
Sumama ang Loob ng Lolang Ito sa Kaniyang Anak at Manugang Kaya Nag-Alsa Balutan Siya at Bumalik sa Bayang Tinubuan; Magkakaayos Pa Ba Sila?
“Yung Nanay mo kung saan-saan na umiihi. Ang panghi-panghi sa sahig ng CR natin. Nag-uulyanin na yata.”
Iyan mismo ang narinig ni Lola Sela mula sa kaniyang manugang na si Marvin habang kausap nito ang kaniyang anak na si Geneva.
“Grabe ka naman makapagsalita sa Nanay! Siyempre masakit na ang kaniyang mga kasu-kasuan. Intindihin mo na lang,” pagtatanggol naman ni Geneva sa kaniyang ina.
“Hindi ba’t binilhan mo na siya ng arinola? Bakit kailangan pa niyang magpunta sa CR kung hindi na niya kayang umupo sa inidoro para swak na swak ang ihi niya?”
“Hayaan mo, kakausapin ko ang nanay.”
Kaya naman labis na sumama ang loob ni Lola Sela. Pakiramdam niya, wala na siyang silbi. Patapon na siya. Isang desisyon ang ginawa niya. Nag-alsa balutan na siya at walang paalam na naglayas. Wala na siyang pakialam kung saan siya mapadpad.
Hanggang sa naisipan niyang bumalik na lamang sa bayang tinubuan niya: sa Tuguegarao, Cagayan. Pinara niya ang isang nagdaang taxi.
“Mama, pakibaba nga ako sa terminal ng bus pabiyaheng Cagayan,” saad niya.
Mabuti na lamang at masinop sa pera si Lola Sela. Hindi isyu sa kaniya ang pera dahil hindi naman siya palagastos sa mga perang ibinibigay sa kaniya ni Geneva, o kahit sa mga kinikita niya noong naghahabi pa siya ng mga banig at iba pang mga tela. Inilalagay niya ito sa isang malaking panyo, at kadalasan ay inilalagay sa loob ng kaniyang bra, o minsan, sa bulsa ng kaniyang panty.
Ilang oras din ang byahe ng bus at 30 minuto sa traysikel bago nakarating si Lola Sela sa kanilang lumang kubol, malapit sa palayan. Nakita niyang halos sira-sira na ito at giray na. Nangilid ang luha ni Lola Sela. Nanumbalik sa kaniyang gunita ang mga panahong buhay pa ang kaniyang mister na si Lolo Kadyo, at simple lamang ang kanilang pamumuhay kasama ang kanilang anak na si Geneva, na may mataas na pangarap. 13 taon na siyang hindi nakapupunta rito sa kanilang lumang bahay.
Agad niyang hinanap ang lumang makina niya ng panghabi. Ito ang ginagamit niya sa magagandang doormat, mga mourzouk o makakapal na basahan, alpombra, panapin sa sahig, at mga entrepanyo sa dingding. Ito lamang ang naiisip niyang paraan kung paano magsisimula ng panibagong buhay.
Nanginginig-nginig man ang kaniyang mga kulubot na kamay, at hindi na kagaya ng dating matalas ang kaniyang mga paningin at maliksi ang kaniyang mga kilos, paunti-unti ay nakagawa pa rin ng mga hinabing tela si Lola Sela. Hindi pa rin nawala sa kaniya ang husay ng paghahabi.
Nang makapaghabi ng ilang mga tela, nakaramdam ng kasiyahan si Lola Sela. Bukas na bukas din ay ilalako niya ito sa palengke.
Kaya naman, ikinagulat ng mga nakakikilala sa kaniya nang makita siyang nagtitinda sa palengke ng kaniyang mga hinabing tela.
“Aba’y Sela, nakabalik na ba kayo? Nasaan ang anak mong si Geneva at ang mga apo mo?” usisa sa kaniya ng isa sa mga tindera sa palengke na si Aling Narcing.
“Ako lang ang narito. Hinahanap-hanap ko na kasi itong Tuguegarao. Hinahanap-hanap ng katawan ko ang paghahabi. Bumili ka na sa akin,” alok ni Lola Sela sa kaniya.
Marami naman ang nakakuha ng atensyon sa mga paninda ni Lola Sela, gayundin sa kaniyang kahabag-habag na kalagayan, dahil nakaupo lamang siya sa bangketa at inilatag ang kaniyang paninda. Isang turistang taga-Maynila ang nabighani sa kaniyang mga habing tela at nagpaalam kay Lola Sela na nais niyang makuhanan ito ng selfie kasama niya.
Simula nang i-post ng naturang turista ang kanilang larawan, agad na sumikat at naging trending si Lola Sela. Marami sa mga netizens ang humanga sa kaniyang mga likhang habing tela na bibihira na lamang makita ng mga tao. Marami rin ang nagnais na magpaabot ng tulong sa kaniya.
Kaya naman hindi na nagtaka pa si Lola Sela nang isang umaga, bumungad na sa kaniya ang anak na si Geneva at ang manugang niya. Agad siya nitong niyakap.
“Nanay, salamat sa Diyos at narito lamang pala kayo! Nag-alala kami sa inyo, akala ko kung saan na kayo nagsuot,” lumuluhang sabi ni Geneva.
“Nanay, patawarin po ninyo ako sa mga nasabi ko tungkol sa inyo. Masyado po akong nagpadalos-dalos at hindi ko na po naisip ang damdamin at paggalang sa inyo. Taos-puso po akong humihingi ng dispensa. Bumalik na po kayo sa amin,” paghingi naman ng tawad ng kaniyang manugang.
Nagkapatawaran naman sila subalit mas pinili na lamang ni Lola Sela na manirahan sa kanilang lumang bahay at huwag nang umalis sa kaniyang bayang tinubuan. Mas maligaya siyang naroon habang ginagawa ang mga bagay na madalas niyang ginagawa noon.
Pumayag naman si Geneva basta’t buwan-buwan nilang dadalawin ang matanda. Ipinaayos na rin nila ang mga sirang bahagi ng kubol, pinakabitan ito ng sariling kuryente at tubig, at dinagdagan ng iba pang mga kasangkapan upang mas maging komportable ang pamumuhay ni Lola Sela.