Pinagmamalupitan ng Binatang Ito ang Kawawang Kasambahay Nila; Hindi Siya Makapaniwala nang Masiwalat ang Tinatago Nitong Lihim
Bata pa lamang, laki na sa layaw si Enrico. Paano ba naman, napakaraming negosyo ng kaniyang magulang. Kung ano ang maibigan, siya naman ibinibigay sa kaniya. Unico hijo kasi at nag-iisang anak lamang.
Gwapo si Enrico at masasabing angat talaga sa iba ang hitsura. Pero kung ano ang kinaganda ng kaniyang mukha, ay siya palang ikinapangit ng kaniyang ugali.
Lagi niya pinagbubuntungan ng galit ang kasambahay na si Nenita. Apatnapung taong gulang, biyuda at walang anak. Mula pagkadalaga ay naninilbihan na siya sa mga magulang ni Enrico.
“Nenita! Nenita, nasaan ka ba?!” walang respeto na pagsigaw ni Enrico.
“A-andito na po senyorito. May kailangan po ba kayo?” tanong ng kasambahay habang nagpupunas ng pawis.
“Ano ba’t napakabagal mo? Nakakasira ng araw. Nalabhan mo na ba yung mga bagong pantalon ko, ha Nenita?”
“Nakasampay na po senyorito,” sagot naman ni Nenita.
“Okay, pakilabhan na rin ito!” sabay hagis sa mukha ng kasambahay ang ilan pang mga damit. “Bilisan mo na!”
“S-sige po,” nagkukumahog na pinulot ni Nenita ang ilang damit na nahulog.
“At saka pala Nenita, yung mga nilabhan mo kahapon, plantsahin mo at dalhin din kaagad dito ngayon.”
“Opo, senyorito.”
Ilang oras pa ang lumipas at oras na para kumain ng hapunan.
“Ang mommy at daddy, wala pa ba? Hindi ba sila makakasabay?” tanong ng binata.
“Hindi raw po e.”
Lumabas si Enrico ng kwarto at nagtungo sa kusina upang kumain, ngunit umusok sa galit ang binata nang makita ang nakahain.
“Nenita! Nenita!” malakas na sigaw ng lalaki.
“Bakit po?” nagmamadaling takbo naman ng kasambahay habang dala-dala ang juice na kinunaw para sa binata.
“Ano ‘to? Menudo? Ang sabi ko pritong porkchop hindi ba?! Bakit menudo ang nandito?”
“S-sorry, sir, hindi ko po kasi naintindihan kanina,” takot na sagot ni Nenita.
“Luhod, Nenita!” utos ng senyorito sa kasambahay. “Luhod, bilis!” At agad naman itong tumalima.
“Bakit po senyorito?” nanginginig na sagot ni Nenita.
“Lamunin mo lahat ‘to!” Ibinubo at isinampal ni Enrico ang ulam sa mukha ni Nenita. “Ubusin mo yan!” At saka ito tumalikod at umalis.
Hindi na makatao kung ituring ni Enrico si Nenita, ngunit magkagayon man ay hindi siya pinapatulan ng kasambahay. Tinitiis nito lahat ng pananakit at pang-aabuso ng binata. Hindi rin naman niya ito magawang isumbong sa mga magulang dahil sa personal na dahilan.
Isang araw ay dumalaw ang mga kaibigang lalaki ni Enrico. Umiinom sila ng mainit at mamahaling kape sa balkonahe.
“Nenita! Napakakupad mo! Yung kape nung isa kong kasama!” sigaw pa ng binata.
Nagmamadali naman lumabas si Nenita, ngunit hindi sinasadyang natabig niya ang mamahaling motor ni Enrico. Dahilan para matumba ang mabasag ang side mirror nito.
“Sorry po senyorito. Hindi ko naman po sinasadya,” umiiyak na paghingi ng paumanhin ng kasambahay.
“Mamaya tayo mag-uusap, Nenita. Humanda ka sa’kin! Umalis ka na bago pa kung anong magawa ko sa’yo!” galit na sigaw ni Enrico. Bago umalis ang katulong ay sinabuyan siya ng mainit na kape ng binata.
Nagulat naman ang mga kaibigan ni Enrico sa nakita, ngunit pinagtawanan lamang din ng mga ito si Nenita sa nangyari.
Nagpupunas ng sahig si Nenita noon ng biglang may humila ng kaniyang buhok. Nagulat na lamang siya nang biglang isubsob ang kaniyang mukha maduming tubig sa timba.
“Alam mo ba kung magkano yung motor na sinira mo ha?”
“S-sorry po senyorito,” paghingi ng paumanhin ni Nenita habang pinupunasan ang mukha.
“Yung side mirror na binasag mo, katumbas noon ay apat na buwang sahod mo! Paano mo babayaran ‘yun ha? Tat*nga-t*nga ka kasi!”
Isinubsob pang muli ng binata ang mukha ng kawawang kasambahay sa timba.
Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at gulat na gulat naman pumasok ang mommy ni Enrico. Hindi nila inaasahan ang nakita.
“Anong ibig sabihin nito Enrico ha?” galit na tanong ng kaniyang ina.
“S-sinira kasi ni Nenita ‘yung side mirror ng motor ko! Alam n’yo naman kung magkano iyon!”
“Pero hindi tamang tratuhin mo siyang ganyan dahil lamang doon,” sagot naman ng ina.
“A-ayos lamang po ako, senyora. ‘Wag niyo na pong pagalitan si senyorito,” pagsuway naman ni Nenita.
“O ano, nagpapaawa ka pa ngayon ha?” tanong naman ni Enrico. Kinapitan nitong muli ang buhok ng kasambahay at saka itinulak papunta sa sahig.
“Enrico, tumigil ka na! Anong klaseng tao ka ha? ‘Di ka namin pinalaki ng ganiyan,” sigaw muli ng kaniyang ina.
“Sira ang motor ko. Ano pang magagamit ko dahil lamang sa katang*han ng katulong mo?!”
“Lahat ng pananakit mong ito ay dahil sa maliit na sira na iyan? Tao ka pa ba, Enrico? Bakit parang hindi tao kung tratuhin mo ang kasama natin sa bahay? Wala ka bang pag respeto sa matatanda?” tanong muli ng ginang.
“Bayad naman ng pera n’yo ‘yung serbisyo niya. Bakit ako mangingilag na tratuhin siya nang ganito?”
“Alam mo, kung alam ko lang na lalaki kang gan’yan, sana hindi ka na lang namin inampon ng daddy mo!” galit na galit na sambit naman ng ginang.
“A-anong sabi mo, mommy?” gulat na gulat ang binata sa narinig.
Halatang nagulat naman din ang babae sa nasabi niya, ngunit tama lamang siguro na masiwalat na ang katotohanan.
“Ang babaeng sinasaktan mo, si Nenita. Siya ang tunay mong ina, Enrico! Si Nenita ang nanay mo!” naluluhang pag-amin ng kinagisnang ina ng lalaki.
“No! No! Nagsisinungaling ka. Nagbibiro ka lang mommy, hindi ba?”
“Iyon ang katotohanan… nang pumanaw ang tunay mong ama, kami na ang kumupkop sa’yo dahil walang panggastos si Nenita para sa pangangailangan mo. Kapalit iyon ng pangakong bibigyan ka ng magandang buhay. Inampon ka namin at itinuring na anak. Pero hindi tama na ginaganyan mo ang babaeng nagluwal sa’yo sa mundo!”
Hindi naman makapaniwala ang binata sa mga naririnig. Nakatitig lamang ito sa kasambahay nilang nakaupo sa sahig na lumuluha na rin. Tumakbo ang binata sa kaniyang kwarto. Doon siya nagkulong at magdamag na hindi lumabas.
Kinabukasan ay nag-aayos si Nenita ng mga nilabhang damit nang may humawak sa likod niya, si Enrico.
“Senyorito?” gulat na tanong ng katulong.
“’Wag mo na akong tawaging senyorito. Alam naman natin pareho ang totoo,” seryosong saad ng binata.
“Ayos ka na ba?” tanong naman ni Nenita.
“Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano kita kakausapin. Hindi ko alam kung paano hihingi ng tawad sa’yo sa dami ng kasalanang nagawa ko. Kaya pala ganun na lamang kahaba ang pasensiya mo sa akin. Ikaw pala ang tunay kong ina…” naluluhang sabi ng binata.
“Wala na iyon. Tapos na… ang mahalaga, maayos ka at may magandang buhay. Patawarin mo sana ako kung pinaampon kita. Sorry, anak.”
“Ako nga yung dapat humingi ng tawad sa inyo eh. Sobrang laki ng ginawa kong kasalanan sa inyo,” pumapatak na ang mga luha ng binata. “Patawad ‘nay. Patawarin po ninyo ako.”
Lumapit si Enrico sa ina at niyakap ito nang sobrang higpit.
“Ayos lamang yun anak. Mahal na mahal ka ni nanay, kaya lahat kaya kong tiisin para sa’yo.” Yumakap din ito nang mahigpit at hinaplos ang buhok ng anak.
Malaki ang ipinagbago ni Enrico mula nang malaman niya ang katotohanan. Hindi na siya naging maluho at natutunan niyang rumespeto sa kapwa at lalo na sa nakatatanda. Sa kinagisnang magulang pa rin siya nakatira kasama ang inang si Nenita.
Madalas ay tinutulungan na niya ito sa mga gawain at ipinapakita ang pagmamahal para sa tunay na ina. Maligayang-maligaya siya noon dahil sa panahon ng problema, hindi lamang isang ina, kundi dalawa ang kaniyang nalalapitan.