Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng Dalawang Babae ang Kaniyang Itsura Bilang Aplikante at Pinaalis Siya na Parang Aso; Ngunit Bakit Yumuyuko sa Kaniya ang Manager ng Kumpanya?

Pinagtawanan ng Dalawang Babae ang Kaniyang Itsura Bilang Aplikante at Pinaalis Siya na Parang Aso; Ngunit Bakit Yumuyuko sa Kaniya ang Manager ng Kumpanya?

Tahimik ang buong kapaligiran, malayo sa inaasahan ni Ivy ang kaniyang nadatnan. Ang buong akala niya’y marami siyang makikitang trabahanteng abala sa mga kani-kanilang trabaho, ngunit hindi iyon ang kaniyang naabutan.

“Uy! Kristel, hali ka na’t magkape na tayo,” aya ng babaeng lumapit sa isang babaeng prenteng nakaupo sa office desk nito at naglalagay ng kolorete sa kuko.

“Sige ba! Basta this time, libre mo na ako, Maja, ah. Nag-promise ka sa’kin noong nakaraan na ikaw naman ang manglilibre ngayon,” anito.

Tumayo ang babae at kinuha ang maliit nitong bag saka ikinawit ang braso sa isa pang babae at sabay na naglakad palabas ng opisinang iyon. Hindi maiwasan ni Ivy ang pagsalubong ng kaniyang kilay sa nasaksihan. Alas nuwebe pa lang ng umaga, maaga pa upang magbulakbol sa trabaho, hindi pa nga lunch break ay halos wala nang tao sa opisinang ito.

“Miss, maaari bang magtanong kung saan ko ito maaaring ibigay?” inosente niyang tanong sa dalawang babae.

Nakita niya kung paano nagsitaasan ang kilay ng dalawa, at sabay na tumawa na parang bang nakakita ng payaso ang mga ito.

“Aplikante ka?” tanong ng babaeng tinawag kanina ng kaibigan na Maja. “Saang galing probinsya ka, girl? Mukhang hindi ka nababagay rito sa kumpanya namin. Look oh,” anito sabay turo sa sarili. “Magaganda lamang ang pwedeng magtrabaho rito at hindi ka pasok doon. Kaya tumalikod ka na lang at umuwi sa inyo, kasi sasayangin mo lang ang oras ng mga tao rito,” dugtong nito sabay tawa ng malakas na sinegundahan naman ng kasama nitong nagngangalang Kristel.

Hindi maiwasan ni Ivy ang pagtaasan ng kilay ang dalawa dahil sa natanggap na insulto. Hindi siya nasabihan na bukod sa tamad at bulakbol ay b*stos pa ang mga trabahante sa kumpanyang ito.

“Nasaan po ba ang manager niyo rito?” muli niyang tanong, nanatili sa labi ang matamis na ngiti.

“Naku! Kahit naman harapin mo si Sir Sanchez, gaya ng komento namin ay siya ring sasabihin niya sa’yo. Mataas ang panlasa ni sir sa mga trabahante niya. Gusto niya iyong with pleasing personality, at iyon ang bagay na wala sa’yo, girl. Kaya kung ako sa’yo… sundin mo ang payo ng kaibigan ko at umuwi na lang,” ani Kristel.

“Tama! Pormahan mo pa lang, halatang hindi na papasa. Huwag ka nang magsayang ng lakas, wala ka rin namang mapapala,” humahalakhak na segunda ni Maja.

“Ganoon ba?” mababang wika ni Ivy.

Kaysa umalis at sundin ang payo ng dalawa’y binuksan niya ang kaniyang bag at hinanap ang selpon doon. Pumindot ng ilang numero at maya maya lang ay may kausap na sa kabilang linya. Ilang minuto rin siyang nakikipag-usap sa kaniyang selpon sa harapan ng dalawang babae na panay ang senyas sa kaniyang umalis na, nang maya maya pa’y may tumatakbo na sa kaniyang likuran.

“Ma’am Ivy, masyadong biglaan ang pagdalaw mo, hindi man lang kami nakapaghanda,” magalang at puno ng respetong wika ni Mr. Sanchez, ang branch manager ng kumpanya.

Nakita nya kung paanong sabay na nagsilakihan ang mga mata ng dalawang babaeng kanina lang ay iniinsulto ang pagkatao niya’t pinapaalis siya sa kumpanyang ito. Lalo na noong isa-isang hinubad ni Ivy ang suot na props, na ang kaniyang Ate Vivian pa ang gumawa.

Hindi ganito ang nais niyang itsura… ngunit mapilit ang kaniyang ate. Siguro’y nakakuha ito ng ideya sa mga napapanuod na drama sa telebisyon— ngunit ngayong nangyayari na’y nais niya itong pasalamatan sa matalinong ideya. Matagal nang inirereklamo ng ibang investor ang branch na ito dahil wala masyadong pumapasok na pera at nalulugi sila. Kaya inutusan siya ng kaniyang ama na personal na bisitahin ang branch at si Mr. Sanchez na rin upang mapag-usapan kung ano ba talaga ang problema. Hindi pa man niya nakakausap ang branch manager ay alam na niya kung ano ang naging problema kaya walang kinikita ang kumpanya.

“Hello, girls, ako nga pala si Miss Ivy Carnable, ang anak ni Mr. Carnable, ang may-ari ng kumpanyang ito,” pakilala niya sa dalawa.

Halos mawalan ng ulirat sina Maja at Kristel sa nalaman. Panay ang paghingi ng dalawa ng kapatawaran sa ugaling ipinakita. Ngunit buo na ang naging desisyon ni Ivy, tatanggalin ang mga taong wala namang ginagawa sa kumpanya kung ‘di ang magpaganda at magsayang ng oras. Kung kasama sina Maja at Kristel sa mga trabahanteng iyon ay hindi na niya kasalanan.

Nakapagdesisyon din si Ivy na personal niyang babantayan ang kumpanyang iyon, upang mas matutukan niya kung sino ang karapat-dapat na manatili o hindi. Hindi niya kailangan ng magagandang trabahante, ang kailangan niya’y iyong maasahan at masisipag sa trabaho. Iyong may malasakit sa taong nagpapasahod sa kanila.

Kahit kailan ay hindi talaga naluluma ang kasabihang “Don’t judge the book by its cover.” Hindi naman sa pinapauso ito, ngunit sadyang marami lamang talagang tao na nakabase sa panlabas na anyong nakikita ng mga mata.

Advertisement