Inis na Inis ang Dalaga sa Kontra-Bidang Ina Dahil sa Pagtutol Nitong Makipaglapit Siya sa Ama; Mauunawaan Din Niya ang Malalim na Dahilan ng Ina
Nakabusangot ang mukha ni Melanie habang malalaki at mabibigat ang kaniyang bawat paghakbang papasok sa kanilang bahay. Hinahanap niya ang kaniyang ina, nanggigigil siya at nais niya itong makaharap agad-agad upang sitahin ang ginawa nitong pagtutol sa kaniyang ama na makipagkita sa kaniya.
“‘Ma!” malakas niyang tawag sa ina.
Alam niyang naroroon lamang ang ina sa bahay nila. Nakita niya kanina ang kotse nito kaya sigurado siyang naroroon lamang ito, ayaw lamang nitong sumagot sa mga tawag niya. Magkikita sana sila ng kaniyang ama sa araw na iyon, dahil nangako itong ibibili siya ng mga gamit na gusto niya. Ngunit dahil kontrabida ang kaniyang ina’y hindi ito nakipagkita sa kaniya. Tinawagan siya ng kaniyang ama, huling minuto bago ang takdang oras ng kanilang pagkikita.
“‘Ma! Nandito ka lang pala, bakit hindi ka sumasagot?” ani Melanie.
“Bakit? Ano ba iyong sadya mo?” kalmadong tanong ng ina.
“‘Ma, ano na naman ba ito? Ang sabi ni papa ay hindi siya pwedeng makipagkita sa’kin dahil baka magalit ka raw sa kaniya. ‘Ma naman! Bente anyos na ako, baka nakakalimutan mo? May sarili na akong pag-iisip at desisyon. Bakit kailangan mong pagbawalan si papa na makipagkita sa’kin?” dere-deretso niyang litanya.
“Hindi ko pinigilan ang ama mong makipagkita sa’yo, Melanie,” kalmado pa rin nitong sambit. “Kung hindi man siya nakipagkita sa’yo, hindi ko iyon kasalanan. Kasalanan iyon ng ama mong paasa,” dugtong ng ina.
Agad na nagsalubong ang kilay ni Melanie sa sinabi ng ina. Talagang pagsisinungalingan pa siya nito? Iyon na nga ang ipinaliwanag ng ama kanina kaya nagdesisyo na lamang itong huwag ituloy ang pakikipagkita sa kaniya – dahil ayaw ng kaniyang ina na magkita pa sila. Tapos ngayon ay itatanggi nito ang lahat?
“Sana naman hindi niyo na panghimasukan ang buhay ko, lalo na kung patungkol kay papa. Mahal kita at mahal ko rin si papa, kung gusto ko man na makasama siya paminsan-minsan, sana huwag niyo namang hinahadlangan. Nasa tamang edad na ako, ‘ma. Palagi na lang kayong ganyan, palaging desisyon niyo ang nasusunod. Noong bigla niyong iniwan si papa, wala kayong narinig sa’kin na kahit ano. Sana naman ngayon, hayaan niyo akong magbigay ng oras para makasama si papa!” naiinis niya sambit.
Dose anyos siya noong nagdesisyon ang inang iwanan nila ang kaniyang ama. Sa hindi malinaw na dahilan ay sumama siya sa ina. Kung anuman ang dahilan nito noon, hanggang ngayon ay hindi niya pa rin alam. Basta ang alam niya’y ayaw nito sa papa niya, at ayaw rin ng kaniyang ina na mapalapit siya rito.
“Sa tingin mo ba, Melanie, ginusto ko ang nangyari sa pamilya natin? Sa tingin mo ba gusto kong nakikita kang nahihirapan kung sino ang pakikisamahan mo sa’ming dalawa? Hindi, Melanie, pero wala akong pagpipilian, kinailangan kong gawin iyon upang iligtas ang sarili ko, pati na ikaw sa walanghiya mong ama!”
“Ganyan naman palagi ang sinasabi mo, ‘ma! Sinisira mo sa’kin si papa!”
“Hindi ko sinisiraan ang papa mo, Melanie, dahil iyon ang totoo. Ilang beses akong niloko ng ama mo noon! Ilang babae ang dinadala niya sa bahay at pinaparamdam sa’kin na wala akong kwenta sa buhay niya at kayang-kaya niyang maghanap ng higit pa sa’kin! Kaya ako umalis, sinama kita kasi alam kong wala kang mapapala sa ama mong puro babae na lang ang laman ng isip. Ni isang kusing hindi ako binigyan ng suporta ng ama mo noon, tapos ngayong malaki ka na saka siya magpaparamdam at magpapakaama sa’yo?! Walang kasing kapal ang mukha niya!” gigil na litanya ni Mel, ang kaniyang ina.
Walang alam si Melanie tungkol sa totoong nangyari noon sa kaniyang mama at papa. Ngayon lamang niya narinig ang lahat, nakita niya kung paano siyang tinaguyod ng ina noong nagdesisyon itong umalis sa poder ng ama, ngunit ngayon niya mas naunawaan kung saan ito nanggagaling.
“Hindi mo alam kung gaano kasakit at hirap ang ginawa ko mapalaki ka lang, Melanie. Pero kahit ganoon ay wala akong balak na hadlangan ang kagustuhan mong mapalapit sa’yong ama. Hindi ko siya pinigilan, binalaan ko lang siya na kung paasahin ka lamang niya sa wala ay huwag na lamang siyang magpakita sa’yo, dahil ayokong makita kang nasasaktan nang dahil sa kaniya. Desisyon niyang huwag magpakita sa’yo, hindi ako ang may gusto no’n,” mangiyakngiyak na wika ni Mel.
Hindi na napigilan ni Melanie ang paghagulhol ng iyak. Kani-kanina lang ay isang kontra-bida ang tingin niya sa ina, ngunit ngayon ay napagtanto niyang ito naman pala talaga ang tunay na biktima.
“Ayokong umasa ka sa kaniya, Melanie, dahil ginawa ko na iyon dati. Umasa ako na magbabago siya, ngunit hindi iyon nangyari. Nasaktan ako, at ayokong mangyari iyon sa’yo. Kung maaari ko lang sanang ibalik ang panahon, hindi ang ama mo ang mamahalin ko, labis na sakit sa puso ang ibinigay niya sa’kin, nadamay ka pa sa kapalpakan ko, anak. Patawarin mo ako,” humihikbing wika ni Mel.
Lumapit si Melanie sa ina at niyakap ito nang mahigpit. “Naiintindihan ko na ang lahat ‘ma, patawarin mo ako sa naging ugali ko kanina,” humihikbing wika ni Melanie habang mahigpit na nakayakap sa ina.
Ngayon, mas naunawaan ni Melanie na wala pala talaga siyang ibang kakampi kung ‘di ang kaniyang ina lamang. Lahat ng nagawang kasalanan noon ng kaniyang ama ay piniling ilihim ng ina, upang huwag siyang mamuhi at magalit sa ama. Sinalo lahat ng ina ang kaniyang inis, dahil wala siyang alam sa totoong nangyari. Ang buong akala niya’y kasalanan lahat ng kaniyang ina kung bakit nawasak ang pamilya nila dahil ito ang umalis sa poder ng kaniyang ama.
Ang kaniyang ama naman ang mas nakinabang sa ginawa ng kaniyang ina. Kaya wala na itong ibang ginawa kung ‘di gawin palaging panangga ang ina sa lahat ng pagkakamali nito.
“I’m sorry, ‘ma,” muling hingi ng patawad ni Melanie sa ina.