Inday TrendingInday Trending
Nagtataka Siya sa Palagiang Pag-alis ng Kaniyang Ina; May Nakakadurog Pusong Rason Pala Ito

Nagtataka Siya sa Palagiang Pag-alis ng Kaniyang Ina; May Nakakadurog Pusong Rason Pala Ito

Nasa edad na sampung taong gulang pa lang ang dalagang si Michelle nang una niyang mapansin na palaging umaalis ang kaniyang ina. Pagkatapos na pagkatapos nitong maghanda ng pagkain nila ng kaniyang ama, maayos ang lahat ng gamit niya sa eskwela at maipitan siya ng buhok, agad na rin itong aalis at uuwi na lamang kapag hatinggabi na.

Ganito man ang araw-araw na ginagawa ng kaniyang ina, hindi siya nagkakaroon ng pagkakataon na tanungin ito sa mga nangyayari dahil palagi siyang pinipigilan ng kaniyang ama.

Ito ang dahilan para ito na lamang ang siyang tanungin niya noong mga pagkakataong iyon.

“Hindi na ako mahal ng nanay mo, anak. Mayroon na siyang ibang inuuwiang lalaki. Hindi lang niya talaga matiis na hindi tayo paghandaan ng pagkain dahil naaawa siya sa atin. Kaya huwag mo nang tatanungin ang nanay mo, ha, natatakot ako na baka hindi na niya tayo paglutuan, samahan sa pagtulog, at baka tuluyan na niya tayong kalimutan kapag nang-usisa ka pa,” sabi nito sa kaniya na talagang dumurog sa kaniyang puso.

Kaya naman, simula nang araw na iyon hanggang ngayong tapos na siya ng pag-aaral at mayroon nang sariling trabaho, tikom pa rin ang bibig niya. Ngingitian niya lang ang ina kapag nasa bahay ito at yayakapin bago siya magtungo sa trabaho para lang maparamdam niya ritong mahal niya pa rin ito kahit na mayroon na itong ibang pamilya.

Ngunit, nang dumating ang pand*mya at siya’y sa bahay na lamang nagtatrabaho, napansin niya ang mga galos, pasa, at sugat na nasa braso’t binti ng kaniyang ina na pilit nitong itinatago gamit ang mahahabang damit.

“Napaano po ‘yan, mama? Kailangan niyo po ba ng gamot pamahid? Mayroon po akong…” hindi na nito pinatapos ang sinasabi niya at agad na itong nagmadaling maghugas ng mga pinaglutuan.

“Wala ‘to, anak, simpleng galos lang. Sige na, magtrabaho ka na roon, kailangan ko nang umalis,” natataranta pa nitong sabi saka agad nang lumisan sa kanilang bahay.

“Hindi kaya sinasaktan siya ng kaniyang bagong asawa?” tanong niya sa sarili kaya siya’y nagmadali at kaniyang sinundan ang ina.

Kaya lang, imbes na matuklasan niya kung saan galing ang mga pasa nito sa katawan, natunghayan niya kung paano manlimos ang kaniyang ina.

“Ate, pahingi naman kahit piso, pambili ko lang ng tinapay ko.”

“Manang, akin na lang ‘yang softdrinks mo, uhaw na uhaw na po ako.”

“Bata, bata, may limang piso ka ba riyan? Bigay mo na lang sa akin!”

Ilan lang ito sa mga katagang sinasabi ng kaniyang ina habang ito’y nanlilimos sa kabilang lalawigan. Labis siyang nasaktan nang makita ang kaniyang ina sa ganoong sitwasyon kaya agad niya itong hinila patungo sa isang sulok.

“Mama, may pagkain at tubig sa bahay. May pera rin ako, mama. Bakit kailangan mo pang manlimos?” mangiyakngiyang niyang tanong habang pinupunasan ang pawis ng ina.

“Bakit ka nandito? Hindi mo pwedeng malaman ang sitwasyon ko!” sigaw nito sa kaniya.

“Ano bang sinasabi mo, mama? Gulong-gulo na ako! Sabihin mo na sa akin ang lahat!” hagulgol niya.

“Matagal na kaming hiwalay ng tatay mo, anak, kaya hindi ako natigil sa bahay at ayaw niyang kakain o iinom ako roon. Sinasaktan niya ako kapag nakita niyang may bawas ang pagkain niyo. Binantaan niya pa ako na sasaktan ka niya kapag hindi ko kayo ipinagluto ng pagkain at kapag nalaman mo ang katotohanan. Pakiusap, anak, magbulag-bulagan ka at kalimutan mo ang pangyayaring ito! Sige na, umuwi ka na!” nanginginig nitong sabi na talagang ikinagulat niya.

“Hindi na ako bata, mama, para magbulag-bulagan! Pinagsinungalingan ako ni papa at sinasaktan ka pa niya! Oras na para matigil na ang kawalanghiyaan niya!” galit niyang wika saka siya agad na nagpunta sa pulisya upang magsumbong.

Dahil sa dami ng sugat at pasa ng kaniyang ina at sa mga kwento nito, ilang araw lang ang kanilang binilang, tuluyan na ngang nakulong ang kaniyang ama.

Todo baliktad man ito sa mga nangyari sa kanilang pamilya upang ina niya ang maging mali, hindi na siya kailanman naniwala rito at hinayaan itong mabulok sa kulungan habang unti-unti niyang hinilom ang takot sa puso ng kaniyang ina na ngayon ay malaya nang nakakakain, nakakainom, at nakakatulog sa kanilang bahay.

Biglang ganda rin ng katawan ng kaniyang ina dahil sa mga gamot na pinahid niya sa mga sugat at pasa nito. Nagkalaman din ito at umaliwalas ang mukha dahil nawala na ang pabigat sa dibdib nito na talagang ikinagalak niya.

“Salamat sa Diyos, nagising na ako sa katotohanan, nakasama ko pa ang taong tunay na nagmamahal sa akin,” sabi niya sarili habang hinihimas-himas ang ulo ng kaniyang ina na nakatulog na sa kaniyang kandungan.

Advertisement