Nagtataka ang mga Ginang na Ito Kung Bakit Ninanakaw ang mga Halaman Nila sa Kanilang mga Bakuran; Matuklasan Kaya Nila Kung Sino ang Kawatan?

Inis na inis na naman si Aling Myrna sa kaniyang paggising nang mapansin niyang nawawalan na naman siya ng mga halaman sa kaniyang bakuran.

“Ganoon na ba kahirap ang buhay? Pati mga nananahimik na halaman, ninanakaw pa!” bulalas ni Aling Myrna. Ang lalong kinaiinisan niya, pinuntirya pa ang kaniyang kabibili at kapapalago pa lamang na tulips na paborito niyang mga bulaklak.

Nasa gayong eksena si Aling Myrna nang maraanan siya ni Aling Judith na kahilera lamang ng kanilang bahay.

“Umagang-umaga, sambakol ang mukha mo. Bakit?” usisa nito sa kaniya.

Napabuntung-hininga si Aling Myrna.

“Eh kasi nawalan na naman ako ng halaman, at yung mamahalin pa! Pangatlong beses na ito eh. Pati ba naman mga halaman ninanakaw pa, eh makikita naman iyan sa paligid!”

serious florist standing with arms crossed in a small flower shop - asian woman gardening stock pictures, royalty-free photos & images

“Hay naku, ako rin! Noong isang araw, napansin ko nawala yung mga snake plants sa harapan ng bahay ko. At balita ko, talagang may mga kalugar tayo na nawawalan ng mga halaman. Matindi na talaga ang pangangailangan ng mga tao ngayon! Pati halaman, pinapatos. Sabagay, malaki talaga ang kita sa paghahalaman ngayon, patok na patok ngayon. Ano nga yung bagong termino ngayon kapag nag-aalaga ka ng halaman?”

“Plantito at plantita,” tugon naman ni Aling Myrna. “Wala kasing CCTV dito sa atin kaya hindi natin malaman kung sino ba ang Herodes na kumukuha ng mga halaman na iyan. Mamaya, pupunta ako sa barangay para i-report na ito. Imumungkahi ko na magkaroon ng CCTV sa bawat kalye natin para malaman natin kung sino ba ang kawatan na iyan. Tama ka, napagkakakitaan kasi ito ngayon.”

Advertisement

Sumang-ayon naman dito si Aling Judith. “Ay tama ka riyan. Mabuti pa nga. Baka kasi mamaya hindi na lang halaman ang nakawin nila. Baka mamaya pati mga bahay natin, looban na. “

Matapos makakain, mapaliguan ang mga anak, at makapaghugas ng pinggan, nagtungo na si Aling Myrna sa kanilang barangay hall upang maghain ng reklamo hinggil sa nakawan. Hindi naman nasorpresa ang barangay chairman nang marinig ito.

“Oo nga, misis. Marami na ngang reklamo tungkol diyan. Huwag kayong mag-alala at magtatalaga na tayo ng mga barangay tanod na gabi-gabing roronda. Salamat po sa pagiging vigilante,” pasasalamat ng barangay chairman.

portrait of serious senior man on white background - asian old man serious face stock pictures, royalty-free photos & images

“Maraming salamat po, Kap. Iminumungkahi ko po na sana po, magkaroon ng CCTV sa bawat kalye natin para talagang may ebidensya tayo kung sino ang kawatan,” giit ni Aling Myrna.

Tumango-tango naman ang barangay chairman at sinabing gagawin niya ang lahat upang makapangalap ng pondo, at upang mapakabitan ng CCTV ang bawat kalye sa kanilang barangay.

Nang sumunod na mga gabi ay tila lumala ang nakawan ng mga halaman sa kanilang barangay. Hindi pa kasi naikakabit ang mga CCTV. Iyan ang pinag-usapan nila ni Aling Judith nang sila ay magkitang muli.

“Kailangang malaman ko kung sino ang gumagawa niyan. Kailangang malaman ko. Hindi na siya nakakatuwa.”

Kaya naman, nang gabing iyon ay hindi talaga natulog si Aling Myrna at Aling Judith. Dalawa kasi sila sa pinagnanakawan dahil magaganda ang kanilang mga halaman, kaya minarapat na nilang alamin kung sino ang kawatan.

Advertisement

Mga bandang alas 2:00 ng madaling-araw, nakita na nga ni Aling Myrna ang isang tila bulto ng tao sa kaniyang bakuran. Agad niyang tinawagan si Aling Judith.

“Mabuti at hindi ka pa nakatulog. Heto na. May nakikita na ako sa bakuran ko. Susundan ko siya, pero sana, ikaw na ang bahalang magsabi sa kakilala mong barangay tanod para may back-up tayo.”

Palihim na sinundan ni Aling Myrna ang lalaking kumuha ng kaniyang halaman, na tantiya niya ay nasa 17 hanggang 19 na taong gulang. Si Aling Judith naman ay nagtungo sa barangay upang magsumbong. Maya-maya, ikinagulat ni Aling Myrna kung saan nagtungo ang naturang lalaki. Sa bahay ng kanilang kalugar na si Aling Mercy, na gising na gising pa rin dahil nagsasagawa ng live online selling ng mga halaman.

“Aling Judith, dito kayo magpunta sa bahay ni Aling Mercy… pakibilisan!”

At nagtungo na nga roon sina Aling Judith, kasama ang barangay chairman at ilang mga tanod. Napag-alamang si Aling Mercy pala ang nagpapautos sa kaniyang anak na tinedyer na manguha ng mga halaman sa kani-kanilang mga kapitbahay, para may maibenta sa kaniyang live online selling.

old aged woman covering her face with her hands - asian old woman covering her face stock pictures, royalty-free photos & images

Nakipag-areglo na lamang si Aling Mercy sa mga nagreklamo sa kaniya at nagbigay ng danyos-perwisyo sa mga sambahayan na nanakawan ng mga halaman, batay sa itinakda ng barangay. Itinigil na rin niya ang kaniyang live online selling dahil nawalan na rin siya ng kredibilidad sa kaniyang mga customers, na karamihan sa kanila ay kalugar lamang nila.