Inday TrendingInday Trending
Sinolo ng Babaeng Ito ang Napanalunang Premyo sa Lotto; Nang Maghirap Siyang Muli ay Pagsisisihan Niya Pala Ito

Sinolo ng Babaeng Ito ang Napanalunang Premyo sa Lotto; Nang Maghirap Siyang Muli ay Pagsisisihan Niya Pala Ito

Halos magtatalon na sa tuwa si Kathy nang malamang napanalunan niya ang grand prize sa lotto! Ganoon pa man ay pinilit pa rin niyang pigilan ’yon at pinanatiling walang reaksyon ang kaniyang mukha upang hindi iyon mahalata ng kaniyang mga kapamilya.

“Ate, kakain na raw, sabi ni mama,” tawag sa kaniya ng kaniyang bunsong kapatid. Nakasilip ito sa kaniyang silid habang nakakapit sa hamba ng kaniyang pintuan.

“Sige, sabihin mo susunod na ako mamaya,” sagot naman niya.

“E, sabi ni mama, huwag daw akong bumalik doon nang hindi ka kasama. Puro ka na naman daw kasi mamaya. Ayaw mo ngang tumulong sa paghahain man lang, e,” kakamot-kamot namang sabi sa kaniya ng kapatid na agad namang sinimangutan ni Kathy.

“Halika na nga! Nakakaasar!” anas niya dahil doon bago niya hinila palabas ng kwarto niya ang kapatid.

Bente-sais anyos na si Kathy at hanggang ngayon ay nakapisan pa rin siya sa kaniyang ina na siyang nag-iisa na lang nilang magulang. Wala siyang trabaho at hanggang ngayon ay ‘palamunin’ pa siya ng ina. Tamad kasi si Kathy, aminin man niya o hindi. Kahit nga sa mga simpleng gawain lang ay hindi niya magawang tulungan ang ina. Mas gusto niya pang ubusin ang oras niya sa maghapon na nakatutok sa kaniyang cellphone at nakikipag-chat sa kaniyang mga kabarkada.

“Aalis na talaga ako rito kapag nakuha ko na ’yong premyo ko!” bubulong-bulong pang sabi ni Kathy sa kaniyang sarili.

Makalipas nga ang ilang araw ay ganoon na lang ang gulat ng kaniyang ina, dahil talagang nag-alsa balutan si Kathy! Saka lamang nila nalamang nanalo pala siya sa lotto at ayaw niyang bahagian o patikimin ng kaniyang premyo ang kaniyang mga kaanak, dahil para sa kaniya ay ‘wala namang ambag’ ang mga ito sa kaniyang pagkapanalo!

“Grabe ka, ate. Alam mo, okay lang namang hindi mo bigyan kaming mga kapatid mo. Pero si mama? Kahit mailibre mo man lang sana sa labas, ayaw mo?” nakangiwing sabi pa sa kaniya ng kaniyang kapatid na hindi naman pinansin pa ni Kathy at inismiran lamang bago siya tuluyang lumabas ng pintuan ng kanilang bahay.

Umupa siya ng isang maliit na apartment, tutal ay mag-isa lamang naman siya. Buhat noon ay talagang hindi na niya pinansin o kinausap pa ang kaniyang mga kapamilya kahit pa ang mga ito na ang lumalapit sa kaniya upang makipag-ayos. Kahit na ‘pagmamahal’ naman ang tunay na dahilan ng mga ito kaya nila siya pilit na kinakausap, pakiramdam ni Kathy ay balak lamang talagang manghingi sa kaniya ng mga ito kaya naman hindi niya pa rin sila pinagkaabalahang kausapin o pansinin.

Ginasta ni Kathy ang lahat ng kaniyang pera sa luho. Ni hindi rin siya nag-isip man lang kung paano niya ito palalaguin. Puro palabas ang kaniyang pera na talagang pinanindigan niyang solohin! Kahit nga mga kabarkada niya ay hindi nakatikim ng ‘libre’ sa kaniya kahit pisong duling!

Hanggang sa isang araw, hindi namalayan ni Kathy na wala na pala siyang pera. Ubos na ang lahat ng kaniyang napanalunan nang gano’n-gano’n na lang!

Dahil doon, unti-unti ay muli niyang ibinenta ang kaniyang mga naipundar na gamit na karamihan naman ay gadgets lang at kung anu-ano pang mamahaling mga damit, sapatos at alahas. Hanggang sa masaid na ang lahat ng ito! Ngayon ay ‘back-to-zero’ na naman siya at kinakailangan niyang maghanap ng trabaho upang mabuhay.

Ngunit dahil isa ngang dakilang tamad si Kathy, wala siyang trabahong tinagalan. Isang buong araw na ang pinakamatagal niyang napagtiyagaang trabaho, at sinukuan niya na agad ang mga ’yon! Nagdesisyon siyang bumalik na lang sana sa kaniyang ina, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang malamang, isinama na pala ito ng kapatid niya sa ibang bansa na bigla na lang nagkaroon ng oportunidad na magtrabaho roon!

Ngayon ay mag-isa na si Kathy sa buhay at wala na siyang aasahan kundi ang kaniyang sarili. Dahil doon ay napilitan na lamang siyang pagtiisan ang pagtatrabaho hanggang sa masanay ang katawan niya’t nagbago na nang tuluyan ang kaniyang isip!

Kalaunan ay natauhan si Kathy matapos niyang maranasan kung gaano kahirap kumita ng pera. Doon niya mas nakita ang pagod ng kaniyang ina noon at ngayon ay balak niya nang bumawi sa kaniyang mga kapamilya, sa nalalapit nilang pag-uwi galing sa ibang bansa.

Advertisement