Inday TrendingInday Trending
Sinabotahe ng Bell Boy ang Hotel na Pinagtatrabahuhan; Ano Kayang Karma ang Balik Nito sa Kaniya?

Sinabotahe ng Bell Boy ang Hotel na Pinagtatrabahuhan; Ano Kayang Karma ang Balik Nito sa Kaniya?

Pabalagbag na inihagis ni Rommel ang kaniyang bag sa kaniyang kama nang makauwi na siya mula sa trabaho. Isa siyang bell boy sa isang sikat na five-star hotel. Hindi kasi napagbigyan ang hinihiling niyang pakikipagpalit ng shift dahil kinakailangan lamang niyang tutukan ang pagre-rebyu para sa nalalapit na pinal na pagsusulit sa kanilang pamantasan.

Bukod kasi sa pagtatrabaho at pagiging breadwinner ng pamilya ay nag-aaral din sa kolehiyo si Rommel sa kursong Computer Science. Pinagsasabay niya ang pagtatrabaho at pag-aaral, at minsan ay hindi na niya kinakaya ang labis na pagod.

Subalit hindi siya pinagbigyan ng kaniyang manager. Kung gaano kasikat at kaganda ang five-star hotel pagdating sa mahusay na customer service ay ikinapangit naman nito pagdating sa pagtrato sa mga empleyado.

Kung tutuusin, isa si Rommel sa mga masisipag na bell boy sa naturang hotel. Ginagawa niya nang maayos ang kaniyang tungkulin. Kaya naman maraming natutuwa sa kaniyang mga customers kaya malaki ang tip na ibinibigay sa kaniya. Bagay na hindi naman nalilingid sa kaalaman ng manager, kaya pinagsasabihan din siya nito na huwag masyadong sipsip sa mga customers.

Makokontrol ba niya ang pagbibigay ng tip ng mga ito? Syempre kukunin niya dahil nag-aaral nga siya, at kailangan niya ng pera para maipantustos sa kaniyang mga pangangailangan sa bahay at paaralan.

Hindi na lamang siya kumikibo kapag ganoon.

Isang araw ay nakasagutan ni Rommel ang kanilang manager dahil nahuli siya nitong nakaidlip sa isang sulok ng hotel. Na totoo naman at hindi naman niya pabubulaanan dahil pagod na pagod talaga siya dahil sa pagbabasa at pag-aaral ng kanilang mga aralin sa paaralan, gayundin ang kaniyang pagtatrabaho.

“Kung ako ang tatanungin, dapat hindi na kumukuha ang management ng mga gaya mong hati ang atensyon sa buhay. Mamili ka: mag-aaral o magtatrabaho!” bulyaw sa kaniya ng masungit na manager sa harapan ng kaniyang kasamahan.

“Sir, inaamin ko naman po ang pagkakamali ko pero sana po huwag naman po ninyo akong sigawan,” mahinahong katwiran ni Rommel sa manager.

“Hoy, wala kang karapatang pagsabihan ako nang ganyan ha. Manager ako rito, boss mo ako rito, at alikabok ka lang dito!”

Labis na pagtitimpi ang ginawa ni Rommel. Isang desisyon ang ginawa niya. Magbibitiw na siya at hahanap na lamang siya ng ibang trabaho, kaysa sa araw-araw naman na ganito kaaskad ang kaniyang makakaharap na boss, na maliit ang tingin sa kanilang mga bell boy.

Magulong-magulo ang isipan niya. Wala na siyang balak na magbigay ng resignation letter. Hindi na lamang siya papasok kinabukasan. Kaya naman, naisip niya, lintik lang ang walang ganti. Kailangang masira niya ang reputasyon ng manager. Napangiti na lamang si Rommel sa kaniyang naisip.

Kinabukasan, laman ng balita ang hotel na iyon. Isang customer na kumain sa kanilang restawran ang nagrereklamo dahil nakakuha ito ng gamit na medyas sa kare-kareng kinakain nito! Talaga namang nag-trending pa sa social media ang insidenteng ito. Sirang-sira kaagad ang reputasyon ng hotel. Para na niyang nakikini-kinita ang reaksyon ng kaniyang manager. Tiyak na nakaganti na siya rito dahil nagnanais itong maiangat pa sa ibang posisyon.

“Buti nga sa iyo, siraulo ka ha. Lintik lang ang walang ganti!” nakangiting usal ni Rommel sa kaniyang sarili. Masayang-masaya siya sa kaniyang ginawang pananabotahe. Sa wakas ay napatumba rin niya ang reputasyon ng hotel na akala mo ay ubod-linis ngunit hindi naman maganda ang pagtrato sa kanilang mga karaniwang empleyado.

Ngunit dahil sa mga nangyari ay unti-unting nawalan ng customers ang five-star hotel, dahil nagsulputan ang mga customers na nakaranas din pala ng hindi magandang karanasan sa kanilang serbisyo, mga ‘untold stories’ na sinamantala ang pagkakataon upang masiwalat ang mga hinaing nila dati.

Naapektuhan nito ang kita ng hotel na naging dahilan upang matanggalan ng trabaho ang ilan sa kaniyang mga kasamahan at malalapit na kaibigan.

Ipinatawag din ng pamunuan ng hotel si Rommel dahil siya ang suspek sa mga nangyari, lalo na’t kitang-kita sa CCTV ng kusina ng restaurant ng hotel na pumasok siya rito kahit hindi naman siya awtorisadong pumasok dito, bagama’t hindi naman nakita ang aktuwal na paglalagay ng medyas sa kalderong kinalalagyan ng kare-kare.

Dahil nakonsensya, inamin ni Rommel ang kaniyang ginawa, at ipinaliwanag niya kung bakit niya nagawa ang bagay na iyon. Sinabi niya ang kaniyang mga hinanakit laban sa manager gayundin sa pamunuan ng hotel.

Kakasuhan sana siya ng hotel ngunit matapos nilang marinig ang mga hinaing ni Rommel laban sa dating manager, gayundin ang mga empleyadong balak nilang tanggalin sa trabaho, ay pinalampas na lamang nila ang isyung ito. Ito ay isang aral na para sa kanila.

Samantala, naging aral din kay Rommel ang kaniyang ginawa dahil marami siyang nadamay. Napagtanto niyang hindi dapat padalos-dalos sa mga iniisip at ginagawa dahil maaari nitong maapektuhan ang ibang inosenteng tao.

Advertisement