Sinubukan Niyang Agawin ang Asawa ng Kaibigan; Magtagumpay Kaya ang Maitim Niyang Plano?
Napangiti si Cindy nang makita niya ang repleksyon niya sa salamin. Sa edad niya kasing kwarenta ay lutang na lutang pa rin ang kaniyang kagandahan at kaseksihan.
Hanggang ngayon ay single pa rin siya. Hindi naman iyon dahil walang nagkakagusto sa kaniya. May itinatago siyang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa siya nag-aasawa.
Nagwisik siya ng pabango bago lumabas ng bahay at tumungo sa lakad niya ng gabing iyon. Sa kanilang high school reunion.
Pagbaba niya pa lamang ng sasakyan ay sinalubong na siya ng maingay na okasyon. Kumakabog ang dibdib niya nang igala niya ang paningin upang maghanap ng mga pamilyar na mukha.
Hindi naman siya nabigo. Sa isang mesa ay nakita niya ang isang umpok na masayang nagtatawanan. Sumikdo ang dibdib niya nang makita ang isang pamilyar na lalaki.
“Cindy!”
Isa-isang nagtayuan ang kaniyang mga dating kaklase upang bigyan siya ng isang mahigpit na yakap.
“Kumusta na kayo?” maligayang usisa niya sa mga kaklase nang makaupo siya.
Imbes na sagot ay inulan siyang papuri.
“Ang ganda-ganda mo naman, Cindy! Ang bata-bata mo tingnan kumpara sa amin!” nakangiting puna ni Yasmin.
Isang nahihiyang ngiti ang isinukli niya sa dating kaklase bago pasimpleng tinapunan ng ngiti ang lalaking nakaupo sa tapat niya. Si Russel, ang kaniyang dating nobyo.
Gaya ng iba ay bakas ang paghanga sa mata nito habang nakatitig sa kaniya.
“Russel, nasaan ang asawa mo?” usisa niya sa lalaki.
Tumikhim ang lalaki bago sumagot. “Nasa banyo. Magre-retouch daw,” anito.
Maya-maya ay ito naman ang nagtanong.
“Ikaw, kumusta ka na? Hindi na kita nakita simula noong pumunta ka sa kasal namin ni Rica,” tanong nito.
“Naging abala. Alam mo na, negosyo.”
Lumawak naman lalo ang pagkakangiti nito. “Oo nga, balita namin, successful daw ang negosyo mo,” tumatango-tangong tugon nito.
Tila narinig yata ng mga kaklase nila ang pinag-uusapan nila ni Russel kaya naman pinutakti siya ng maraming tanong.
“Kumusta na ang negosyo mo?”
“Pwede ba akong sumosyo sa negosyo mo?”
Maya-maya ay isang babae ang lumapit sa kanilang lamesa at tumabi sa dati niyang nobyo. Nanlaki ang mata niya nang makilala ang babae.
“Rica?” mulagat niyang bulalas.
“Cindy!” nasorpresang bulalas din nito. “Ang ganda-ganda mo pa rin, grabe!” gaya ng iba ay papuri rin nito.
Hindi niya maiwasang ilipat-lipat ang tingin sa mag-asawang sina Rica at Russel. Tila kasi naging napakalaki ng agwat ng dalawa.
Ang dating maganda at sexy na si Rica ay losyang na losyang na samantalang si Russel naman ay matikas pa rin ang pangangatawan at gwapong-gwapo pa rin.
“Alam mo na, nalosyang dahil sa kunsomisyon sa mga anak,” natatawang paliwanag ni Rica.
“Ito na ba ang babaeng ipinalit sa akin ni Russel?” sa loob-loob niya.
Isang pilyang ngiti ang palihim na pumaskil sa labi ni Cindy. Mukhang hindi siya mahihirapan na akitin si Russel.
Ang totoo ay matagal niya nang pinaplano na agawin si Russel mula kay Rica. Gaya ng pang-aagaw na ginawa ni Rica. Subalit ngayon na lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na maisakatuparan ang kaniyang plano.
Si Russel ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi siya nag-aasawa. Umaasa pa rin kasi siya na sila pa rin ng lalaki hanggang sa huli.
Ikakasal na sana sila ni Russel noon nang sabihin ni Rica na buntis ito at si Russel ang ama. Halos mawasak siya noon lalo na noong piliin ni Russel ang mag-ina nito.
Simula noon ay ipinangako niya na hindi siya titigil hangga’t hindi bumabalik sa kaniya si Russel.
At ang gabing iyon ang magiging katuparan ng kaniyang plano. Alam niya na hindi imposible na muling bumalik pa sa kaniya si Russel lalo pa’t kitang-kita niya kung paano ito tumingin sa kaniya, at kung paano ito bumilib sa lahat ng naabot niya.
Tila umaayon sa kaniya ang tadhana nang mga bandang alas diyes ay nagpaalam na si Rica na uuwi na raw ito. Hindi raw kasi ito sanay na naiiwan ang mga bata.
Habang lumalalim ang gabi ay palagkit nang palagkit ang tingin na ibinabato niya sa dating kasintahan. Tila wala namang kaso iyon sa lalaki.
Nang magkayayaan silang umuwi, umarte siya na tila hindi makagulapay sa kalasingan kaya naman awtomatikong nagboluntaryo si Russel na ihatid siya pauwi.
Nang maisakay siya nito sa sasakyan ay agad niyang inililis ang suot niya bestida upang mailantad ang makinis niyang hita.
Ilang sandali lang ay naramdaman niya ang pagtakip ng kung ano sa hita niya. Nang pasimpleng imulat niya ang mata ay nakita niyang jacket iyon ng lalaki.
Buo na ang loob niya na akitin si Russel nang tumunog ang cellphone nito.
“Hello?”
Agad nitong ini-loud speaker ang tawag upang ituon ang atensyon sa pagmamaneho.
“Daddy?” sagot ng nasa kabilang linya.
“Oh, anak, bakit? Bakit gising ka pa, gabing-gabi na, ah!” sita nito sa anak.
“Daddy, nasaan ka na po? Pauwi ka na po sa bahay?”
Narinig niya ang marahang pagtawa ng lalaki.
“Oo, anak. Hinahatid ko lang kaibigan ko pauwi. Tapos uuwi na ako riyan,” sagot nito sa anak.
Narinig niya ang paghagikhik ng bata bago nito tinawag ang ina.
“Mahal, nasaan ka na?” narinig niyang tanong ni Rica mula sa kabilang linya.
“Hahatid ko lang pauwi si Cindy, mahal. Nalasing kasi. Tapos uuwi na rin ako,” magaang paliwanag nito.
“Sige. Ingat ka sa pag-uwi. I love you.”
Tila tinarakan siya ng patalim sa sunod na sinabi ng lalaki.
“I love you too. Matulog na kayo ng mga bata.”
Agad niyang pinalis ang butil ng luha na tumulo mula sa nakapikit niyang mata. Iminulat niya ang kaniyang mga mata bago niya nilingon si Russel. Malaki ang pagkakangiti nito.
“Natutunan mo ring mahalin si Rica?” anas niya.
Gulat naman itong napalingon sa kaniya. Nang maunawaan nito ang ibig niyang sabihin ay marahan itong tumango.
Napangiti siya nang mapait.
“Ano nang nangyari sa sinabi mo sa akin noon na siya ang papakasalan mo, pero ako lang ang mamahalin mo? Saka mahal mo ba talaga ‘yun si Rica? Ang taba-taba, losyang na losyang na!” inis na litanya niya.
“Mahal ko ang asawa at anak ko, Cindy. Sila ang pinakamahalaga sa’kin, hindi ko sila sasaktan,” sagot nito.
Namayani ang katahimikan.
“Nagkasala ako sa’yo. Pinagsisisihan ko ‘yun. Pero natutunan kong mahalin nang labis ang pamilya ko. Hinding-hindi ko sisirain ang pamilya na meron ako, Cindy,” malungkot na wika ng lalaki.
Muli ay tila may kumurot sa puso niya. Mukhang hanggang dito na nga lang talaga sila.
Bago pa siya makapagsalita ay huminto na ang sasakyan. Nakarating na pala sila sa tapat ng bahay niya.
“Makakahanap ka rin ng tao na mamahalin ka at hindi ka sasaktan. ‘Yung papasayahin ka. Hindi ako ang taong iyon, dahil nakalaan ka para sa isang taong higit pa sa akin,” nakangiting payo nito bago pinasibad ang sasakyan.
Naiwan siya na nakatulala habang sinusundan ng tingin ang papalayong sasakyan ni Russel. Subalit imbes na sakit ay kakatwa na tila kapayapaan ang hatid sa kaniya noon.
Napangiti siya. Marahil ay talagang panahon na nga para pakawalan niya na ang kaniyang sarili mula sa sakit na idinulot ni Russel at magsimula ulit.
Makalipas ang ilang taon ay sa wakas, nakahanap siya ng lalaking muling nagpatibok ng kaniyang puso.
At gaya nga ng sinabi ni Russel, araw-araw ay kakaibang saya ang naranasan niya kasama ang kaniyang minamahal!