Palaging Nilalamangan ng Panganay ang Nakababatang Kapatid; Matututuhan Niya ang Isang Magandang Aral
“Gilbert and Joshua, halina kayo at narito na kami ng papa ninyo. May mga dala kaming pasalubong!” tawag ng inang si Rebecca sa dalawang anak.
Patungo na sana ang bunsong si Joshua sa kaniyang mga magulang nang bigla siyang unahan ng kaniyang nakatatandang kapatid.
“Tumabi ka nga at ako ang mauunang sumalubong kina mama at papa. Tiyak akong marami silang uwing pasalubong!” sambit ppa ni Gilbert.
Komo payat at lampa ay palaging nauungusan ni Gilbert ang bunsong kapatid. Hindi na rin lumalaban itong si Joshua dahil alam niyang wala siyang ibubuga sa kaniyang kuya.
Paglapit pa lang ni Gilbert sa kaniyang mga magulang ay hinalungkat na nito ang mga pasalubong ng kaniyang mga magulang. Kinuha niya ang mga malalaking kahon ng tsokolate kaya naman kaunti na lang ang naiwan para kay Joshua.
“Gilbert, tirhan mo naman ang kapatid mo! Maghati kayo! Ikaw ang panganay kaya ikaw ang magparaya,” saad ni Rebecca.
Um-oo lang si Gilbert ngunit sa kaniyang loob ay wala talaga siyang balak na hatian ang kapatid.
Ang tanging natira na lamang para kay Joshua ay isang tinapay.
“Pinagsabihan ko na ang kuya mo na bigyan ka. Humingi ka na lang sa kaniya, a!” bilin muli ng ina.
Hindi na nagtangka pa ang bunso na manghingi sa kaniyang Kuya Gilbert dahil alam naman niya kung ano ang isasagot nito.
“Babagal-bagal ka kasi kaya hindi ka naaambunan ng grasya. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay pagbibigyan kita, Joshua. Makuntento ka kung ano ang nakuha mo! Akin ang lahat ng ito,” sambit ni Gilbert sa kapatid.
Laging ganito ang tagpo ng dalawa. Minsan pa ay nagpadala ng mga regalo ang kanilang tiyahin na nasa abroad ngunit pinili agad ni Gilbert ang mas malaking regalo.
“Sabi ko na nga ba at playstation ang laman nito! Ayos na rin naman sa’yo ‘yang robot, ‘di ba? Maganda rin naman ‘yan!” wika ni Gilbert.
Kahit kailan ay hindi nahawakan ni Joshua ang playstation na ‘yun. Ayaw siyang pahiramin ng kaniyang kuya. Hindi na lang talaga siya lumaban dahil ayaw niyang bigyan ng sakit ng ulo ang kanilang mga magulang.
“Nakakain ka ba ng tsokolate, anak? Sabihin mo lang sa akin kung hindi ka binigyan ng kuya mo. Malapit na ang kaarawan ninyong magkapatid at may mga regalo kami para sa inyo. Hindi ko siya bibigyan kung palagi ka niyang pinagdadamutan,” wika ng ina kay Joshua.
Nang marinig ito ni Gilbert ay agad siyang sumabat.
“Binigyan kita ng tsokolote, ‘di ba? Sabihin mo kay mama ang totoo! ‘Di ba’t sabay pa nga tayong kumain?!” giit ng panganay.
Tumango na lamang si Joshua dahil alam niya ang mangyayari kung sakaling hindi siya sumang-ayon sa kaniyang kuya.
“Mabuti at marunong kang makisama! Kung sinabi mo talaga kay mama ang totoo ay alam mo na ang mangyayari sa’yo!” wika pa ng nakatatandang kapatid.
Isang araw ay nakita ni Gilbert ang mga regalong inihanda ng kanilang mga magulang.
“Ang lahat ng regalong ito ay para sa inyo. Maging ang mga tita at tito ninyo ay nagbigay rin. Hahayaan namin kayong pumili ng gusto ninyong regalo,” saad ni Rebecca sa mga anak.
Hindi na makapaghintay pa si Gilbert para makakuha ng regalo. Lalo pa nang makita niya ang malaking regalo.
“Iyon ang pipiliin ko. Kailangan ay una akong mamili kaysa sa kapatid ko. Kung hindi ay tiyak na mauunahan niya ako. Dapat ay makuha ko ang lahat ng malalaking regalo!” sambit ni Gilbert sa kaniyang sarili.
Nang dumating na ang araw na pinakahihintay ay maagang gumising si Gilbert. Agad siyang nagtungo kung nasaan ang mga regalo.
“Ako na ang unang mamimili, ‘ma!” saad ng panganay.
“Sandali lang at hintayin mong magising ang kapatid mo nang maging patas ang lahat,” saad pa ng ina.
“Paanong magiging patas, ‘ma? Dapat nga ay mas mauna ako dahil bukod sa mas matanda ako’y mas maaga pa akong gumising!” wika muli ni Gilbert.
“Kung hindi ka na talaga makapaghintay pa ay gigisingin ko na si Joshua. Maghintay ka riyan,” saad muli ni Rebecca.
Paglabas ng silid ay pinapili na ng ina ang kaniyang mga anak sa mga regalo.
Agad na sinunggaban ni Gilbert ang pinakamalaking regalo na kaniyang nakita. Halos ang mga naglalakihang regalo ang kaniyang dinampot. Naiwan na naman kay Joshua ang mga maliliit na regalo.
“Sigurado na ba kayo sa mga napili ninyo?” tanong muli ng ina.
“Siguradong-sigurado na po ako, ‘ma. Bubuksan ko na ang mga ito!” masayang sambit ni Gilbert.
“Ikaw, Joshua? Ayos ka na ba sa mga nakuha mong regalo?” sambit ng ina.
“Opo, kahit ano naman pong regalong matanggap ko ay masaya na po ako. Ang mahalaga nama’y naalala ninyo ako sa aking kaarawan,” sagot ni Joshua.
“Kaarawan natin! Kaarawan ko rin ngayon, baka nakakalimutan mo! Sige na at tama na ang drama, buksan na natin ang mga regalo!” ani Gilbert, hindi na makapaghintay.
Madaliang binuksan ni Gilbert ang kaniyang mga regalo. Nakita niyang halos mga libro at gamit sa eskwela ang kaniyang nakuha. Ang pinakamahal na ata ay ang bag na bigay ng kaniyang tiyahin.
“Kung ganito lang ang natanggap ko’y lalong walang kwenta ang napunta kay Joshua!” pagyayabang ng panganay.
Pinanood niya ang bunso habang binubuksan ang mga regalong napunta sa kaniya. Mga regalong sapilitang napunta kay Joshua dahil inawayan ni Gilbert.
Gulat na gulat ang dalawa nang makita ang mga regalo. Naglalaman ito ng mamahaling relos, wallet na may lamang pera, isang bagong cell phone, at higit sa lahat ay ang pinakamanipis na regalo, ang gift certificate para sa isang bagong mamahaling laptop!
Walang paglagyan ang tuwa ni Joshua. Inggit na inggit naman si Gilbert sa natanggap ng kaniyang kapatid.
“Hindi patas ang laban! Nakuha niya ang lahat ng magagandang regalo!” reklamo nito.
“Hindi talaga naging patas ang laban dahil nauna kang pumili. Hindi mo hinayaan ang kapatid mo na mamili at kinuha mo ang mga malalaking regalo sa pag-aakalang mas magaganda ito. Ang mga regalong napunta kay Joshua ay mga regalong ayaw mo dahil maliliit at manipis at sa tingin mo ay walang halaga. Iyan ang napapala mo sa pagiging makasarili mo, Gilbert. Nawa ang pangyayaring ito ay maging aral para sa iyo. Huwag kang maging suwapang dahil darating din ang araw na ikaw ang mawawalan,” pangaral ng ina.
“Nasa sa iyo na, Joshua, kung pahihiramin mo ang kuya mo. Ikaw naman, Gilbert, sana ay natutuhan mo na ang maging mapagbigay,” dagdag pa ng ina.
Hindi naman naging madamot si Joshua sa kaniyang kuya. Pinahiram pa rin niya ito kaya lalo itong nahiya sa inasal.
“Pasensya ka na kung naging madamot ako sa iyo. Bilang panganay ay marami akong pagkukulang sa iyo. Patawarin mo ako,” wika ni Gilbert sa bunsong kapatid.
“Kalimutan mo na ‘yun, kuya. Magkapatid tayo at kailangang nagbibigayan tayo at nagtutulungan. Gusto mo bang makapaglaro sa laptop ko? Heto at gamitin mo muna,” saad naman ni Joshua.
Mula noon ay natutuhan na ni Gilbert ang magparaya para sa kaniyang bunsong kapatid. Naging maayos na rin ang kanilang relasyon. Palagi na silang magkasamang maglaro at mas naging malapit na sila sa isa’t isa.
Masaya naman ang kalooban ng kanilang mga magulang sa malaking pagbabagong ito.