Nakakuha ng Perlas ang Lalaki Kaya Biglang Nagsulputan ang mga Kamag-Anak Niya; Sa Bandang Huli ay Hindi rin Nakinabang ang mga Ito
Naninirahan sa isang maliit na isla ang mag-asawang Emilio at Lucinda. Ang pangunahing pinagkukunan nila ng ikabubuhay ay ang pangingisda sa dagat. Masasabing mahirap at simple lang ang buhay nila roon ngunit masaya naman sila kasama ang dalawa nilang anak.
Isang araw, maagang nagising si Lucinda para mamili sa palengke. Ipaghahanda niya ng kahit kaunting pagkain at bibilhan ng mumurahing regalo ang asawang si Emilio dahil kaarawan nito.
“Birthday ni Emilio ngayon kaya magluluto ako ng paborito niyang ulam at titingin ako ng mumurahing T-shirt para iregalo ko sa aking mahal,” bulong ng babae sa sarili.
Sa espesyal na araw ni Emilio ay simple lang ang pagselebra nilang mag-anak.
“Happy birthday, mahal ko! Hetong regalo ko sa iyo… hindi ko na ipinabalot dahil sayang din ang perang pambili ng pambalot!” masayang bati ni Lucinda sabay halik at yakap sa mister.
“Happy birthday, itay!” sabi naman ng dalawa nilang anak.
“Naku, nag-abala ka pa, mahal! Salamat sa inyo!” tugon ni Emilio sa kanyang mag-iina.
Ngunit kailangan pa ring kumayod ng lalaki sa araw na iyon kaya kahit kaarawan niya ay pumunta pa rin siya sa laot para manghuli ng mga isda. Balak din niyang sumisid sa dagat at nagbabakasakaling makakuha ng perlas. May paniniwala kasi sa kanilang lugar na kapag sumasapit ang kaarawan ng isang tao na taga-roon ay pinagkakalooban ng suwerte ng karagatan at nakakakuha ng perlas kaya sinubukan ni Emilio ang paniniwalang ‘yon kung magkakatotoo.
“Ngayon ko mapapatunayan kung totoo ang paniniwala sa islang ito!” sabi ni Emilio sa isip bago tuluyang sumisid sa kailaliman ng dagat.
Sa kanyang pagsisid ay agad siyang nakakita ng malaking kabibe at laking gulat niya nang biglang bumuka ito at sa loob niyon ay isang perlas na kasing laki ng mansanas.
“T-totoo nga na suwerte ang aking kaarawan!” wika pa ng lalaki sa sarili.
Umahon siya sa dagat at dali-daling dinala sa asawang si Lucinda ang nakuhang perlas.
“O, Emilio ba’t bumalik ka agad?” tanong ng babae.
“Matutuwa ka, Lucinda dahil bukod sa mga nahuli kong isda ay may nakuha pa ako sa dagat!”
“A-ano ‘yon?”
At ipinakita niya ang perlas.
“T-totoo ba ‘yan, mahal ko?!” gulat na sambit ni Lucinda.
“Totoong-totoo ito, mahal! May hatid ngang suwerte ang sinumang may kaarawan sa islang ito dahil ako ang nakakuha ng perlas!” tuwang-tuwang sagot ni Emilio.
Dahil siya lang ang may kaarawan sa araw na iyon sa kanilang lugar ay mabilis na kumalat ang balita na nakakuha siya ng perlas.
“Alam niyo ba na nakasisid ng perlas na kasing laki raw ng mansanas si Emilio?” tanong ni Aling Iska sa mga kapitbahay nila.
Ang suwerteng dumapo kay Emilio ay nagpasalin-salin sa mga dalahira nilang kapitbahay.
“Gaano raw kalaki ang perlas na nakuha ni Emilio?” tanong ng kapitbahay nilang si Mang Obin.
“Kasing laki raw ng melon!” sagot naman ni Mang Mindoy.
At ikinuwento ni Mang Mindoy sa iba pa nilang kapitbahay.
“Ano kamo, Mindoy? Kasing laki ng pakwan ang nakuhang perlas ni Emilio!” gulat na sabi naman ni Aling Baleng.
Kumalat na ng husto ang balita kaya mabangung-mabango ang pamilya ni Emilio sa kanilang mga kamag-anak at kapitbahay.
“Naku, siguradong yayaman kayo sa nakuha mong perlas! Napakasuwerte mo naman, Emilio,” bulalas ng pinsan niyang si Cardo.
“Oo nga, pinsan! Dumaan naman kayo ng mag-iina mo sa bahay namin at makapagmeryenda man lang!” alok naman ng pinsan niyang si Yolly.
Ang mga kamag-anak nila na dati’y hindi sila pinapansin ay palagi nang bumibisita sa bahay nila.
“Ako na ang naglinis ng bahay niyo, Emilio! Nagdala na rin ako ng ulam para sa inyong mag-anak!” magiliw na sabi ng tiyuhin niyang si Mang Lope.
“Ako na rin ang nag-alaga at nagbantay sa mga anak niyo ni Lucinda! Mababait pala ang mga batang ito!” sabad naman ng tiyahing si Aling Martha.
Nagtataka na rin si Lucinda sa sobrang pagmamalasakit ng mga kamag-anak ni Emilio sa kanila. Pati nga ang mga ito’y sa bahay na nila nakikitulog at nakikikain.
“Biglang litaw ang mga kamag-anak mo, mahal, at dito pa natutulog,” sabi ni Lucinda sa asawa.
“Nagmamalasakit lang naman sila. Posibleng may magtangka na nakawin ang ating perlas kung wala tayo ritong kasama,” sagot ni Emilio.
“Ano nga ba ang plano mo sa perlas?” tanong ulit ni Lucinda.
“Hindi ko pa alam, eh. Pinag-iisipan ko pa kung ano ang maaari nating gawin sa perlas na ‘yon. Ibinaon ko muna sa ilalim ng bahay natin hangga’t hindi pa ako nakakapagdesisyon,” tugon ni Emilio.
Ngunit isang araw, napansin ni Lucinda na hindi na nawawalan ng tao sa bahay nila. Halos lahat ng kamag-anak ni Emilio ay sa kanila na nakatira. Hindi na rin naghahanapbuhay ang mga ito at umaasa na lang sa kanilang mag-asawa kaya muli niyang kinausap ang mister.
“Iba na ang kutob ko sa mga kamag-anak mo, Emilio. Nagbibilang na agad sila ng sisiw kahit hindi pa nangingitlog ang manok. Dito na rin sila nakatirang lahat sa bahay natin at hindi na rin sila nagtatrabaho. Inaasa na lang nila sa atin pati ang kanilang pagkain. Sa tingin ko’y kunwari lang silang nagmamalasakit sa atin pero ang totoo’y inaabangan lang nila na magkapera tayo sa perlas para maka-amot din sila,” wika ni Lucinda.
Ang hindi niya alam ay iyon din pala ang nararamdaman ni Emilio kaya nakabuo ito ng plano.
“Alam kong umaasa na lang sila sa atin at hindi na naghahanapbuhay kaya naman may naisip na akong paraan para ilabas ang kanilang tunay na kulay,” tugon ni Emilio.
Kinaumagahan ay nagkunwaring nag-aaway silang mag-asawa at ipinarinig nila iyon sa mga mapagsamantalang kamag-anak ng lalaki.
“Hindi naman totoong nagmamalasakit ang mga kamag-anak mo, mga pakitang tao lang kasi alam nila na may itinatago kang perlas!” galit na sigaw ni Lucinda.
“Tumigil ka, Lucinda! Hindi totoong mapagsamantala ang mga kamag-anak ko! Kita mo naman na narito pa rin sila kahit wala na sa akin ang perlas!” sagot ni Emilio sa asawa.
Nagulat ang mga kamag-anak ng lalaki sa sinabi niya.
“A-anong ibig mong sabihin, pamangkin? Anong wala na sa iyo ang perlas?” tanong ng tiyuhin ni Emilio.
“Tama ang narinig niyo, tiyo! Ninakaw ang perlas kagabi. Hinukay sa pinagtaguan ko at hindi ko alam kung sino ang kumuha!” wika ng lalaki na ipinakita sa mga kaanak kung saan itinago ang perlas.
“Aba! Sino naman ang magnanakaw niyon? Wala kaming kinalaman diyan ha!” giit ng kanyang tiyuhin na si Mang Lope.
“Ang totoo’y hindi naman ako nanghihinayang na nawala ang perlas. Wala na rin akong balak na hanapin ‘yon o hanapin ang kumuha niyon. Mula nang mapasaakin ang perlas ay hindi na natahimik ang pamilya ko. Ngayong wala na ang perlas ay maaari na kayong bumalik sa inyong mga tirahan,” sabi ni Emilio sa mga kamag-anak niya.
Dali-daling nag-impake at umalis ang mga kamag-anak ni Emilio sa kanila. Laking panlulumo ng mga ito nang malamang wala na ang perlas.
“Talagang aalis na kami. Mahirap nang mapagbintangan ‘no! Bahala na kayo! Kung bakit kasi hindi niyo pa ibinenta ang perlas, hindi tuloy napakinabangan! Sinolo niyo kaya ayun, ninakaw!” inis na sabi ng tiyahin ni Emilio na si Aling Martha.
Nang makaalis ang lahat ay napanatag na ang mag-asawa.
“Hindi nila alam na hindi totoo na ninakaw ang perlas. Ipinagbili ko iyon sa malaking halaga at heto na ang perang pinagbentahan ko, Lucinda! Makakapagsimula na tayo ng ating mga anak. Aalis tayo rito at lilipat sa ibang lugar kung saan hindi na tayo maaabuso ng aking mga kamag-anak. Lilipat tayo sa lugar na tahimik at malayo sa kanila at magbabagong buhay,” hayag ni Emilio kay Lucinda saka ipinakita ang malaking halaga ng pera.
Umalis ang mag-anak ni Emilio sa isla at namuhay sa malayong probinsya kung saan hindi na sila masusundan ng mga kamag-anak na mapagsamantala.