Tumakas Siya sa Responsilidad nang Malamang Nagdadalantao ang Kasintahan; Sampal ang Inabot Niya sa Sariling Ina
Agad na natakot sa responsibilidad ang binatang si Kalmer nang malaman niyang nagdadalantao ang kaniyang nobya sa edad na bente anyos. Pagkaalam na pagkaalam niya sa balitang iyon, agad niyang hiniwalayan ang kaniyang kasintahan na tatlong buwan na palang nagdadalantao noon.
Labis man itong nagmakaawa sa kaniya na huwag silang maghiwalay dahil hindi rin nito alam ang gagawin upang mataguyod mag-isa ang kanilang nabuong bata, pinagpatuloy niya pa rin ang pakikipaghiwalay. Tinakot niya pa ang dalaga, sabi niya pa rito, “Kapag nalaman ng nanay ko na ako ang tatay niyan, ipapal*glag ko ‘yang batang ‘yan! Huwag mong sirain ang buhay ko!” dahilan para hayaan na siya nitong lumaya at mag-isang paghirapan ang pagkakaroon ng anak sa murang edad.
Matapos niyang makipaghiwalay sa dalaga, agad niya itong binalita sa kaniyang ina at sabi niya rito, “May ibang nobyo pala siya, eh, tapos ngayon, nagdadalantao na siya kaya hiniwalayan ko na agad, mama.”
“Sigurado ka bang hindi mo ‘yon anak?” pangamba nito.
“Sigurado pa ako sa sigurado, mama! Alam mo namang wala pa sa isip ko ang mga ganoong bagay! Magtatapos pa akong mag-aral, eh!” sabi niya pa kaya agad itong naniwala sa kaniya.
Habang patuloy na inaalagaan ng kaniyang dating nobya ang kanilang anak sa sariling sinapupunan, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang makipagbarkada at magpunta kung saan-saan kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Kung sino-sino ring babae ang kaniyang nakasama sa pagtulog na para bang wala pa siyang nadisgrasyang babae.
Kaya lang, lahat ng kasiyahan niyang iyon ay agad ding natapos dahil paglipas lang ng isang taon, pagkauwi niya galing eskwela, malakas na sampal mula sa kaniyang ina ang bumungad sa kaniya.
“Sa akin ka pa talaga nagsinungaling, Kalmer? Akala mo ba hindi ko malalaman na nagkaroon ka ng anak sa dati mong nobya at talagang tinakot mo pa talaga siya, ha?” sigaw nito sa kaniya saka muli siyang sinampal sa kabilang pisngi.
“Mama, anong kalokohan na naman ‘yang narinig mo sa iba?” tatawa-tawa niya pang sabi habang hinihimas ang pisnging namumula-mula na.
“Hindi ko ito sa iba narinig, Kalmer, kung hindi sa nanay ng dati mong nobya! Nakasabay ko sila sa jeep kanina papuntang palengke! Bitbit-bitbit nila ang anak mo at hindi mo talaga maitatanggi na ikaw ang ama dahil kamukhang-kamukha mo ang bata noong baby ka pa!” sabi pa nito habang mangiyakngiyak na sa galit.
“Naku, mama, malamang ako lang ang pinaglihian no’n!” tanggi niya pa.
“Tama na ang pagsisinungaling, Kalmer! Alam ko na ang lahat ng kalokohang ginawa mo! Hindi kita pinalaki para maging duwag! Harapin mo ang kasalanang ginawa mo at huwag mong hayaang ang mag-ina mo lang ang magdusa!” sermon pa nito saka lumuhod sa harap niya kaya siya’y agad na nakonsensya.Dali-dali niya itong itinayo at doon niya agad inamin ang kaniyang mga pagkakamali.
“Patawarin mo ako, mama, pangako, simula ngayon, itatama ko na ang lahat,” sabi niya rito saka agad na nagdesisyong puntahan ang kaniyang mag-ina at sa kanila naman humingi ng tawad.
Dahil nga hirap na hirap na rin sa buhay ang kaniyang dating kasintahan at gusto nitong lumaki ang kanilang anak nang may kumpletong pamilya, agad siya nitong pinatawad at hinayaang makilala ng kanilang anak na malapit nang mag-isang taong gulang.
Hindi na niya sinayang ang pagkakataong iyon at siya’y agad na humanap ng kaniyang pagkakakitaan habang tinatapos niya ang kaniyang pag-aaral.
Sa araw-araw na pagsasama nila ng dati niyang kasintahan, nakita niya kung gaano nito kamahal ang kanilang anak at kung paano siya nito asikasuhin dahilan para muling bumalik ang pagmamahal niya rito.
Sa awa ng Diyos, nagawa niyang tustusan ang kaniyang mag-ina at siya’y tuluyang nakapagtapos ng pag-aaral. Sa ganoong paraan, siya’y nakahanap ng isang magandang trabaho sa Maynila na may sapat na sahod upang matustusan niya ang lahat ng pangangailangan ng kaniyang mag-ina.
Nang maging permanente na siya sa trabaho at sila’y nagkaroon na ng malaking ipon ng kaniyang kasintahan na mayroong pinagkakakitaang negosyo, inalok niya na itong magpakasal na talagang ikinatuwa ng kani-kanilang pamilya.
“Ang pagtanggap mo sa mabigat na responsbilidad at pagpapakasal niyo ay ang dalawa sa pinakatamang desisyong ginawa mo sa buhay mo, anak! Sobra mo akong napapabilib!” sabi sa kaniya ng sariling ina habang yakap-yakap nito ang pogi niyang anak.
Ilang buwan pa ang lumipas, tuluyan na nga silang nagpakasal at iyon ang naging simula ng taos pusong saya sa puso niya.
“Salamat sa pagkakataong ibinigay mo sa akin, mahal, ha? Kung hindi ka muling nagtiwala sa akin, hindi tayo magiging masaya nang ganito!” bulong niya sa asawa habang pinapatulog nito ang kanilang munting anghel.