Inday TrendingInday Trending
Walang Dumadalaw sa Matandang Pasyente Maliban sa Isang Munting Ibon; Nakakaiyak Pala ang Istorya sa Likod Nito

Walang Dumadalaw sa Matandang Pasyente Maliban sa Isang Munting Ibon; Nakakaiyak Pala ang Istorya sa Likod Nito

Isang buwan pa lang si Alice sa bansang Italya kung saan nagtatrabaho siya bilang nars sa isang ospital.

Bukod sa malaking suweldo at iba’t ibang benepisyo ay mababait pa at madaling pakisamahan ang mga katrabaho niya roon. Karamihan sa mga nars na kasama niya sa ospital ay mga kapwa niya rin Pinoy.

Halos isang linggo na rin niyang binabantayan ang isang matandang babae na may malubhang karamdaman na isang Italyano. Hindi naman mahirap alagaan at bantayan ang nasabing pasyente dahil tahimik lang ito at bihirang magsalita. Mayaman at nakakaangat sa buhay ang matanda. Ang ipinagtataka lang niya ay sa kabila ng katayuan nito ay wala ni isang kamag-anak ang dumadalaw sa pasyente, dahilan upang isipin niya na hindi maayos ang relasyon nito sa pamilya.

“Bakit kaya wala man lang pumupunta rito sa ospital para dalawin si Mrs. Belucci? Samantalang base sa rekord niya ay ubod ng yaman ang matandang iyon na isang haciendera. ‘Di ba dapat ay nagkukumahog na ang mga anak o kahit sino man sa miyembro ng pamilya niya na asikasuhin o dalawin siya rito?” tanong ni Alice sa isang Pinay na kasamahan sa trabaho.

“Hindi ko rin alam, eh! Mula nang ipinasok ‘yan dito ay wala kahit isang dumalaw sa kanya. Sabi ng isang staff ng ospital ay isinugod lang ‘yan dito ng nagmagandang loob na kapitbahay niya,” sagot ng babaeng nars.

“Naku, kung sa ‘Pinas ‘yan, kapag nalaman ng mga kamag-anak na naospital ang mayaman nilang kapamilya ay mag-uunahan na silang bantayan o dalawin ang pasyente, pero kapag walang pera o galing sa hirap gaya natin ay nakakalimot na at parang mga hindi kadugo,” hirit pa ni Alice.

Hanggang sa isang araw, laking gulat ng dalaga nang may nakita siyang lovebird na pumasok sa bintana ng kuwarto kung saan naroon ang binabantayan niyang matandang pasyente. Lumapit ito sa matandang babae at tila binabantayan .

“Aba, may ibong pumasok!” bulalas pa ni Alice.

Imbes na mairita ang pasyente ay napangiti ito nang makita ang ibon. Dahil nakita niyang natutuwa si Mrs. Belucci sa ibon ay hinayaan na lamang niya na naroon ang munting hayop.

Halos araw-araw ay pumupunta sa kuwarto ng matandang babae ang lovebird. Ang nakakapagtaka ay sa tuwing makikita ng pasyente ang ibon ay umaaliwalas ang mukha ng matanda at tila gustong magsalita kahit pa hirap na ibuka ang bibig.

“Sa tingin ko’y nakakatulong ang pagbisita ng ibong ito kay Mrs. Belucci dahil sa tuwing dumadalaw ay palaging masaya at maganda ang pakiramdam ng pasyente ko. Mabuti na lang kahit munting hayop ay may bumibisita sa kanya, ‘di tulad ng pamilya niya at mga kamag-anak na ayaw siyang silipin man lang,” sabi ni Alice sa isip.

Naikuwento niya sa kasamang nars ang tungkol sa nag-iisang dalaw ng matanda.

“Ibon kamo ang palaging bumibisita kay Mrs. Belucci?” gulat na tanong ng kasama.

“Oo. Kulay puting lovebird ang araw-araw na dumadalaw sa kanya. Sa tingin ko’y mula nang ipinasok ang matanda rito sa ospital ay palagi nang pumupunta ang ibong ‘yon. Hindi ko lang siguro napapansin dahil hindi naman sa lahat ng oras ay naroon ako sa loob ng kuwarto niya!” tugon niya.

“Ganoon ba? Ano kaya ang kinalaman ng ibong iyon kay Mrs. Belucci? Hayaan mo at ipagtatanong ko sa iba nating kasamang nars at staff ang tungkol diyan,” wika ng nars.

Isang araw, nakita ni Alice na malungkot at tila matamlay si Mrs. Belucci. Pakiwari niya ay dahil hindi na dumadalaw ang lovebird sa kuwarto nito. Nagtataka rin ang dalaga kung bakit biglang hindi na nagparamdam ang munting ibon. Kinahapunan ay may nabalitaan siya na sobra niyang ikinalungkot.

“Uy Alice, may nakita si Doc Percy na kulay puting lovebird na wala nang buhay sa likod ng ospital. Sa tingin niya ay pin*slang ito ng mas malaking hayop na hindi niya mawari kung ano. At ikagugulat mo ang natuklasan ko, may nakapagsabi kay Doc Percy na ang lovebird na ‘yon at ang lovebird na dumadalaw kay Mrs. Belucci ay iisa dahil ang walang buhay na ibon na natagpuan ay may kulay pulang laso sa leeg nito na katunayan na ang ibong ‘yon ay pagmamay-ari ng nag-iisang anak na babae ni Mrs. Belucci na si Adriana,” hayag ng kasamahang nars.

“Kulay pula? Tama, napansin ko rin ‘yon na suot ng lovebird kapag dumadalaw sa matanda!” sagot ni Alice.

“Kasi, kulay pula ang paboritong kulay ni Adriana. Ang anak na iyon ni Mrs. Belucci ay isang buwan nang namayapa dahil rin sa malubhang sakit. Bago raw bawian ng buhay ang dalaga ay ipinangako nito na palaging babantayan ang pinakamamahal na ina kahit wala na ito. Sinigurado ni Adriana na araw-araw na dadalawin ng kanyang alagang ibon ang ina kahit pa nakaratay na ito sa ospital. Matagal na ring yumao ang asawa ni Mrs. Belucci at wala na raw silang ibang kamag-anak rito sa Italya kaya walang ibang dumadalaw sa matanda. Sadyang kahanga-hanga ang ginawa ni Adriana, ginamit niya ang kanyang alagang ibon para masiguro na palaging nababantayan ang ina, para iparamdam kay Mrs. Belucci na hindi ito nag-iisa kahit pa wala na siya,” bunyag pa ng nars.

Hindi napigilan ni Alice na maluha sa sinabi ng kasama. Kaya pala palaging masaya ang matandang babae kapag bumibisita ang ibon ay dahil alaga iyon ng namayapang anak. Walang kaalam-alam si Mrs. Belucci na pati ang alagang ibon nito ay wala na rin. Binigyan nila ng maayos na libing ang ibon sa likod ng ospital. Hindi naman hinayaan ni Alice na muling malungkot ang matanda sa pagkawala ng ibon kaya umisip siya ng paraan para ipagpatuloy ang sinimulan ng anak nitong si Adriana.

Bumili siya ng kulay puting lovebird at nilagyan ng kulay pulang laso sa leeg at inilagay niya sa hawla. Ipinakita niya ‘yon kay Mrs. Belucci at sinabi na para hindi na mawalay pa ang ibon sa matanda ay ikinulong na lang ito sa hawla at inilagay sa kuwarto nito para araw-araw na nakikita. Tuwang-tuwa naman ang matandang babae at nagbalik ang sigla nito dahil oras-oras nang makikita ang munting ibon.

Hindi nagtagal ay pumanaw na rin si Mrs. Belucci at hindi na napaglabanan pa ang karamdaman. Masaya itong namaalam sa mundo dahil makakasama na nito ang anak na si Adriana at ang namayapang mister sa kabilang buhay.

Walang pagsidlan ang pagluha ni Alice sa pagkawala ng matanda.

“Mami-miss kita, Mrs. Belucci. Maligaya ka na sa piling ng iyong pamilya,” bulong niya sa sarili.

Ang biniling ibon ay inalagaan na lang niya para magsilbing alaala ng pasyenteng napalapit at napamahal na rin sa kaniya.

Advertisement