Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Sikat na Binata ang Kaklaseng Mataba; Bandang Huli’y Siya pa ang Naging Tampulan ng Tukso

Hinamak ng Sikat na Binata ang Kaklaseng Mataba; Bandang Huli’y Siya pa ang Naging Tampulan ng Tukso

Nalalapit na ang araw ng JS Prom at ang lahat ay kaniya-kaniya nang hanap ng makakatambal. Ang mga kalalakihan ay todo ang porma sa mga babaeng nais nilang yayain. Halos ang lahat ay nais na makapareha ang pinakamaganda at pinakasikat sa kanilang eskwela na si Georgia.

“Ang balita ko, ‘tol, wala pang napipili si Georgia bilang kapareha sa JS Prom. Ang sabi nga ay halos dalawampung lalaki na raw ang nagtangkang ayain siya pero walang nagtagumpay,” kwento ng isang estudyante.

“Talagang walang pauunlakan ‘yang si Georgia dahil hinihintay niya ako. Sa mga kilos at tingin pa lang niya sa akin ay sigurado na akong gusto n’ya rin ako. Pupusta ako sa inyo na ako ang magiging katambal niya ngayong taon, at kami ang hihiranging JS King and Queen!” wika naman ni Eduard, kilala rin ito sa kanilang eskwelahan dahil maykaya ang pamilya niya – kaya naman ubod siya nang yabang.

Habang nag-uusap ang magkakaibigan ay biglang dumaan ang kaklase nilang si Kevin at hindi sinasadyang natabig nito si Eduard.

“Ang taba-taba mo kasi kaya hindi ka magkasya, e! Tingnan mo nga ang dinadaan mo, baboy!” bulyaw ng binata.

“P-pasensya na. Hindi ko naman talaga sinasadya,” paumanhin ni Kevin.

“Umalis ka na nga sa harapan ko at naaalibadbaran ako sa iyo! Lahat yata ng pagkain sa canteen ay kinain mo na,” dagdag pa ni Eduard na sinegundahan naman ng tawanan ng ibang kaklase.

Napahiya si Kevin at bumalik na lang sa kaniyang upuan sa isang sulok ng silid-aralan.

Nagpatuloy ang pang-aalipusta ni Eduard kay Kevin kahit na humingi na ito ng tawad.

“Sino kaya ang malas na babaeng yayayain niyang si Kevin? Pero sigurado naman akong walang papayag diyan na makapareha. Siguro, kahit bayaran niya nang malaki ay wala talagang papayag,” muling saad ng hambog na binata sabay tawa.

Maya-maya ay pumasok na sa silid-aralan ang dalagang si Georgia. Inutusan ni Eduard ang isang kaklase na tanungin ang dalaga kung may napupusuan na ba itong maging katambal sa JS Prom.

“Wala pa sa ngayon. Hindi pa kasi ako niyayaya ng lalaking gusto ko,” wika naman ni Georgia.

Lalong tumindi ang paniniwala ni Eduard na siya ang tinutukoy ng dalaga. Ano pa nga ba ang mahihiling sa kaniya ni Georgia? Pareho silang maykaya sa buhay, parehong kilala ang kanilang mga magulang kaya pareho rin silang sikat sa paaralan. Marami ang nagkakagusto sa kanila kaya naman para sa binata’y pinagtagpo talaga sila ng tadhana.

Kinabukasan ay inihanda ni Eduard ang isang malaking surpresa para kay Georgia. Pinuno niya ng bulaklak ang entablado at saka siya naglagay doon ng isang malaking poster na mukha ng dalaga.

“Tiyak akong hindi makakahindi sa surpresa kong ito si Georgia! Lahat ata ng babae ay ganito ang gustong paraan ng pang-anyaya sa kanila,” pagyayabang ni Eduard.

Habang naglalakad papunta sa gate upang hintayin ang dalaga ay nagkabanggaan na naman si Eduard at Kevin. Nalaglag naman ang dalang bulaklak na pinitas ni Kevin mula sa hardin ng kanilang bahay.

“Ikaw na naman? Sinasadya mo bang banggain ako palagi? Bakit hindi ka tumingin sa dinadaanan mo?” bulyaw muli ni Eduard sa kawawang si Kevin na nagpupulot ng mga bulaklak.

“P-pasensya ka na hindi ko talaga sinasadya,” muling hingi ng paumanhin ng kaklase.

“Ibibigay mo ba ang mga bulaklak na ‘yan sa aayain mo sa prom? Sa tingin mo ay mabibighani mo ang isang babae sa mga bulaklak na ‘yan? Parang pinitas mo lang ang mga ‘yan, e!” tumatawang sambit ni Eduard.

Hindi na umimik pa si Kevin dahil alam niyang mamatahin lang siya ng mayabang na kaklase. Ngunit ang hindi pagsagot na ito ng binata ang naging dahilan para lalo siyang pagtripan ni Eduard.

Sinipa nito ang ilang bulaklak at tinapakan naman ang iba. Sa isang dosenang bulaklak na dala ni Kevin ay tatlo na lamang ang natira.

“Tanggapin mo na kasing walang gustong maging kapareha ka ngayong JS Prom. Dapat nga ay hindi ka na mag-abala pa sa pagpunta,” wika pa ni Eduard.

Naiinis man ay hindi na pumatol pa itong si Kevin. Pinulot na lang niya ang tatlong bulaklak at saka niya inalis ang ibang dumi rito.

Habang si Eduard naman ay patuloy ang paghihintay kay Georgia.

Nang dumating ang dalaga ay agad siyang pinapunta ng ibang kaklase sa entablado kung saan naghihintay si Eduard. Pagdating niya roon ay nagulat siya sa inihandang surpresa para sa kaniya ng binata.

“P-para sa akin ang lahat ng bulaklak na ito, Eduard?” tanong ni Georgia.

“H-hindi mo na kailangan pang gawin ito para sa akin,” dagdag pa nito.

“Kulang pa ang ganda ng mga bulaklak na ‘yan sa ganda mo, Georgia. Ikaw ang babaeng nababagay sa akin at ako naman ang lalaking nababagay para sa iyo. Kaya naman pumayag ka sanang maging kapareha ko sa JS Prom,” wika pa ni Eduard.

Isang matamis na ngiti ang unang naging sagot ni Georgia.

“Maraming salamat sa paanyaya mo, Eduard, ngunit hindi mo na kailangan pang gumastos ng ganitong kalaki para lang ayain ako sa Prom. Pasensya ka na pero hindi kita mapapaunlakan,” saad ng dalaga.

Hindi makapaniwala si Eduard sa kaniyang narinig. Buong akala niya ay siya ang gusto ni Georgia. Napahiya tuloy siya sa harap ng maraming tao.

“Bahala ka kung ayaw mo akong maging kapareha. Hindi mo alam kung ano ang sinasayang mo. Maraming babae ang nag-aaya sa akin tapos ay tatanggihan mo lang ako?!” galit na wika ng binata.

Tinalikuran na lang siya ni Georgia.

Nang matapos ang klase ay kani-kaniya nang uwi ang mga mag-aaral. Pagdating ni Georgia sa kaniyang bahay ay naroon sa tapat ng kanilang bahay si Kevin at naghihintay.

“Kevin, ano ang ginagawa mo rito?” pagtataka ng dalaga.

“P-pasensya ka na, Georgia, at tatlong bulaklak lang ang maibibigay ko sa iyo. Pero itinanim ko ang mga ito. Nagpatulong ako sa nanay ko. Hinintay ko silang mamukadkad upang maibigay ko sa’yo. Nais sana kitang yayain sa prom, ngunit alam ko namang hindi ako ang tipo mo. Kaya naman narito lang ako para ibigay sa’yo talaga ang mga bulaklak na ito,” wika naman ni Kevin.

“S-sino naman ang nagsabi sa iyo na hindi ikaw ang gusto kong maging katambal sa JS Prom, Kevin? Sa katunayan ay matagal na akong naghihintay ng paanyaya mo,” tugon naman ni Georgia.

“A-ako? Ako talaga ang gusto mong makapareha? Bakit naman? Hindi ka ba nahihiya na makitang kasama ang isang gaya ko?”

“Bakti naman ako mahihiya, Kevin? Sa lahat ng lalaki ay ikaw lang ang tunay na maginoo. Ang iba’y inaaya lang ako dahil nais nilang patunayan sa lahat na matikas sila. Pero ikaw, nararamdaman kong ligtas ako sa’yo. Maraming salamat sa mga bulaklak na ito. Ito na ang pinakamagandang bulaklak na natanggap ko,” nakangiting sambit pa ni Georgia.

Walang kasing saya itong si Kevin dahil pinaunlakan ni Georgia ang kaniyang paanyaya. Hindi siya makapaniwala dahil tila isang panaginip ito.

Dumating ang araw ng prom at ang lahat ay todo ang porma. Naroon si Eduard na kasama ang isang estudyante na maganda at seksi.

“Akala ata ni Georgia ay hindi ako makakahanap ng mas maganda sa kaniya! Pagsisisihan niyang tinanggihan niya ako!” wika ni Eduard.

Ilang sandali pa ay napukaw ang atensyon ng lahat nang dumating si Georgia. Ubod ito ng ganda suot ang kaniyang magarang gown, at sa kaniyang tabi ay naroon si Kevin at magkahawak sila ng kamay.

“Georgia, tinanggihan mo ako para lang sa matabang lalaking iyan? Hindi mo ba alam ang ginawa mo? Malamang ko na pinagtatawanan ka na ng iba nating mga kamag-aral dahil sa ginawa mong ito! Hahanap ka na lang ng kapareha ay sa isang tulad pa ni Kevin!” panghahamak ni Eduard.

“Bakit, Eduard? Sabihin mo nga sa akin kung bakit sa tingin mo ay lahat ng tao rito’y higit kay Kevin? Mas gugustuhin ko pang mag-isa kaysa maging kapareha ang isang hambog na tulad mo na walang magaling kung hindi ang sarili. Gusto ko si Kevin dahil mabuti siyang tao at tapat ang kaniyang kalooban. At kung ito ang dahilan para pagtawanan ako ng marami ay wala akong pakialam. Kung wala ka nang sasabihin pa ay baka p’wedeng umalis ka na sa dadaanan namin at nakakaabala ka,” pagtataray ni Georgia.

Sa pangalawang pagkakataon ay mas lalong napahiya si Eduard. Sa paglalakad ng dalawa ay nabangga na naman siya ni Kevin at sa pagkakataon na ito’y napaupo siya kaya lalo siyang pinagtawanan ng mga naroon.

Nang gabing iyon ay hindi na inalala pa ni Georgia at Kevin ang sasabihin sa kanila ng marami. Ang tanging nasa isip lang nila ay ang magsaya at itangi ang mga sandaling iyon.

Bandang huli ay hinirang na Prom King at Queen sina Kevin at Georgia. Samantalang si Eduard ay naging tampulan ng tukso at kinainisan dahil sa masama nitong pag-uugali.

Advertisement