Inday TrendingInday Trending
Hindi Niya Mapatawad ang Ina na Nang-abandona sa Kanila; Isang Kaibigan Nito ang Nagkwento ng Tunay na Istorya

Hindi Niya Mapatawad ang Ina na Nang-abandona sa Kanila; Isang Kaibigan Nito ang Nagkwento ng Tunay na Istorya

“Sigurado na ba kayo sa desisyon niyong ito na ilagay sa nursing home ang inyong nanay niyo?”

Nilingon ni Jacob ang kapatid na si Bianca. Kitang-kita niya ang pagtutol sa mga mata nito kapatid ngunit tumango siya sa kausap.

“Opo, sigurado na po kami,” seryosong tugon niya rito.

“Kuya, ‘wag muna! Pag-usapan muna natin ‘to!” narinig niyang bulalas ni Bianca.

Alam niya na ang sasabihin nito. Magkaiba sila ng opinyon ngunit sinubukan niya pa rin itong pakinggan.

“Bakit, Bianca? Ano’ng dahilan para hindi natin iwan si Nanay dito?” malamig na usisa niya sa kapatid.

Umiwas ito ng tingin at pasimpleng pinunasan ang butil ng luha na bumasa sa maamo nitong mukha.

“Gagawin ba talaga natin ‘to kay Nanay? Iiwan na lang natin siya sa pangangalaga ng ibang tao kahit na may pamilya naman siya?” halos pabulong na tanong nito.

Buntong-hininga ang naging sagot ni Jacob at bahagyang nilingon ang inang nasa wheelchair. Baldado na ito, tulala, at hindi na nakakapagsalita.

“Akala ko ba gusto mong lumuwas para magtrabaho sa Maynila? Sinong mag-aalaga sa kaniya dito? Alam mo namang may trabaho at pamilya ako na kailangang alagaan. Wala akong oras,” pagdadahilan niya.

“‘Yan ba talaga ang dahilan? O dahil hanggang ngayon galit ka pa rin kay Nanay dahil iniwan niya tayo noon?” paratang nito.

Natigilan siya. Ngunit nang makabawi ay matapang siyang bumwelta.

“Isipin mo kung anong gusto mong isipin, pero buo na ang desisyon ko, Bianca. Kung gusto mo siyang alagaan, eh ‘di ikaw ang mag-alaga kay Nanay,” hamon niya sa kapatid.

Ito naman ang hindi nakaimik. May trabaho kasi ito sa lungsod kaya wala itong oras para alagaan ang nanay nila.

Sa huli ay wala itong nagawa kundi ang magpatianod sa nais niya. Nang araw ring iyon ay inilipat nila ang matanda sa nursing home.

Nang makauwi si Jacob sa bahay ay wala sa loob na tumungo siya sa dating kwarto ng kanilang ina. Tila naman may kumurot sa puso niya nang makita ang silid nito na walang laman.

Ngunit nang sumagi sa isip niya ang kasalanan nito sa kanila ay agad-agad na nawawala ang awa niya sa kanilang ina.

Tumungo sa ibang bansa ang kanilang ina upang magtrabaho. Noong una ay sunod-sunod ang pagpapadala nito ng sustento ngunit makaraan ang ilang buwan ay bigla na lamang itong hindi nagparamdam.

Sa loob ng halos dalawang dekada ay wala silang naging balita rito. Hanggang sa magulat sila na nakauwi ito isang araw lulan ng isang ambulansya. Baldado na ito at hindi na nakakapagsalita. Ang sabi ay na-stroke raw ang matanda.

Kahit pa sa sabihin na wala na sa katinuan ang kanilang ina ay hindi pa rin matanggap ni Jacob na bumalik ito sa buhay nila na parang walang nangyari.

Marami siyang tanong. Ano ang nangyari sa Nanay nila? Paano nito nagawang abandunahin sila? Subalit wala namang makasagot sa mga tanong niya, dahilan upang mas lumalim lamang ang galit niya sa kanilang ina.

Subalit isang araw, katotohanan na mismo ang lumapit kay Jacob.

Dalawang buwan matapos nilang ilipat sa nursing home ang kanilang ina isang babae na nagngangalang “Teresa” ang bumisita sa bahay nila. Kaibigan daw ito ng kanilang ina.

“Nasaan ang Nanay mo? Pwede ko ba siyang makita?” tila naluluhang usisa ng babae.

Umiling siya at sinabi ang totoo. Nang marinig nito na nasa isang nursing home ang kanilang ina ay tuluyan na itong napaiyak.

“Kawawa naman ang nanay niyo,” anas nito habang lumuluha.

Nang bahagya itong kumalma ay noon na ito nagsimulang magkwento.

“Noong umalis ang nanay niyo, akala niya maayos ang ahensya na nag-proseso ng mga papeles niya. Subalit mali siya. Ilegal pala at peke ang lahat ng dokumento, kaya hindi siya tinanggap sa trabaho sa pabrika. Nang dumating sa Dubai ang nanay niyo, ginawa niya ang lahat para makapagpadala ng pera sa inyong magkapatid. Halos hindi ‘yung kumain, makapagpadala lang,” kwento nito. Bakas sa mukha nito ang matinding lungkot.

Tila naman may kung anong mabigat na dumagan sa dibdib ni Jacob.

“Laking tuwa namin nang makapasok siya bilang isang kasambahay sa isang malaking bahay. Ang kaso ay napagbintangan siyang nagnakaw, kaya siya nakulong. Iyon ang dahilan kaya hindi siya nakauwi sa inyo nang matagal na panahon,” paglalahad nito ng tunay na istorya.

Doon na tumulo ang luha ni Jacob. Hindi nila alam na ganoon pala ang nangyari sa Nanay nila!

“Bakit ho hindi niya sinabi sa amin? Para ho nakahingi kami ng tulong,” usisa niya sa babae.

“‘Yan din ang sabi ko sa kaniya noon. Kaso ayaw niya, kasi gagastusan niyo pa raw siya,” naiiling na kwento nito.

“Nakulong ang nanay niyo nang matagal. Napauwi lang siya sa Pilipinas dahil nga na-stroke siya. Kung hindi siya nagkasakit, marahil ay nasa kulungan pa rin siya hanggang ngayon.”

Hindi maiwasan ni Jacob na mapahagulhol. Napakaraming pagdurusa rin pala ang sinuong ng kanilang ina para lamang sa kanila.

Mali pala siya na magalit sa kanilang ina. Naging biktima lang din ito ng mapait na kapalaran.

Dalawang kahon ang iniabot ni Teresa sa kaniya.

“Ano ho ito?” takang usisa niya.

“Matagal niya na sigurong gustong umuwi at ibigay ito sa inyo ngunit hindi niya alam kung papaano.”

Nang buksan niya ang mga kahon ay mas lalo siyang nanlumo. Nakapaloob doon ang dalawang cellphone, na pawang mga lumang modelo na usong-uso noon. Alam niya na para iyon sa kanila ni Bianca.

Hinding-hindi makakalimutan ni Jacob matagal niyang iniungot sa kanilang ina ang cellphone na iyon. Subalit hindi na nito iyon naibigay sa kanila.

Nang makaalis si Teresa ay hindi na siyang nagpatumpik-tumpik pa. Tinungo niya ang nursing home upang kunin doon ang kanilang ina.

Napakatagal nito namuhay mag-isa. Hindi niya hahayaan na mangyari ulit iyon. Nang makita niya ang ina ay niyakap niya ito nang sobrang higpit habang paulit-ulit na sinasambit ang salitang “Patawad.”

Hindi man ito magsalita ay ramdam niya ang tuwa ng ina, lalo na noong tumulo ang luha nito.

Pinapangako ni Jacob, babawi siya sa kaniyang ina. Ibabalik niya ang lahat ng sakripisyo nito.

Advertisement