Biglang Nagkaproblema sa Pamamanhikan ang Anak ng Ginang na Ito, Matuloy pa Kaya ang Kasal?
“O, anak, hindi ba’t ngayong gabi tayo mamamanhikan sa pamilya ng nobya mo? Bakit hindi ka pa nagbibihis d’yan?” tanong ni Josephina sa anak niya, isang gabi nang makita niya itong nakatungo sa silid nito.
“Ah, eh, may problema po kasi sa kanila, mama,” nakatungong sagot nito.
“Ano naman ‘yon? Hindi ba pumayag ang mga magulang niya sa kasal niyo? Akala ko ba nakausap mo na ang mga magulang niya? Ipakausap mo ako, hindi pupwedeng hindi kayo ikasal dahil nagdadalantao na siya. Kawawa ang magiging apo ko,” sunod-sunod niyang sambit dahilan para mapatingin ito sa kaniya.
“Sigurado po ba kayong nais niyo silang makausap? Lalo na ang nanay niya?” mangiyakngiyak nitong tanong na ikinapagtaka niya lalo.
“Oo naman, anak! Bakit naman hindi? Matagal na kayo ng nobya mong iyon at nasa tamang edad na naman kayo. Sadyang nauna lang ang pagkakaroon niyo ng anak pero alam kong mahal niyo ang isa’t-isa,” pagpapakalma niya rito saka pinunasan ang mga luha nito.
“Sige po, mama, haharapin po natin sila ngayon,” mahinang sambit nito saka siya niyakap.
“Diyos ko, tumahan ka nga riyan! Kinakabahan ako sa’yo, eh!” sigaw niya rito saka niya ito ginantihan ng yakap.
Botong-boto ang ginang na si Josephina sa pagmamahalan ng kaniyang anak pati na ng limang taon na nitong kasintahan. Kaya naman nang malaman niyang buntis na ang dalaga, imbis na magalit, tuwang-tuwa pa siya.
Sana tamang edad na rin naman kasi ang dalawang magkasintahan, may kaniya-kaniya nang ipon at magandang trabaho at talaga nga namang malaki na ang naitutulong sa kani-kanilang pamilya kaya naman wala siyang nakikitang problema rito.
Lalo pa siyang natuwa nang nalaman niyang nagbabalak nang magpakasal ang dalawa. Agad niyang sinabihan ang anak niya noon na nais niyang makilala ang mga magulang ng dalaga.
Kaya lang, tila nagtaka siya sa kabadong mukha ng nobya nito at ng kaniyang anak. Biro niya pa nga noon sa anak, “Parang kinakahiya mo ako sa pamilya niya, ha? Dati lang naman akong maldita, hindi na ngayon!”
Palaaway kasi siya noong siya’y nag-aaral pa ngunit nang siya’y magkapamilya na, siya’y nagbago para sa kapakanan ng kaniyang anak kaya ito ang palagi niyang ginagawang biro sa tuwing ayaw siyang isama ng anak sa mga pagdiriwang.
Nang gabing iyon, kahit na may kaba siyang nararamdaman, sumama pa rin siyang mamanhikan sa bahay ng dalaga. Katwiran niya, “Mabuti naman ang intensyon namin, bakit ako kakabahan?”
Ngunit, pagkababa niya pa lang sa sasakyan at makita ang ginang na naghihintay sa gate ng isang bahay, bigla nang tumaas ang dugo niya.
“Kapag sinuswerte ka nga naman, nagkita na naman tayo, Josephina!” bati ni Emma sa kaniya, isa sa mga kaaway niyang babae noon na bumangas sa mukha niya.
“Ikaw ang nanay ng nobya ng anak ko?” tanong niya rito.
“Oo, eh, kung alam ko lang talagang anak mo ‘yan, sana noon pa man hindi ko na hinayaang manligaw ‘yan dito sa amin,” taas kilay nitong sambit. Sasagot pa lang sana siya nang hawakan na siya ng kaniyang anak.
“Mama…” tangi nitong sambit dahilan para kumalma siya.
Pinapasok sila nito sa naturang bahay at hinandaan ng makakain.
“Parang kahit ayaw nating dalawa, kailangan na nating magbati, ano? May sanggol na sa sinapupunan ng anak ko, eh,” sambit pa nito sa kaniya habang tahimik silang nakain.
“Ayoko pa rin,” sagot niya.
“Tita…” mangiyakngiyak na sambit ng nobya ng kaniyang anak saka hinawakan ang kamay niya, “Para na lang po sa amin ng anak niyo,” dagdag pa nito saka humagulgol sa kaniya.
Nakita niya na ring umiiyak na ang kaniyang anak dahilan para siya’y mapapayag ng mga ito. Halos mapatalon sa tuwa ang anak niya at mapayakap nang mahigpit sa kaniya.
Sa unang pagkakataon din, nakita niyang ngumiti sa kaniya ang ginang na iyon na noon ay talagang nagbibigay ng labis na inis sa kaniya.
“Salamat, Josephina, naaawa rin ako sa mga bata kaya pumayag din ako sa kagustuhan nila,” nakangiti nitong wika.
“Salamat din sa’yo, tanggap mo ang anak ko at pinili mong isantabi ang nakaraan natin para sa kanilang pagmamahalan,” sambit niya na talagang ikinatuwa nito.
“Wala ‘yon, halika, mag-inuman tayo roon!” yaya nito saka siya agad na hinila patungo sa beranda ng naturang bahay.
Doon niya mas nakilala ang naturang ginang at siya’y napanatag dahil maayos na pamilya ang mapapakasalan ng kaniyang anak.
Ilang buwan pa ang dumaan, tuluyan na ngang ikinasal ang kaniyang anak na labis niyang ikinatuwa.
“Ito ang isa sa mga tamang desisyong ginawa ko sa buong buhay ko,” wika niya sa sarili habang nakikipagkamay sa kaniyang kaaway noon na ngayong balae na niya.