Takang-taka ang Ginang sa Biglaang Pag-asenso ng Pinsang Mahirap; Nagbebenta nga Kaya ito ng Ilegal na Bagay?

“Jersie, nakita mo ba ‘yong post ng pinsan mo sa social media? May bago na naman siyang sasakyan! Hindi ba’t nakakapagtaka kung saan niya nakukuha ang pera niya pangbili ng mga ganoong bagay?” nguso ni Honey sa kaniyang pinsan, isang umaga nang makasabay niya ito sa pamimili ng gulay sa palengke.

“Oo nga, eh, nakita ko rin ‘yon. Nagtataka rin ako pero hinahayaan ko na lang. Lamang ang kasiyahang nararamdaman ko sa unti-unting tagumpay ng pinsan natin!” nakangiting sagot nito habang namimili ng kamatis na bibilhin.

“Alam mo, pakiramdam ko, may ilegal na ginagawa ‘yan kaya agad na nakakabili ng mga gan’yang gamit. Pustahan tayo bukas makalawa may bagong bahay na ‘yan!” bulong niya pa rito dahilan para manlaki ang mata nito.

“Anong ilegal na gawain naman ang iniisip mo?” tanong nito sa kaniya.

“Panigurado, nagbebenta ‘yan ng nakaw na gamit o kung hindi naman, pinagbabawal na gamot! Hindi ba’t kakalaya lang ng asawa no’n sa kulungan? Malamang, bumalik na naman ‘yon sa bisyo at sinama na siya!” sambit niya habang iiling-iling na ikinabuntong-hininga nito. 

“Diyos ko, huwag naman sana, kawawa ‘pag nagkataon ang mga anak niya!” wika nito dahil sa pagkadismaya.

“Gusto nila ‘yon, eh! Hayaan mo silang makulong nang sabay!” tugon niya pa saka namili na rin ng mga gulay na kaniyang bibilhin.

Labis na nagtataka ang ginang na si Honey sa biglaang tagumpay na naaabot ng pinsan niyang noon ay nanghihingi lamang ng kaning lamig at chicharon sa kanila para lamang may mapakain sa mga anak.

Advertisement

Bigla kasi itong umasenso sa buhay nang walang ginagawa. Halos araw-araw na lang siyang nagugulat sa mga larawan ng kotse, masasarap na pagkain, mamahaling mga gamit, sapatos, bag at kung ano pa mang naggagandahang bagay na inilalagay nito sa social media.

Aminado siyang siya’y naiinggit sa buhay na mayroon ito ngayon lalo na’t hirap ang buhay niya ngayon sa kaniyang bagong asawa. Kaya lang, sa isip-isip niya, “Hindi dapat ako mainggit dahil sigurado akong dahil ‘yan sa masamang gawain!”

Hindi niya rin ito maikaila dahil alam niyang dating lulong sa pinagbabawal na gamot ang asawa nito. Roon niya naisip na baka ito ang dahilan ng biglaang pag-asenso nito na agad niyang binalita sa isa niya pang pinsan nang magkita sila sa palengke.

Nang araw pang iyon, pagkauwi niya galing sa palengke, binaba niya lang ang kaniyang mga pinamili at agad nang tinignan kung may bago itong post sa social media.

Katulad ng inaasahan niya, may bago na nga itong bahay at lahat silang magpipinsan ay iniimbatahan na magpunta roon para sa isang munting salu-salo.

Agad siyang pinadalhan ng mensahe ng pinsan niyang nakasabay sa palengke. Wika nito, “Parang ayokong magpunta, Honey, baka totoo nga ang sinasabi mo at biglang magpunta roon ang mga pulis, madamay pa tayo!”

“Magpunta tayo para malaman natin ang sikreto niyan! Kung mapatunayan nating ilegal ang pinagkakakitaan nila, tayo mismo ang magsumbong sa mga pulis!” tugon niya na sinang-ayunan nito.

Kinabukasan, maaga silang nagpunta roon ng pinsan niyang si Jersie. Pagdating nila roon, silang dalawa pa lang ang bisita dahilan para makakwentuhan nila ito.

Advertisement

At dahil nga hindi na siya makatiis, agad na niya itong inusisa.

“Magkano ang bentahan niyo ngayon?” diretsahang tanong niya rito dahilan para kurutin siya ng isa niyang pinsan.

“Bentahan? Ng alin?” pagtataka nito.

“Sa amin ka pa nagtago! Hindi ba’t nagbebenta kayo ng masamang gamot? Kaya kayo umasenso, hindi ba?” wika pa nito na ikinatawa nito.

“Diyos ko, Honey! Hindi kami nagbebenta, ‘no! Nagbago na ang asawa ko kaya nga siguro pinagpala kami ng Panginoon at nanalo kami sa lotto. Isang beses lang kaming tumaya ng asawa ko noon. Huling bente pesos na nga namin ‘yon, eh, tapos bigla kaming nanalo! Kaya ikaw, Honey, magbago ka na rin, malay mo, ikaw na ang susunod na swertehin,” kwento nito na ikinagulat nilang dalawa, sasagot pa lang sana siya nang bigla nang dumating ang iba nilang pinsan na agad na bumati sa pagkapanalo nito.

Nais na niyang agad na umalis nang mga oras na iyon. Hiyang-hiya siya sa sinabi niya lalo pa nang magbigay na ito ng tulong pinansiyal sa kanilang lahat.

“Pasensiya ka na sa akin, ha, naiinggit lang talaga ako sa buhay na mayroon ka ngayon,” bulong niya rito nang abutan siya ng sobre. 

“Wala ‘yon, Honey, handa pa rin akong tulungan ka,” sagot pa nito dahilan para mayakap niya ito nang mahigpit.

Advertisement

Simula noon, natuto na siyang maging masaya sa tagumpay ng pinsan niyang ito at maging kuntento sa buhay na mayroon siya.

Iniwasan niya na ring magpakalat ng walang katunayang mga isyu lalo na’t alam na niya ang pakiramdam nang mapahiya.