Inday TrendingInday Trending
Anim na Buwan Siyang Buntis nang Umalis ang Nobyo na Wala man lang Paalam; Ituloy Niya Kaya ang Dinadala Gayong Nahihirapan na Nga Siyang Buhayin ang Sarili?

Anim na Buwan Siyang Buntis nang Umalis ang Nobyo na Wala man lang Paalam; Ituloy Niya Kaya ang Dinadala Gayong Nahihirapan na Nga Siyang Buhayin ang Sarili?

Humahagulhol ng iyak si Geneva, hindi niya lubos maisip na gagawin ito sa kaniya ng kaniyang nobyong si Nick, iniwan siya nito nang hindi man lang nagpapaalam. Natulog siya at nagising nang wala na ito, nag-iwan na lamang ito ng isang liham at sinabing huwag na itong umasa na babalik pa dahil tuluyan na itong aalis sa buhay niya… sa buhay ng magiging anak nila.

“Tama na Geneva, baka makasama sa bata ang labis na pag-iyak mo,” ani Shiela.

Hindi niya ito kaano-ano ngunit sobrang buti nito sa kaniya. Nakilala lamang niya ang babae dito sa nilipatan nilang boarding house ni Nick. Si Shiela ang nalalapitan niya tuwing gipit na gipit sila ni Nick, dahil hindi naman kalakihan ang sahod ng nobyo, minsan ay kulang na kulang pa ang sahod nito sa pagkain nila, idagdag pa na kailangan niya ng suportang pinansyal dahil sa pagbubuntis niya.

“Ano nang gagawin ko ngayon, Shiela? Anim na buwan akong buntis, walang asawa. Paano ko bubuhayin ang anak ko, kung ako mismo ‘di ko alam kong paano ko pakakainin ang sarili ko ngayong wala na si Nick?” umiiyak niyang wika.

Nahihirapan din ang kaibigan sa sitwasyon niya. “Anong plano mo, Geneva? Balak mo bang ipal*glag iyang anak mo?” malungkot nitong tanong.

Biglang natigilan si Geneva sa sinabi ni Shiela. Kailanman ay hindi sumagi sa isip niya iyon, kahit noong una niyang nalaman na buntis siya’y handa siyang panindigan ang bata, ngunit ngayong wala na si Nick at wala nang siyang katuwang upang palakihin ang anak ay wala siyang ibang pwedeng isipin. Bubuhayin niya ang anak at isasama sa kahirapan, o hangga’t maaga pa’y pagpapahingahin na niya ito upang hindi na nito maranasan ang kahirapan? Mas lalo siyang humagulhol sa naisip.

“Kung wala lang sana akong anak, Geneva, ako na mismo ang magpi-presentang maging nanay ng anak mo, ang kaso’y anim na ang anak ko. Hindi ko na alam kung paano bubuhayin ang mga ito kapag nadagdagan pa ng isa,” malungkot na wika ni Shiela.

“Hindi ko alam, Shiela… hindi ko kayang magdesisyon sa ngayon,” tumatangis niyang wika.

Hindi niya alam kung ano ang tamang gawin… hindi niya kayang mag-isip nang matino. Ang daming tanong sa kaniyang isipan na nahihirapan siyang bigyan ng kasagutan, pero ang pinakamasakit ay bakit ito nagawa ni Nick sa kaniya?

Makalipas ang tatlong buwan… sa wakas ay nakapanganak na si Geneva, pinanindigan niya ang bata at piniling buhayin ito. Masayang-masaya siya nang makita at marinig ang iyak ng anak, kalakip ng sayang iyon ay kalungkutan. Nahihirapan na nga siyang pakainin ang sarili, ngayong dalawa na sila’y mas mahihirapan siya. Para siyang pilay na natanggalan ng saklay, nahihirapan siyang tumayo sa sarili niyang paraan, tapos nag-anak pa siya. Mariin niyang hinalikan ang noo ng natutulog na anak.

“Alam ng Diyos kung gaano ka kamahal ni mama, anak,” kausap niya sa sanggol. “Pero hindi sapat ang pagmamahal na iyon upang idamay kita sa paghihirap ko,” humihikbi niyang wika.

Tatlong buwan ring inalagaan ni Geneva ang anak bago nakapag-desisyong iligaw ito. Oo! Ililigaw niya ang kaniyang anak, masakit pero kailangan niyang gawin. Marming proseso at tanong kapag sa legal na paraan niya iyon gagawin. Wala na nga siyang pambili ng pagkain, gagastos pa siya. Sapat na siguro ang pagmamahal na ibinigay niya sa anak, sapat na ang ilang buwan na nakasama niya ito. Kailangan na niyang tumayo para sa sarili niya.

Sa isang maliit na karton na nilagyan niya ng makapal na kumot na may nakaukit na pangalan niya at pangalan ng kaniyang anak ay doon niya maayos na inilagay si Baby Greg, iyon ang ibinigay niyang pangalan sa anak. Maayos na nakabalot ang bata upang hindi ito lamigin, dahil sa gabi niya balak iligaw ang anak. Lahat ng kailangan ng sanggol ay inilagay ni Geneva sa loob ng karton, kalakip na ang birth certificate na noong nakaraang linggo lamang niya nakuha at ang huli niyang inilagay ay ang liham para sa taong makakapulot sa kaniyang anak.

“Patawarin mo si mama, ‘nak,” umiiyak niyang kausap sa sanggol na walang kaalam-alam sa kaniyang binabalak. “Hindi ko gustong mawalay ka sa’kin, pero wala akong ibang maisip na paraan. Hindi ko kayang ibigay sa’yo ang magandang buhay,” aniya saka tinitigan ang mataas na gate kung saan niya balak iwanan ang anak. “Mahal na mahal kita, sana baunin mo ang pagmamahal ko sa paglipas ng taon.”

Ilang minuto niyang tinitigan ang anak na mahimbing na natutulog. Sinigurong hindi mahahamugan ang anak saka tumayo at pinindot ang doorbell at saka mabilis na nagtago. Siniguro niya munang makikita ng may-ari ng magandang bahay na iyon ang kaniyang anak bago siya tuluyang umalis.

Sa paghakbang niya ng kaniyang mga paa, alam niyang malabo na niyang makita at makasamang muli ang anak. Ngunit mas pipiliin niya iyon kaysa makita itong nahihirapan kasama siya. Ilang buwan niya ring minanmanan ang pamilyang pinag-iwanan ng kaniyang anak, alam niyang mabubuting tao ang mga ito, dahil iyon ang sabi ni Shiela, naninilbihan si Shiela bilang serbidora ng pamilya, kaya alam niyang hindi pababayaan ng mga ito ang kaniyang anak, at sa pangangalaga ng mga ito’y alam niyang mabibigyan ng magandang kinabukasan ang kaniyang Baby Greg.

Husgahan na siya ng karamihan dahil sa kaniyang ginawa, tatanggapin niya ang lahat na masasakit na salita. Alam niyang isang malaking kasalanan ang ipamigay ang anak, ngunit para sa kaniya’y hindi sapat ang pagmamahal kung hindi mo kayang bigyan ng magandang kinabukasan ang bata. Marahil sa iba’y kahibangan ang kaniyang naging desisyon, ngunit para sa kaniya’y iyon na ang pinakatama.

Advertisement