Inday TrendingInday Trending
Rakitera ang Gurong Ito Kaya Napabayaan Niya ang Kaniyang Kalusugan; May Mapagtatanto Siya Habang Nasa Banig ng Karamdaman

Rakitera ang Gurong Ito Kaya Napabayaan Niya ang Kaniyang Kalusugan; May Mapagtatanto Siya Habang Nasa Banig ng Karamdaman

Isang ‘certified rakitera’ si Josie kaya naman hindi na nakagugulat kung may anim siyang pinagkakakitaan at pinagkakaabalahan sa buhay.

Una, siya siyang full-time na guro sa pampublikong paaralan na kaniyang pinagtuturuan. Pagdating sa trabaho bilang guro, hindi niya isinasakripisyo ang kalidad ng kaniyang pagtuturo. Sanay na siyang malaki ang kaniyang eye bags dahil sa kagagawa ng mga kagamitang panturo para sa kaniyang mga leksyon. Gumugugol siya ng oras sa pananaliksik, pagbabasa, at pag-aaral ng mga paksa, na ilalagay niya sa kaniyang banghay-aralin. Bukod pa riyan ang pagwawasto sa mga gawa ng mga mag-aaral, at pabibigay ng feedback sa kanila.

Tuwing hapon hanggang gabi, inilalaan na niya ito sa kaniyang mga ‘raket.’ Pangalawang pinagkakakitaan niya ang pagiging isang financial advisor.

Pangatlo, isa rin siyang real-state agent. Pang-apat, isa rin siyang manunulat sa isang publikasyon. Panlima, nagbebenta siya ng mga produktong pampaganda. Pang-anim at panghuli, nagsasagawa siya ng live online selling ng mga damit na RTW, sapatos, at mga bag na class A.

Masiglang-masigla talaga at punumpuno siya ng enerhiya!

“Ikaw na talaga ang makabagong Curacha, ang babaeng walang pahinga, friend!” pabirong sabi sa kaniya ng beking kapwa guro na si Danny. “Buti kinakaya mo ang mga ginagawa mo. Alipin ka ba ng salapi?”

“Sira ka! Hindi ako alipin ng salapi. Wala lang, sanay lang ako na maraming ginagawa, at takot akong mawalan ng pera lalo na sa panahon ngayon. Hindi natin masasabi ang panahon, friend. Malay mo may trabaho tayo ngayon, bukas-makalawa, wala na,” pahayag naman ni Josie habang ina-update niya ang kaniyang talaan ng mga marka.

“Wala ka nang panahon para sa love life mo! Makipag-date ka naman, friend. May irereto ako sa iyo. Alam mo ba, noong nakita ka niya sa social media, wala nang humpay sa katatanong sa akin, gusto ka niyang makilala. Pinsan ko!”

“Hay naku, Danny, tigilan mo nga ako. Wala akong panahon sa gan’yan. Alam mo namang nadala na ako sa karanasan ko sa una at huling boyfriend ko. Tama na. Ayoko nang magpakatanga. Baka matulad lang sa kaniya na humanap ng iba dahil wala raw kuno akong oras para sa kaniya,” saad ni Josie.

“Hindi ganoon ang pinsan ko. Eh paano ka niyan liligaya kung ganyan ka? Paano ka makakapangasawa niyan?” giit pa ni Danny.

“Danny,” at humarap na si Josie sa kaniyang kausap. “Hindi naman ibig sabihin na wala akong jowa ngayon eh hindi na ako masaya. Masaya ako sa kung ano ang estado ng buhay ko ngayon.”

Naputol ang kanilang pag-uusap nang tumunog ang belll, hudyat na tapos na ang recess at balik na sa mga klase. At dahil may klase si Danny, nagpaalam na ito sa kaniya.

Bata pa lamang si Josie, bantad na siya sa pagtatrabaho. Lumaki siya sa mahirap at malaking pamilya. Kung may naging idolo man siya sa pagiging rakitera, iyan ay nakamulatan niya sa kaniyang Itang at Inang, na doble-doble ang kayod para lamang may maipakain sa kanilang magkakapatid, at mapagtapos sila ng pag-aaral.

Nagpapasalamat naman siya dahil naiahon na niya ang pamilya at sarili sa kahirapan. Ang mga kapatid niya ay may sari-sarili na ring pamilya, at maipagmamalaki niyang wala ni isa sa kanila ang napariwara: salamat sa inspirasyong dulot ng kasipagan ng kanilang mga huwarang mga magulang. Nakuha nila ang konsepto ng kasipagan, na madalas ay naaabuso naman.

Isang araw, dumating ang hindi inaasahang pandemya. Isinagawa ang pagtuturo sa pamamagitan ng modular at online class. Nakasabay si Josie dahil marami siyang mapagkukunan ng kita. Nakapag-ipon siya kaya nakapagpakabit siya ng residential internet plan, at nakabili ng mga bagong gadget at kagamitan upang maging mas epektibo ang pagtuturo.

Mas lalo niyang pinag-igihan ang kaniyang mga raket, at humanap pa ng mga karagdagan, kahit hindi na siya nakakatulog nang maayos. Dumating sa punto na dalawa o tatlong oras na lang ang tulog niya dahil nagsasabay-sabay lahat.

Subalit nahinto ang lahat nang tamaan siya ng virus. Mabuti na lamang at napaayos na niya ang kanilang bahay at may sarili na siyang kuwarto kaya naging posible ang self-quarantine. Hinang-hina siya. Marahil, bumagsak nang malala ang kaniyang resistensya dahil sa kaniyang labis na pagod.

Ngunit lumala ang kaniyang panghihina kaya naman isinugod na siya sa ospital. Ayon sa doktor, nagsabay-sabay na raw ang ‘fatigue’ o labis na pagkapagod at ang pag-atake ng virus. Mababang-mababa ang morale ni Josie dahil hindi siya malapitan ng kaniyang mga kaanak upang maalagaan siya.

“Panginoon, Ikaw na po ang bahala sa akin,” usal ni Josie habang nangangapos ang kaniyang paghinga. Ipinagkatiwala na niya sa Kaniya ang lahat.

Makalipas ang tatlong linggo sa ospital, sa awa ng Diyos ay gumaling naman si Josie. Malaking tulong sa pinansyal na aspeto ang kaniyang mga kinita sa raket, dahil may nagastos pa rin ang kaniyang pamilya sa araw-araw, at may naipambili sa kaniyang gamot.

“Huwag mo nang intindihin ang mga perang nagastos natin anak, ang mahalaga, gumaling ka na. Ikaw naman ang pinakamahalaga. Saka isa pa, maaari ba anak, maghinay-hinay ka sa mga raket mo? Magpahinga ka rin. Mahalaga ang pera subalit mas mahalaga pa rin ang kalusugan, ito ay kayamanan,” pangaral ng kaniyang ina.

“Tatandaan mo anak, walang masama sa kasipagan. Pero lahat ay may hangganan. Lahat ng mga bagay na sobra o labis ay nakasasama.”

Sinunod ni Josie ang payo ng kaniyang ina. Tumimo ito sa kaniyang puso at isipan. Marami siyang napagtanto noong siya ay nasa banig ng karamdaman. Mahalaga ang pera at trabaho ngunit may mas marami pa ring mahalaga na hindi na niya napagtutuunan ng pansin. Lahat ay hihinto kapag masama ang iyong pakiramdam. Hindi mo magagawa ang mga bagay na para sa iyo ay mahalaga, lalo na ang trabaho.

Oras sa kaniyang pamilya.

Saglit na pamamahinga at pangangalaga sa kalusugan.

Oras para sa sarili.

Bagama’t nakabalik na sa trabaho at patuloy pa rin sa ilang mga raket, tiniyak ni Josie na kumakain na siya ng masustansiyang pagkain, nagpapahinga at natutulog nang sapat sa oras, neg-eehersisyo, at umiinom ng bitamina. Naglalaan na rin siya ng oras para sa kaniyang paglilibang. Sa katunayan, pumayag na siya sa blind date nila ng pinsan ni Danny.

Matapos ang ilang buwang pagde-date, nahulog na ang damdamin nila sa isa’t isa, at naging magkasintahan sila. Tumagal ang kanilang relasyon ng dalawang taon, hanggang sa sila ay nagpakasal.

Makalipas ang ilang taon ay masayang-masaya sila kapiling ang kanilang dalawang anak, habang katuwang ni Josie ang mister na si Fred sa pagpapalago ng kanilang negosyo.

Advertisement