Hiniwalayan ng Babaeng Ito ang Nobyo dahil sa Kaniyang Nakaraan, Ano nga ba ang Nakaraang Labis Niyang Tinatago?
“Hoy, Maria! Ano ‘yong nabalitaan kong nakikipaghiwalay ka raw sa bagong nobyo mo? Nahihibang ka na ba? Papakawalan mo ang isang lalaking may trabaho, mahal ka, at kayang-kaya ka buhayin?!” sermon ni Alliah sa kaniyang matalik na kaibigan, isang gabi nang sadyain niya ito sa bahay matapos niyang matanggap ang balitang iyon.
“Tama ‘yong nabalitaan mo, nakipaghiwalay nga ako sa kaniya. Natatakot kasi akong baka hindi niya matanggap ang nakaraan ko,” sagot ni Maria habang naglalaba ng kaniyang mga uniporme.
“Ano sa nakaraan mo ang hindi niya matatanggap, ha?” tanong pa nito sa kaniya.
“Hindi ba’t may kinasama na akong lalaki dati at mayroon na akong anak? Hindi ko pa nasasabi ‘yon sa kaniya at ngayon, natatakot ako na husgahan at iwan niya ako kapag nalaman niya ang katotohanan kaya, inunahan ko na siya kaysa ako pa ang masaktan sa huli,” nakatungo niyang sambit, bakas sa mga mata niya ang sakit na nararamdaman.
“Diyos ko, Maria! Kung mahal ka talaga no’n, matatanggap niya ang nakaraan mo! Hindi mo pa sinasabi sa kaniya, nag-iisip ka na agad ng maaaring mangyari! Kung ako sa’yo, umamin ka na sa kaniya!” sigaw nito sa kaniya.
“Natatakot ako!” tugon niya saka agad nang napaiyak dahilan para yakapin siya ito nang mahigpit at pakalmahin.
Mag-isa nang tinataguyod ng babaeng si Maria ang isang taong gulang niyang anak sa pagkadalaga simula pa lamang nang siya’y manganak.
Anak niya ang batang ito sa kauna-unahan niyang nobyo na agad niyang kinasama sa iisang bubong. Sila’y naghiwalay matapos niyang malamang may iba pa itong kinakasama bukod sa kaniya.
Sobrang sakit man ng nararamdaman niya nang mga araw na ‘yon, siya’y nagpatuloy pa rin sa buhay para sa anak niyang nasa sinapupunan pa lamang niya noong mga panahong iyon.
Nang bahagya na niyang maibalik ang lakas mula sa panganganak, agad siyang naghanap ng trabaho habang alaga ng kaniyang ina ang anak niya upang may maipangtustos sa mga pangangailangan nito.
Sa kabutihang palad, agad naman siyang nakahanap ng trabaho sa isang mall at doon niya pa natagpuan ang kanilang binatang manager na talaga nga namang pinatunayan ang pagmamahal sa kaniya.
Lahat ng gustuhin niya, binibigay nito, hinahatid-sundo siya, at labis siyang pinahahalagahan dahilan para agad niya na rin itong sagutin.
Kaya lang, nang makaramdam siya ng takot sa maaari nitong maging reaksyon kapag sinabi niyang may anak na siya sa ibang lalaki, agad niya itong hiniwalayan na ikinagulat ng kaniyang mga katrabaho.
Nang gabing iyon, siya’y labis na pinaliwagan ng kaniyang matalik na kaibigan na katrabaho niya rin sa naturang mall. Wika pa nito, “Kung negatibo o positibo man ang magiging reaksyon niya, ang mahalaga, naging totoo ka sa kaniya,” dahilan para siya’y talagang makumbinsing sabihin dito ang katotohanan.
Kinabukasan, kahit na nanginginig ang tuhod niya sa kaba, niyaya niya itong makipag-usap pagkatapos ng kanilang trabaho na kaagad nitong sinang-ayunan.
Hinihintay siya nito sa parking lot kung nasaan ang sasakyan nito at doon sila nag-usap.
“Nagsisisi ka na dahil hiniwalayan mo ang isang gwapong katulad ko?” biro nito bahagya niyang ikinangiti.
“Hindi lang ‘yon! Narito ako ngayon para sabihin sa’yo ‘yong rason bakit ako nakipaghiwalay sa’yo,” seryoso niyang wika. “O, sige, makikinig ako sa’yo,” tugon nito saka humarap sa kaniya.
“Natatakot kasi akong baka iwan mo ako kapag nalaman mo ang nakaraan ko,” sambit niya pa na ikinapagtaka nito.
“Bakit naman kita iiwan dahil sa nakaraan mo?” tanong nito.
“May anak na kasi ako, isang taong gulang na. Anak ko siya sa dating kinakasama ko,” nakatungo niyang sambit habang kinukurot-kurot ang daliri niya dahil sa sobrang kaba.
“Ibig sabihin, ikaw lang ang mag-isang bumubuhay sa bata?” pang-uusisa pa nito, agad naman siyang tumango-tango at laking gulat niya nang yakapin siya nito, “Simula ngayon, hindi mo na mag-isang aalagaan ang batang iyon. Sobra akong humahanga sa tapang mo, Maria,” dagdag pa nito na ikinaiyak niya.
“Hindi ka nagagalit sa akin?” tanong niya rito.
“Bakit naman ako magagalit sa’yo? Mahal kita, Maria, kung ano man ang nakaraan mo, handa akong tanggapin ang lahat ng iyon,” sagot nito na lalo niyang ikinaiyak.
Agad siyang niyakag ng binata sa kanilang bahay upang makita ang kaniyang anak at lalo pa siyang napahagulgol ng sabihin nitong, “Pabinyagan natin siya, ha, tapos apelyido ko na ang ilagay mo sa pangalan niya dahil simula ngayon, ako na ang ama ng batang ito!”
Ilang araw lang ang lumipas, pinabinyagan na nga nila ang kaniyang anak na labis niyang ikinatuwa.”Ganito pala ang pakiramdam ng may taong nagmamahal sa’yo na tanggap ang nakaraan mo,” kwento niya sa kaibigang si Alliah habang sila’y nasa simbahan.
Inalok na rin siya ng kasal ng binata pagkatapos noon na agad niyang sinang-ayunan. Mabilis man ang mga pangyayari, ramdam na ramdam niyang ito na ang lalaking bubuo sa durog niyang puso.