasama-sama at nagkakausap-usap ang mga OFW na gaya niya.

Dahil sa hinanakit sa sinabi ng kaniyang mister, at bilang bahagi na rin ng kaunting ‘paghihiganti’ rito, pumayag siya sa sinasabi nito. Hinayaan niya ang kaniyang amo na hipu-hipuan siya, hanggang sa magpahayag na ito ng interes sa kaniya. Nakipagharutan naman si Emma, gaya ng payo ng mister. Hanggang sa inalok na nga siya ng kasal, at pumayag naman siya.

“Talaga? Ikinasal na kayo? Magaling, Emma! Tama iyan. Pero sana huwag kayong magkaanak, baka maiwasan mo naman…” pakiusap ni Rudy sa asawa.

Sarkastiko namang napatawa si Emma.

“Sana naisip mo iyan nang ibigay mo itong payo na ito. S’yempre kapag kasal na, ibibigay mo ang sarili mo sa asawa mo. Buntis na ako ngayon sa kaniya, dalawang buwan na. Kaya rin niya ako pinakasalan dahil nais niya akong panagutan.”

Natahimik si Rudy. Tila nag-isip ito. Inaabangan naman ni Emma ang sasabihin nito.

“Basta ba lahat ng mga kinikita mo diyan, sa amin mapupunta. Sana naman hindi maapektuhan ang mga pinadadala mo rito sa amin. Saka, puwede bang pakidagdagan kasi mahal na ang mga bilihin dito sa Pilipinas…”

Labis na nasasaktan si Emma. Akala niya, magseselos si Rudy dahil sum*ping na siya sa iba. Akala niya, magsisisi si Rudy sa mungkahi nitong iyon dahil pagmamay-ari na siya ng iba. Akala lamang niya. Parang tuwang-tuwa pa ang mister, at heto nga’t ang iniisip pa ay ang dagdag na sustento.

Wala namang kaso sa kaniya kung para naman sa mga anak nila at gastusin sa bahay ang kapupuntahan. Ngunit hindi man lamang nito kinumusta ang kaniyang nararamdaman ng mga sandaling iyon, kung masaya ba siya sa pinasok niya? Masamang-masama ang loob ni Emma kay Rudy.

Habang dumaraan ang mga araw, nababaling na ang atensyon ni Emma sa kaniyang bagong asawang Intsik. Maalalahanin, maalaga, at malambing. Kaya naman, dahil sa galit at sama ng loob na nararamdaman kay Rudy, agad na nabaling ang atensyon niya rito. Pakiramdam niya ay nahuhulog na rin ang loob niya rito.

Ngunit pinipigilan niya ang kaniyang damdamin dahil hindi naman permanente ito. Hihiwalayan din niya ang asawang ito. Kailangan lamang niya ito upang maging residente ng Hongkong. Isang karaniwang estratehiya ng mga kagaya niyang naghahangad ng magandang buhay.

Kahit paano, nakararamdam siya ng konsensya ng pagtataksil para kay Rudy.

Subalit isang araw, tila sinabi sa kaniya ng tadhana na tama naman pala ang kaniyang desisyon dahil tumawag sa kaniya ang kapatid, at sinabing may binabahay na raw na ibang babae si Rudy, at sinasaktan daw nito ang mga anak nila. Kaya naman kinuha nila ang mga anak nito upang hindi na mapagmalupitan ng magaling na kabit ni Rudy.

Kaya pala ganoon na lamang ang pagpupumilit ni Rudy na magpakasal siya sa kaniyang amo, ay dahil sa mas pansarili nitong interes. Ngayon, masasabi niyang tama ang kaniyang desisyong pakasalan ang mister na Intsik, na mas nararamdaman niya ang pag-aalaga at pagmamahal.

“Ang lagay eh ikaw lang? Syempre ako rin…” ang tanging sagot ni Rudy nang komprontahin niya ito tungkol sa babae nito.

“Hayop ka! Ikaw ang nagpayong gawin ko ito, ‘di ba? Pero salamat na rin, dahil mali man ang naging paraan ko, nasa mas tamang tao na ako ngayon.”

Tuluyan na ngang hiniwalayan ni Emma si Rudy. Hindi na niya pinakialaman pa kung ano ang mga gagawin nito, o ipagpapatuloy ang relasyon sa kabit. Ang huling balita niya, dumaan daw ito sa matinding kalungkutan o depresyon.

Kinuha naman niya ang mga anak sa Hongkong at pinetisyon nang siya ay maging residente na roon.

Advertisement