“Sis, daanan ka na ba namin? Nandito lang kami sa kanto ng barangay niyo, bumili kami ng pares at ilang kutkutin dito sa tindahan,” balita ni Barbie sa kaniyang kaibigan, isang gabi nang tawagan niya ito bago ang oras ng kanilang usapan.
“Naku, gising pa ang mga magulang ko! Maririnig nila ang makina ng sasakyan niyo at mahuhuling aalis na naman ako!” pabulong na sagot ni Marielle habang mag-isang nakain sa kanilang kusina.
“Hindi ka ba nagpaalam?” pang-uusisa nito sa kaniya.
“Nagpaalam ako pero ayaw akong payagan dahil nga kakauwi ko lang kaninang tanghali!” inis niyang sagot dito habang padabog na kumakain.
“Paano ka makakalabas d’yan sa bahay niyo? Hindi ba’t sa sala niyo natutulog ang papa mo?” tanong pa nito.
“Basta, ako nang bahala! Hintayin niyo na lang ako sa bahay niyo, susunod ako roon maya maya. Papakiramdaman ko muna kung tulog na sila papa,” sambit niya dito.
“O, sige, mag-ingat ka, ha? Kung hindi ka naman makapunta, ayos lang, kaysa mapahamak ka,” paalala nito sa kaniya na ikinainis niya.
“Anong ayos lang? Ayos lang sa inyong hindi ako kasama? Magpupunta pa rin ako kahit anong mangyari!” sigaw niya rito dahilan para mapatingin sa kaniya ang mga magulang niyang nanunuod ng telebisyon.
“Bahala ka! Basta, mag-ingat ka! Alis na kami!” sambit nito saka niya agad na binaba ang tawag.
“Kaklase ko po, nagtatanong tungkol sa proyekto namin,” sabi niya sa mga ito saka nagkamot ng ulo.
Kahit na may istriktong mga magulang, palaging nakakagawa ng paraan ang dalagang si Marielle upang makasama ang kaniyang mga kaibigan na pawang may sari-sarili ng bahay at malayo na sa mga magulang.
Gusto niya kasing makisabay at palaging makasama sa mga gala ng kaniyang kaibigan kahit na alam niyang pag-uwi niya, sandamakmak at katakot-takot na sermon ang matatanggap niya mula sa kaniyang ama’t ina.
Palagi siyang umaalis ng madaling araw sa kanilang bahay, kung kailan sigurado na siyang malalim na ang tulog ng kaniyang mga magulang at upang huwag malaman na umalis siya, babalik din siya kaagad bago sumikat ang araw. Sa ganitong paraan, nakagala na siya, hindi pa siya napagalitan ng mga ito.
Kaya lang, hindi lahat ng pagtakas niya ay nakakalusot dahil kung minsan, siya’y nahuhuling nagbubukas ng pintuan o kung hindi naman, nawawala sa isip niya ang oras dahil sa kalasingan at nakakauwi na ng tanghali.
Noong gabing iyon, nang malaman niyang dadating sa bahay ng kaibigan niyang si Barbie ang mga maggugwapuhang pinsan nito mula Amerika, agad siyang nagdesisyong magpunta rito.
Hinihintay niyang nakatulog ang kaniyang mga magulang upang siya’y makapag-ayos na. Ngunit, bigla namang tumawag ang isa niyang tiyuhin dahilan upang kahit alas onse na ng gabi, hindi pa rin siya nakakaalis ng bahay.
At dahil nga naaatat na siyang makita at magpakitang gilas sa mga Amerikanong iyon, nagdesisyon na siyang mag-ayos ng sarili habang nag-iisip kung paano siya makakalabas ng hindi nalalaman ng kaniyang mga magulang.
Doon niya naisip na dumaan sa bintana ng kaniyang kwarto na nasa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
“Huwag naman sana akong magalusan dito,” wika niya habang pinag-aaralan kung paano siya matagumpay na makakababa.
Nang mapag-isipan na niya ang paraang gagawin niya, agad na siyang nag-ayos at itinali ang kaniyang kumot sa kaniyang aparador upang gamitin niya itong gabay sa pagbaba.
Matagumpay siyang nakalusot sa kaniyang bintana, kaya lang, bago pa siya tuluyang makababa sa kalsada, bigla siyang nagulat sa itim na pusang tumalon mula sa bubong ng kanilang bahay sa ikalawang palapag dahilan para siya’y mapabitaw sa hinahawakan niyang tela at mahulog sa kalsada.
Malakas ang kaniyang pagkakahulog dahilan para mapasilip sa bintana ang kaniyang mga magulang. Nais man niyang kumaripas ng takbo upang tuluyang makatakas, hindi niya magawa dahil namimilipit siya sa sakit na nararamdaman sa kaniyang kaliwang paa at braso na naunang bumagsak sa semento.
Dali-dali siyang dinala sa ospital ng kaniyang ama nang sabihin niyang hindi niya maigalaw ang paa’t braso niya at pagdating nga nila roon, agad na nalaman ng doktor na nabalian siya ng buto sa parteng ito.
Kitang-kita niya ang pag-aalala sa mata ng kaniyang ama dahilan para pilitin niya itong yakapin.
“Pasensiya ka na, papa, pasaway ako,” hikbi niya.
“Maging aral na sa’yo ito, Marielle, baka sa susunod bigla ka na lang malagutan ng hininga sa kagustuhan mong makagala nang hindi namin alam,” pangaral nito na lalo niyang ikinaiyak.
Simula noon, kapag hindi na siya pinapayagan ng kaniyang mga magulang, hindi na siya nagpupumilit na gumala dahil ngayon, napatunayan na niyang lahat ng ginagawa ng kaniyang mga magulang ay para sa kaniyang kapakanan.