Isang Desisyon ang Tatapos Sana sa Paghihirap ng Binatang Api; Isang ‘Di Inaasahang Tulong ang Kaniyang Matatanggap

Hatinggabi na at pauwi pa lang ang binatang si Bryan mula sa pagtatrabaho niya bilang kargador sa palengke. Ilang taon na rin ang nakalipas simula nang yumao ang kaniyang ama dahilan para mahinto siya sa pag-aaral.

Ngunit nang makapag-asawang muli ang kaniyang ina’y hindi niya akalain na lalo pa siyang mahihirapan sa buhay. Imbes na katuwang ng kaniyang inang si Dolores ang amaing si Dante ay tila naging alipin pa sila nito. Wala itong trabaho at lulong sa alak.

Nang hatinggabing iyon ay dinatnan na naman ni Bryan ang ina sa isang kalunos-lunos na sitwasyon.

“‘Nay, sinaktan na naman ba kayo ni Tiyo Dante? Sabi ko naman sa inyo, iwan na natin siya! Baka mamaya ay mawala rin kayo sa akin tulad ni tatay!” sambit ng binata.

“Unawain mo na lang ang Tiyo Dante mo, anak. Ako rin naman ang may kasalanan. Hindi naman mag-iinit ang ulo niya kung naging maayos ang pagsisilbi ko sa kaniya kanina,” sagot naman ng ina.

“Bakit ba palagi n’yo na lang pinagtatanggol ‘yung walang hiyang lalaking ‘yun? Talaga bang nawalan na kayo ng bait sa sarili, ‘nay? Kahit kailan ay hindi ka pinagbuhatan ng kamay ni tatay. Ni kanti ay hindi niya nagawa! Bakit n’yo hinahayaan ang isang katulad ni Tiyo Dante na saktan kayo?” sambit muli ni Bryan.

“Anak, alam mo naman na kapag umalis tayo rito’y wala tayong pupuntahan! Tiisin mo na lang ang Tiyo Dante mo! Kahit paano nama’y mabait siya kapag hindi nakainom,” muling pahayag ni Dolores.

Nagpupuyos na ang damdamin ni Bryan dahil sa prinsipyo ng kaniyang ina. Wala naman kasi talagang naitutulong sa kanila ang kaniyang amain. Ito pa nga ang kumukuha ng kita nila para lang ipang-inom.

Advertisement

Maya-maya ay dumating na si Dante sa bahay at nakita si Bryan na inaalo ang ina.

“O, narito ka na pala, Bryan! Magkano ang kinita mo ngayong araw? Akin nang lahat!” bungad ng amain.

“Bakit ko ibibigay sa iyo ang pinaghirapan ko? Bakit hindi ka magbanat ng buto para may sarili kang pera?” sagot ni Bryan.

“Aba! Nagmamalaki ka na ba sa akin? Akala mo kung sino ka, e, kakarampot lang naman ang kinikita mo! Masasaktan na naman ‘yang ina mo kapag hindi ka nagbigay! Mga pabigat kayo sa akin!” saad pa ni Dante.

“Anak, sige na at ibigay mo na sa Tiyo Dante mo ang kinita mo. Papalitan ko na lang kapag kumita ako sa paglalaba. Sige na, anak,” pakiusap ng ina.

Batid kasi ni Dolores na nag-iipon itong si Bryan para makabalik siya sa pag-aaral. Wala namang nagawa ang binata kung hindi ibigay na lang sa amain ang kaniyang kinitang pera.

“Pinaghirapan ko ‘yun, ‘nay! Para sa ating dalawa sana ‘yun! Umalis na lang kasi tayo rito, e!” naiiyak na pahayag ni Bryan. Ngunit matigas ang ulo ng kaniyang ina. Talagang ayaw nitong umalis sa piling ni Dante.

Isang araw, pag-uwi muli ni Bryan ay naabutan na naman niyang nagbabangayan ang dalawa. Sinasaktan na naman ni Dante ang kaniyang ina.

Advertisement

“Wala kang kasing sama, Dante, ibinigay ko sa iyo ang lahat tapos ito lang ang igaganti mo sa akin? Pabigat ka na nga ay humanap ka pa ng ibang babae!” bulyaw ni Dolores sabay sampal sa kaniya ng bagong asawa.

“Huwag mong sasaktan ang nanay ko! Hayop ka!” pigil naman ni Bryan.

“E, ‘di magsama kayo ng nanay mo sa impyerno! Akala mo kung sino ‘yang ina mo! Natural na hahanap ako ng iba dahil losyang na siya at wala nang alindog!” saad muli ni Dante.

Sa pangyayaring iyon ay nagbabakasakali si Bryan na pumayag na ang ina upang tuluyan na nilang iwan ang amain, ngunit kinabukasan ay natagpuan na lang niya itong nakatali mula sa kisame at wala nang buhay.

Labis ang hinagpis ng binata. Ito na rin ang naging hudyat upang mawalan na siya ng pag-asa.

Isang araw ay naisipan ni Bryan na kunin ang sariling buhay. Naisipan niyang tumalon sa tulay. Ipinikit na lang niya ang kaniyang mga mata, ngunit nang patalon na siya ay biglang may humawak sa kaniyang damit.

“Anak, huwag mong gawin ‘yan! Kasalanan ‘yan sa Diyos!” saad ng isang lalaki na pilit na ibinibigay ang lahat ng kaniyang lakad upang hindi mahulog ng tuluyan itong si Bryan.

Napakapit muli si Bryan sa tulay at napaiyak.

Advertisement

“Diyos? Nasaan po Siya sa mga panahong kailangan ko Siya? Kinuha na Niya ang tatay ko, pati na rin ang nanay ko! Naiwan ako sa amain kong walang ginawa kung hindi pahirapan ang buhay ko. Ano ang dapat kong ipagpasalamat sa Kaniya?” umiiyak na sabit ng binata.

“Tara na muna rito at pag-usapan natin ang lahat ng iyan. Hindi kailangang matapos ang buhay mo sa ganitong paraan. May pag-asa pa para magbago ang buhay mo. Tutulungan kita. Huwag mong ituloy ang binabalak mo!” pakiusap muli ng lalaki.

Habang nakakapit nang mahigpit si Bryan sa tulay ay ikinuwento niya ang lahat ng kaniyang pinagdaanan sa matandang lalaki. Nakumbinsi naman siya nitong huwag nang gawin ang binabalak.

Dahan-dahang hinila ng ginoo si Bryan upang maialis ito sa peligro.

“Ako nga pala si Nardo, retiradong pulis. Alam mo, kaduwagan ang gagawin mong iyan. Marami pang dahilan para lumaban ka sa buhay. Huwag kang mag-alala at gagawin ko ang lahat para tulungan ka. ‘Yang mapang-abuso mong amain ay ipakukulong natin. Ngunit ang mas maganda ay mailayo ka sa lugar na ito upang hindi mo na maalala palagi ang dinanas mo. Kailangan mong bumalik sa pag-aaral,” saad ng ginoo.

Tinupad ng lalaking iyon ang sinabi at tinulungan si Bryan na makabalik sa pag-aaral. Bilang ganti naman ay pinagbuti ng binata ang kaniyang pag-aaral. Pilit niyang kinalimutan ang mapait na karanasan upang magtagumpay sa buhay.

Dahil sa pagsisikap ay nagtapos bilang isang nars si Bryan. Makalipas ang mahigit isang dekada ay kasalukuyan na siyang nagtatrabaho sa isang pribadong ospital at nag-aaral upang maging isang doktor.

Habang nagmamaneho ng kaniyang sasakyan ay napansin ni Bryan ang isang sasakyan na nakahinto sa ibabaw ng tulay. Agad niya itong hinintuan upang tingnan kung ano ang nangyari. Laking gulat niya nang makita sa loob ng isang sasakyan ang isang matandang walang malay.

Advertisement

Agad niya itong binigyan ng CPR upang maging paunang lunas. Mabuti na lang at nagkamalay na ang matanda. Nang pakatitigan ni Bryan ang naturang lalaki ay hindi niya inaasahan na muling magkrus ang landas nila ng retiradong pulis na tumulong sa kaniya noon.

“Sir Nardo, kayo po ba ‘yan? Ako po si Bryan, ‘yung binatang tinulungan n’yo po noon? Natatandaan n’yo pa po ba ako?” wika ng binata.

“Bryan, ikaw na ba talaga ‘yan? Maraming salamat sa tulong mo. Akala ko talaga’y katapusan ko na,” saad naman ng ginoo.

“Halina po kayo at dadalhin ko kayo sa ospital upang masuri kayo at mabigyan pa ng lunas,” saad muli ng binata.

Napangiti lang si Nardo.

“Akalain mo nga naman. Sa parehong tulay kung saan ko iniligtas ang buhay mo noon ay dito mo rin iniligtas ang aking buhay. Sadyang mapaglaro ang tadhana. Ito marahil ang dahilan kaya nakita kita noon,” saad pa ng matanda.

Napatingin sa paligid si Bryan at namangha rin siya sa nangyari. Tuluyan na niyang sinama si Nardo upang dalhin sa ospital.

Simula noon ay naging patuloy na ang kanilang komunikasyon. Habang si Bryan ay hindi pa rin tumigil upang maabot ang kaniyang mga pangarap.

Advertisement

“Marahil kung tumalon ako sa tulay na iyon ay natapos nga ang problema ko pero natapos rin ang aking buhay. Wala sana ako sa kinalalagyan ko ngayon. Maraming salamat, Sir Nardo. Ikaw ang ipinadala ng Panginoon sa akin upang magbago ang takbo ng buhay ko. Sadyang may mga mapapait na karanasan ang dadating sa ating buhay, ngunit hindi iyon dahilan upang mawalan ng pag-asa. Laging may magandang kinabukasan na naghihintay para sa atin,” pahayag ni Bryan.