Inday TrendingInday Trending
Iniligaw ng Ginang na Ito ang Kaniyang Anak, Sa Huli ay Konsensya at Pagsisisi ang Naramdaman Niya

Iniligaw ng Ginang na Ito ang Kaniyang Anak, Sa Huli ay Konsensya at Pagsisisi ang Naramdaman Niya

“Edna, parang hindi ko na nakikita ‘yong anak mo rito sa kalsada. Hindi ba’t araw-araw ‘yong nandito para makipaglaro sa mga bata? Minsan pa nga kapag nakikita ako no’n, nagmamano ‘yon at humihingi ng dalawang piso pangbili ng ice tubig,” pang-uusisa ni Rowie sa kaniyang kaibigan, isang umaga nang bumili ito sa tindahan niya ng isang biskwit.

“Iniligaw ko na, hindi ko na talaga kayang tustusan, eh,” diretsahang sagot ni Edna saka agad na binuksan at kinain ang biniling biskwit.

“Ano? Totoo ba ‘yang sinasabi mo?” paninigurado nito, bakas sa mukha nito ang labis na pagkagulat.

“Oo, bakit naman ako magsisinungaling sa’yo? Nahihirapan na kasi akong kumayod para lang may mapakain sa batang ‘yon. Sarili ko nga hindi ko maibili ng maayos na pagkain, eh, siya pa kaya,” dagdag niya pa na labis nitong ikinadismaya.

“Diyos ko, Edna! Parang nagligaw ka lang ng alagang hayop! Kung hindi mo mapakain, sana, sinabi mo agad sa akin o kung hindi naman, sana noon pa man, hindi ka na nagpabuntis!” sermon nito sa kaniya saka bahagyang hinablot ang buhok niyang nakalugay.

“Pwede ba, huwag ka nang mangialam?” pabalang niyang tanong dito.

“Ewan ko sa’yo, Edna, pagsisisihan mo ‘yan! Napakabait na bata no’n!” sigaw nito sa kaniya dahilan para layasan niya ito nang hindi binabayaran ang naturang biskwit.

Iniligaw ng ginang na si Edna ang pitong taong gulang niyang anak sa pagkadalaga dahil sa hirap ng buhay na kaniyang pinagdadaanan. Halos isang beses na lang kasi silang dalawa kumakain sa isang araw, swerte na kung may kanin at ulam ito dahil madalas, kung hindi mais na hiningi niya lang sa palengke, kanin at asin ang pinapakain niya rito.

Araw-araw ay tila ba isang pagsubok sa kanilang mag-ina. Nahihiya na rin siyang lumapit sa kaniyang mga kaanak at kaibigan dahil halos lahat ng mga ito ay nahingan na niya ng tulong.

Nais man niyang mahanap ng trabaho, wala naman siyang sapat na pera panggastos sa pamasahe, mga kailangan dokumento at pagkain.

Nang araw na ‘yon, wala na siyang ibang maisip na paraan para mapakain ang anak. Kaya naman, niyakag niya itong maglakad-lakad. Wika niya rito, “Pupuntahan natin ang tatay mo,” at dahil nga gustong-gusto nitong makita ang tatay, agad itong sumama sa kaniya.

Noong matantiya na niyang malayo-layo na sila sa kanilang lugar, nagpaalam siya ritong magbabanyo lamang saka na niya ito tuluyang iniwan sa harap ng isang convenience store.

Nakokonsensya man siya sa ginawa niya, pinasawalang-bahala niya ito dahil hirap na hirap na siya sa kaniyang buhay.Kinabukasan, matapos niyang kumuha ng biskwit ng hindi nagbabayad sa kaniyang kaibigan, bigla itong kumatok sa kaniyang pinagtagpi-tagping bahay. “Utang muna, Rowie! Wala talaga akong pera kahapon pa, hindi ko lang natiis ang gutom ko!” sigaw niya rito. “Sira ka talaga! Hindi ‘yon ang pinunta ko! Halika, tingnan mo itong nakita ko sa social media!” sagot nito dahilan para mapalabas siya ng bahay at tignan ang pinapakita nito sa selpon.

Halos lumuwa ang mata niya nang makita ang anak niyang binibihisan ng isang mayamang negosiyante.

“Napakagwapo ng anak mo kapag naayusan, ‘di ba?” tanong nito sa kaniya, tumango-tango lang siya habang pinagmamasdan ang litrato ng anak, “Nabasa ko pang dumagsa ang tulong mula sa mga mayayamang tao nang malaman nilang iniligaw ito ng isang ina. Nakita ko rin na maraming kumpanya sa pag-aartista ang kumukuha sa anak mo dahil sa kakisigan nito!” dagdag pa nito na labis niyang ikinagulat.

“Totoo ba ‘yan? Saglit, babawiin ko ang anak ko!” natataranta niyang wika saka agad na nag-ayos ng sarili.

“Hindi ka ba nahihiya, Edna? Kukunin mo ang anak mo ngayon dahil maaari na siyang yumaman? Pero noong mga araw na normal na bata lang siya, halos itapon mo na siya?” pangongonsenya pa nito sa kaniya dahilan para siya’y mapaisip, “Tiyak, maraming magagalit at manghuhusga sayo kapag binawi mo siya. Lalo na’t kalat na sa social media ang ginawa mo sa anak mo,” dagdag pa nito dahilan para siya’y mapaiyak na lamang.

Hindi na niya nga ginambala ang anak simula noon. Nababalitaan niya na lang ang mga tagumpay nito na labis niyang ikinasisiya habang siya’y patuloy na nakikipagbakbakan sa buhay. Wika niya habang pinapanuod ito sa telebisyon, “Katapatan mong mabuhay ng masagana, anak, pasensya ka na kay mama.”

Ilang buwan ang lumipas, nagulat siya nang sadyain siya nito sa kanilang bahay at nais siya nitong isama sa marangyang buhay na labis niyang ikinagulat.

“Kahit ganoon po ang nagawa niyo sa akin, kayo pa rin ang nanay ko. Hindi ko po kayo kayang talikuran at iwan, mama,” sambit nito na labis niyang ikinaiyak.

Doon na nga nagsimula ang maayos nilang buhay mag-ina. Ginawa niya ang lahat upang labis itong maalagaan at mapagsilbihan na ikinatuwa naman ng negosiyanteng kumupkop dito noon.

Advertisement