Sumobra sa Yabang ang Lalaking Inhinyero; Sa Huli ay Labis ang Hiya at Pagsisisi Niya
“‘Pa, nalaman ko sa kaibigan ko na kompanya natin ang humahawak ng proyektong ito?” sabik na untag ni Rainier sa kaniyang ama, bago iniabot rito ang hawak niyang dokumento.
Gaya ni Rainier, isa ring inhinyero ang Papa niya. Ito ang nagpapatakbo ng kompanya nila.
Binuklat ng kaniyang Papa iniabot niyang papeles bago ito tumango.
“Oo, anak. Sa katunayan, ako ang humahawak nito, dahil malaking proyekto.”
Sabik siyang umupo sa harapan nito bago sinabi ang kaniyang pakay.
“Pwede bang sa akin mo na lang to ibigay, ‘to, Papa? Pangako, gagalingan ko po talaga, at hindi ako papalpak!” pakiusap niya.
Agad na kumunot ang noo nito bago sunod-sunod na umiling.
“Hindi pwede, Rainier. Masyadong malaki ang proyektong ito. Baguhan pa lang sa industriya na ito, at marami ka pang dapat matutunan,” paliwanag nito.
“Pero tatlong taon na rin akong nagtatrabaho sa kompanya natin, at pare-parehong mga malilit na bahay pa lang ang ginagawa ko. Hindi po ba’t oras na para maiba naman? Gusto ko lang naman pong matuto,” giit niya.
Bumuntong hininga ang kaniyang ama. Natahimik ito na tila nagmumuni-muni.
“Kung ganoon, pwede ka namang sumama na lang sa akin at maging alalay ko,” tila napipilitang tugon nito.
Ngunit ayaw niya. Gusto niya na siya ang humawak ng proyektong iyon. Hindi siya papayag na hindi makuha ang proyektong iyon!
“Pumayag ka na, Papa. Nakausap ko ang mga kaklase ko noon at lahat sila nakahawak na ng mga nagsisilakihang mga proyekto. Samantalang ako hanggang ngayon, maliliit na proyekto pa lang ang nagagawa. Ayaw ko lang naman na maliitin nila ako,” patuloy na pangungumbinsi niya sa ama. Alam niya na bibigay rin naman ito.
Nais ni Rainier na patunayan na magaling din siya gaya ng kaniyang Papa.
Sa huli ay tumango ito at nakumbinsi rin. Subalit nag-iwan ito ng isang babala.
“Rainier, ‘wag na ‘wag mong gagawing motibasyon ang kagustuhan na may mapatunayan. Hahayaan kita at pagkakatiwalaan sa proyektong ito hindi dahil anak kita kundi dahil alam kong mahusay ka. Sana ay ‘wag mo itong sayangin,” paalala nito.
Labis ang saya ni Rainier. Sa isipan niya ay walang ibang naglalaro kundi ang katotohanan na sa wakas, makakahawak na rin siya ng malaking proyekto.
Nang magsimula na ang proyekto ay sinigurado niyang magiging maganda ang kalalabasan ng lahat. Ngunit hindi niya rin maiwasang magpakitang gilas kaya naman pinilit niya na babaan ang budget na kakailanganin nila.
“Sigurado ho ba kayo dito, Sir Rainier? Ang laki ng agwat ng budget na binigay nila kaysa sa aktwal na gagamitin natin,” tila hindi kumbinsidong tanong ng isa sa mga tauhan niya.
Tumango siya.
“Magrereklamo pa ba sila dito? Nakatipid na nga sila nang husto sa akin. Sige na at ipasa mo na ‘yan doon,” mayabang na utos niya sa lalaki.
Alanganin ang tango nito. Tila may gusto pa itong sabihin ngunit minabuting manahimik na lang.
“Kailan ito matatapos?” tanong niya habang pinapanood ang mga manggagawa.
“Mga tatlo hanggang apat na buwan po siguro, Sir.”
Tiningnan niya ito nang may pagtataka.
“Hindi ka sigurado?”
“Kasi po may mga nangyayari pang hindi inaasahan kaya posibleng maurong po ang mga petsa,” pagdadahilan nito, na agad niyang kinontra. Hindi siya papayag na pumalpak ang unang malaking proyekto niya.
“Tatlong buwan. Kailangan niyong tapusin ang lahat sa loob ng tatlong buwan. Masyadong matagal ang apat,” pinal na desisyon niya, bago inudyukan ang lahat na paspasan ang pagtatrabaho.
Naalala niya ang kwento ng ilan sa mga dati niyang kaklase na nakatapos ng mga malalaking proyekto sa loob ng maikling panahon kaya’t alam niyang posible iyon.
Paalis na sana siya nang may tumawag sa kaniya.
“Boss!”
Nalingunan niya si Engineer Joaquin, isa rin sa mga inhinyero na katuwang niya sa proyektong iyon.
“Nakita ko ho ang blueprint na gawa niyo at nalaman ko ang mga materyal na gusto niyong gamitin namin sa unang palapag. Wala na hong gumagamit ng ganito kasi hindi maganda. Hindi niyo ho ba alam na hindi pwede iyon lalo na para sa mga ganitong establisyemento na maraming palapag?” walang patumpik-tumpik nitong tanong.
Agad na tumaas na kilay niya sa tinuran nito. Hindi niya gusto ang tono nito.
“Engineer, hindi porke’t hindi madalas gamitin, ibig sabihin ay bawal na. Isa pa, makakatipid tayo kung ito ang gagamitin natin,” iritableng tugon niya sa lalaki.
Bumuntong hininga ito.
“Alam niyo naman hong hindi dapat tinitipid sa materyales ang mga ganitong proyekto. Kaunting pagyanig lang ay posible tayong matabunang lahat. Kailangan din ho nating alalahanin ang kaligtasan ng mga tauhan,” pagpapatuloy nito, na tila pinapangaralan siya.
Hindi niya gusto na tila niyayabangan siya nito! Ano ang tingin nito sa kaniya, walang alam?
“Hindi ba’t dalawang taon ka pa lang sa industriyang ito? Bakit parang ako ang pinalalabas mong mali? Makinig ka sa akin at sundin mo ang plano ko, kung ayaw mong mawalan ng trabaho,” maangas na sagot niya bago ito iniwan.
Ng mga sumunod na buwan ay naging tahimik naman ang lahat. Wala na siyang narinig pang reklamo sa mga katrabaho. Inisip niya na lamang na marahil ay natauhan na ang mga ito at napagtanto na tama ang desisyon niya.
Sandali na lamang at matatapos na ang proyekto niya.
Akala niya ay ayos na ang lahat ngunit isang umaga ay naabutan niyang nagkakagulo sa kanilang kompanya. Halos hindi tumitigil sa pagtunog ang telepono, at maraming taong nagpoprotesta sa labas.
Ipinatawag siya ng kaniyang ama sa opisina nito.
“Ano pong meron, Papa?” takang tanong niya
“Hindi mo pa alam? Tingnan mo,” seryosong tugon nito. Bakas sa mukha nito ang labis na pagkadismaya.
Kinuha nito ang remote at binuksan ang telebisyon. Saktong-sakto ang palabas, balita tungkol sa isang gusali na gumuho ang isang bahagi dahil sa mahinang lindol.
Namutla siya nang makilala ang gusaling iyon. Walang iba kundi ang proyektong pinamamahalaan niya!
“Ipinatawag ko na kanina ang mga tauhan. Hindi sila nagsumbong, ngunit nakita ko ang iyong plano mo at alam kong alam mo kung ano ang mali mo. Napag-alaman ko ring nagkasagutan kayo ni Engineer Joaquin dahil dito.”
Nanghihina siyang tumango, bago ibinato rito ang tanong na bumabagabag sa kaniya.
“M-may nasaktan p-po ba sa aksidente?”
Tumango ito. “Mayroong dalawa na natamaan na nasaktan mula sa pagguho ngunit ayos naman sila. Mabuti na lang at tanghali nangyari ang trahedya, habang namamahinga ang mga tao. Isipin mo na lang kung anong mangyayari kung nagkataong nasa gusali sila nang lumindol.”
Napapikit si Rainier. Halos mangilabot siya nang mapagtanto ang kaniyang pagkakamali. Ipinahamak niya ang mga tauhan nila!
Sising-sisi siya sa nangyari lalo na’t alam niyang siya ang may kasalanan ng lahat. Dapat lang na siya ang managot sa nangyari.
“Wala na akong ibang sasabihin dahil sa tingin ko alam mo na sa sarili mo kung ano ang kasalanan at pagkukulang mo, hindi ba? Pero sana ay matuto ka mula sa pangyayaring ito, anak. Alalahanin mo na kapag ikaw ang boss, sa’yo sila umaasa. Hindi pwede na magpaka-iresponsable ka, dahil marami ang mapapahamak,” panenermon nito.
Yukong-yuko siya habang naglilitanya ang ama. Ngunit bawat salitang sinabi nito ay isinapuso niya.
Humingi siya ng tawad sa dalawang tauhan na nasaktan mula sa aksidente. Ipinangako niya sa dalawa na tutulong siya sa mga ito hanggang sa patuloy silang makarekober.
Pagkatapos ay humingi siya ng tawad sa mga kasama sa proyekto, lalo na kay Engineer Joaquin.
Naging isang napakalaking leksyon iyon para kay Rainier. Hindi niya dapat unahin ang sariling yabang lalo na’t kung maraming buhay ang nakasalalay!